Friday, May 26, 2017

CPP/NDF-Bicol: Tutulan at Buong Lakas na Labanan ang Martial Law!

National Democratic Front-Bicol Region propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 26): Tutulan at Buong Lakas na Labanan ang Martial Law!

Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)

26 May 2017

Lubusan nang hinubad ng rehimeng Duterte ang kanyang maka-mamamayang bihis at lalo pang ilinantad ang kanyang pagsalig sa pandarahas bilang pangunahing armas ng kanyang pamumuno nang idineklara niya ang batas militar sa buong Mindanao. Walang pag-aalangan niyang sinabing ang batas militar sa ilalim ng kanyang administrasyon ay walang ipinagkaiba sa batas militar sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos. Kasabay nito’y ang pagsuspendi ng writ of habeas corpus na magbibigay matwid sa panghuhuli sa sinuman kahit walang basbas ng husgado. Kalaunan, naglabas din siya ng pahayag na maaring hindi sapat na sa Mindanao lamang magdeklara ng batas militar. Ihinahanda niya ang mamamayan sa higit pang pagpapalawig nito sa buong bansa nang mas matagal pa sa 60 araw.

Sa gitna ng kaliwa’t kanang manipulasyon at destabilisasyon kay Duterte ng naghaharing uri at kanilang mga imperyalistang tagasulsol, nagkukumahog itong panatilihin ang kanyang kapit sa pusisyon. Desperado niyang pinalalakas at kinakabig ang mga militarista sa kanyang panig sa pamamamagitan ng pamumudmod ng mga susing pusisyon sa gabinete sa mga ito. Sa pagtatalaga niya kay Gen. Eduardo Ano, berdugong sangkot sa pagkawala ni Jonas Burgos, bilang pangunahing tagapagpaganap ng batas militar sa Mindanao, binibigyang basbas ni Duterte ang AFP at PNP na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa anumang paraan nang walang katatakutang pananagutan. Maaaring nakabig niya ang suporta ng isa sa mga ultra-kanang militarista sa bansa, subalit lalo naman niyang ihinihiwalay ang kanyang sarili sa mamamayang Pilipino.

Ginamit ng rehimeng Duterte ang isang nakadududa’t nakahiwalay na pagsalakay sa Marawi City ng Maute group na kilalang may kaugnayan sa mga upisyal militar at sa palitan ng droga bilang tuntungan ng batas militar. Pilit na idinudugtong ng grupong ito ang kanilang sarili sa internasyunal na teroristang grupong ISIS, isa sa mga armadong grupong inaarmasan at sinasanay ng CIA, para higit na palakihin ang kanilang teroristang postura. Hindi nakakapagtataka kung gayon kung gawing sangkalan ng rehimeng Duterte ang banta ng internasyunal na terorismo para bigyang matwid ang higit pang dayuhang panghihimasok sa bansa upang “sugpuin” ito.

Higit pa rito, lalo rin niyang pinapalakas ang kanyang mga kontra-rebolusyonaryong mekanismo upang padapain ang rebolusyonaryong pwersa hindi lamang sa Mindanao kundi pati sa buong bansa. Nangangarap si Duterteng pagtatagumpayan niya ang pagpapaluhod sa lumalakas na armadong kilusan ng BHB at mga armadong grupo ng mamamayang Moro sa pamamagitan ng malawakan at sustenidong kampanya ng karahasan. Lalo lamang niyang ipinapakitang kailanma’y hindi siya naging seryoso sa makatwiranang pagharap sa ugat ng sigalotupang makamtam ang tunay at makabuluhang kapayapaan sa buong bansa.

Kailangang makiisa ang mamamayang Bikolnon sa pagkundena sa pagpatupad ng batas militar sa Mindanao at pagsaklaw nito sa buong bansa. Marapat itong buong lakas na labanan at tutulan ng mga progresibong organisasyon at indibidwal sa kanayunan at kalunsuran. Dapat na manatiling buhay sa puso’t isipan ng mga Bikolano ang pananalasa ng batas militar sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na kampanyang propaganda hinggil sa mga pasakit sa ilalim ng pagpapatupad ng batas militar sa rehimeng Marcos at ang implikasyon nito sa ilalim ng rehimeng Duterte. Kailangang patampukin ang mga demokratikong kahilingan ng iba’t ibang sektor at isulong ang kampanyang edukasyon sa pagtataguyod ng mga demokratiko at pulitikal na karapatan ng mamamayan. Samantalahin ang lahat ng buhay, masigla at matalinong palitan ng opinyon sa midya, sa internet at sa lahat ng paaralan, pagawaan, sakahan, plasa, tambayan at kung saan man mayroong umpukan ng mamamayan upang pagkaisahin at pag-ibayuhin ang mga malawakang pagkilos laban sa pagpapatupad ng batas militar.

Lalong pinagtitibay ng ultra-kanang hakbanging ito ni Duterte na tanging ang armadong pakikibaka ang armas ng mamamayan laban sa estadong nangangayupapa sa dikta ng mga imperyalista at mga militarista. Tuluy-tuloy na ilulunsad ng BHB ang mga atritibo at mga anihilatibong bigwas nito laban sa mga ahente ng pasismo at terorismo ng estado sa kanayunan at kalunsuran. Mula sa malawak na kasapian ng rebolusyonaryong kilusan, lalong palalakasin ang hanay ng pulang hukbo sa pamamagitan ng mapangahas at masinsing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mamamayang Bikolnon.

Hindi maiibsan ng kamay na bakal ang patuloy na dinaranas na kahirapan ng sambayanang Pilipino sa gitna ng papasambulat na pandaigdigang krisis. Ito ay aral na ng kasaysayan. Sa panahon ng pinakamalagim na yugto ng kasalukuyang kasaysayan ng Pilipinas, sa ilalim ng batas militar ni Marcos, lalong lumakas ang rebolusyonaryong kilusan dahil sa katumpakan ng tangan nitong linya. Ang pasismo’t terorismo ng estado mismo at ang kawalan ng paggalang sa mga demokratiko’t pulitikal na mga karapatan ang nagtulak sa maraming mamamayan para ipagtanggol ang kanilang sarili at itaas ang antas ng pakikibaka sa pamamagitan ng laksa-laksang pagtungo sa kabundukan at pagtangan ng armas.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170526-tutulan-at-buong-lakas-na-labanan-ang-martial-law

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.