Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7): Pananakop ng imperyalismo sa buong daigdig
Katangian ng imperyalismo ang pananakop. Kung sa lumang kapitalismo ay malawakan ang eksport ng mga kalakal, sa panahon ngayon ng imperyalismo, o monopolyong yugto ng kapitalismo, mas karaniwan ang eksport ng kapital, at nagbubunsod ito ng paghahati-hati ng daigdig sa pagitan ng malalaking monopolyong korporasyon at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan.
Sa akda ni Lenin na Imperyalismo, ang Pinakamataas na Yugto ng Kapitalismo, isinulat niyang ang sobrang kapital ay gagamitin hindi para sa pagpapataas ng istandard ng pamumuhay ng masa sa isang bayan, dahil mababawasan ang tubo ng mga kapitalista, kundi sa pagpapalaki ng tubo sa pamamagitan ng pag-eksport ng kapital sa mga atrasadong bayan. Sa mga bayang ito, madalang ang kapital, mura ang lupa, hilaw na materyales at lakas-paggawa.
Nagbabagu-bago ang paghahati batay sa lakas ng bawat monopolyong korporasyon at sa bayang kumakatawan sa kanila. Halimbawa, noong 1884 hanggang 1914, sa merkado ng internasyunal na kartel ng asero, lumiit ang bahagi ng Great Britain mula 66% tungo 53.5%, samantalang lumaki ang Germany mula 27% tungo 28.8%, at Belgium mula 7% naging 17.67%. Bandang huli ay nabahaginan ang France, at noong 1905 ay nakibahagi pa ang United States Steel Corporation ni J.P. Morgan, ang pinakamalaking korporasyon ng asero sa US.
Paraan din ng eksport ng kapital ang pagpapautang. Ang kapital na ipinauutang ng mga monopolyo kapitalista ay nakatakda kung saan gagamitin. May kasabay itong mga kontrata tulad ng pagbili ng armas, teknolohiya, makinaryang gagamitin, o mga pangkonsumong kalakal mula lamang sa nagpautang na bansa o korporasyon, o kaya’y doon din magsusuplay ng hilaw na materyales. Kaya’t habang tumatabo ng tubo mula sa utang, kumikita pa ang mga monopolyo kapitalista mula sa pagbenta ng mga produkto nito.
Noong 1910, ang dalawang dating imperyalistang bayan, England at France, kasama ang dalawang umuusbong na imperyalistang bayan, United States at Germany, ang nagmamay-ari ng halos 80% ng kapital sa pinansya ng buong mundo. Wari ba’y sila ang usurero ng buong daigdig.
Lalo pa itong tumingkad pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII) nang itayo ang International Monetary Fund, na kontrolado ng mga imperyalistang bayan, para masistematisa ang pagpapautang sa mga atrasadong bayan. Sa bawat pautang ay nagtakda ito ng napakasahol at napakabigat na mga kundisyon sa mismong estado ng pinauutang na bayan.
Paghahati ng mundo sa pagitan ng makapangyarihang mga bayan
Kinokontrol ng bawat monopolyong kumbinasyon ang lahat ng pagkukunan ng hilaw na materyales upang maipagkait ito sa kanilang kakumpitensya, laluna ang mga nauubos na likas na yaman tulad ng langis, mina, karbon at lupa. Hinahawakan nila hindi lamang ang mga dati nang natuklas na rekurso, kundi pati ang mga potensyal pa, dahil napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya. Para sa kanila, ang ngayong walang silbi ay maaaring mapakinabangan bukas, mabuhusan lang ng teknolohiya at kapital. Garantiya ito laban sa anumang panggigipit ng kakumpetensya, kabilang na ang pagbubuo ng mga batas na nagtatatag ng monopolyo ng estado.
Kung mawalan ng kasarinlang pulitikal ang atrasadong bayan at mamamayan, tiyak na madulas ang paghuthot ng tubo. Ipinakikita ito sa paglitaw at paglaganap ng mga kolonya, na tuwirang hawak ng imperyalistang estado, at ng mga malakolonya, mga bansang nagpapakilalang nagsasarili ngunit sa katotohanan ay sakal ng imperyalistang estado sa ekonomya, pulitika at kultura. Sa pagtatayo ng isang tutang gubyerno, binabansot ng imperyalista ang ekonomya, dinarambong ang likas na yaman, pinipiga ang murang lakas-paggawa ng uring anakpawis, at binubulok ang kaisipan ng mamamayan upang tanggapin ang kanilang paghahari.
Mula 1884-1900 ang matinding pananakop ng pangunahing mga bayan sa Europe. Noong 1900 ay nakolonisa na ang 90.4% ng Africa, 98.9% ng Polynesia, 56.6% ng Asia, 27.2% ng America (hilaga hanggang timog), at ang buong Australia.
Sa panahong ito rin sinaklot ng US ang Pilipinas, sa pamamagitan ng isang digmang mapanakop na pumatay sa halos sangkanim (1/6) ng populasyong Pilipino. Naging maingay ang pagtutol rito ng mamamayang Amerikano, bagay na pinansin ni Lenin kung kaya nabanggit niya ang Pilipinas sa kanyang akda.
Simula pa lamang ng siglong 1900, naubos na ang bukas na teritoryo sa hibang na pananakop ng oligarkiya sa iba’t ibang bayan. Sa panahon ng imperyalismo, ganap na ang pagkakahati-hati ng daigdig. Nagbabago lamang ang pagkakahating ito kapag naaagaw ng isa ang teritoryong pagmamay-ari ng iba.
Ang imperyalismo ay katumbas ng digmaan
Ang dominasyong sinisikap ng mga imperyalistang estado ay umaabot pati sa pinakaindustriyalisadong mga rehiyon. Hindi lang ito para sa sariling pagpusisyon, kundi para pahinain at bakuran ang kakumpitensya at makamit ang hegemonya.
Ipinakita ni Lenin na pang-ekonomyang dominasyon ang batayan ng imperyalismo, ngunit sistema itong sumasaklaw maging ng pulitika at kultura, at militar na pagpusisyon sa buong daigdig. Ang paligsahang ito para sa dominasyon ay nagtutulak sa walang tigil na pakikidigma o paghahanda para makidigma.
Isang digmaan ng mga imperyalista ang Unang Digmaang Pandaigdig noong 1914-1918. Isa ito sa pinakamarahas at mapaminsalang digmaan sa kasaysayan ng Europe at ilang taon lang matapos ay sinundan pa ng WWII noong 1939-1945 kung saan nasaklaw ang Pilipinas. Pagkatapos ng digmaan, lumaki ang teritoryo ng US.
Ang binansagang Cold War matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga digmang agresyon sa Vietnam at Korea, hanggang sa mga gerang proxy ngayon sa Syria, Afghanistan, Iraq, Sudan, at marami pang bayan sa Africa ay mga gera para sa muling hatian ng mga teritoryong imperyalista. Naglulunsad ng iba’t ibang tipo ng hayag at tagong gera ang mga imperyalistang estado para sa dominasyon sa mundo. Maliban sa dati nang mga imperyalistang kapangyarihan tulad ng Great Britain, France, Germany at US, pumasok na rin sa eksena ang mga bagong kapangyarihang Russia at China. Gumastos ang mga ito sa militar ng $1,686 bilyon noong 2016, kung saan pinakamalaki ang US na $611 bilyon.
Ayon sa US Department of Defense noong 2016, maliban sa mga nanggegerang sundalo sa Afghanistan, Iraq, Iran, Kuwait at Syria, may 150,560 tauhang militar ang US sa labas ng kanilang bansa. Sa datos din ng US Joint Chiefs of Staff, nakikialam o nandirigma ang special operations forces sa 134 bayan.
Imperyalismo ang kaaway ng buong daigdig
Labis ang pang-aapi’t pagsasamantala ng imperyalismo hindi lang sa manggagawa sa sariling bayan kundi sa mamamayan sa mga kolonya at malakolonya. Ang paglilinaw ni Lenin sa katangian ng imperyalismo na pinatunayan ng tagumpay ng Rebolusyong Oktubre ay nananatiling makabuluhan sa lahat ng nagsisikap lumaya mula sa kuko ng imperyalismo sa kasalukuyang panahon. Ang kinasasadlakang krisis ng kapitalistang daigdig ngayon dulot ng walang-kabusugang kasakiman ng mga monopolyong kapitalista, ang paghihirap at kapinsalaang dulot nito sa mamamayan, ay nagpapatunay na nananatiling makabuluhan at mahigpit na panawagan ng panahon ang pagrerebolusyon bilang natatanging landas sa paglaya. Sa inspirasyon ng Rebolusyong Oktubre ng 1917, tungkulin ng manggagawa at mamamayan sa buong daigdig na muling padaluyungin ang kilusang anti-imperyalista laban sa naghihingalong kaaway.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017may07-pananakop-ng-imperyalismo-sa-buong-daigdig/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.