Propaganda statement published by Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 30): Ipagbunyi ang Ikalawang Kongreso ng Partido! Isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas! (Celebrate the Second Party Congress! Advance the people's war to a higher level)
Mensahe ng Komite Sentral ng PKP sa Bagong Hukbong Bayan sa ika-48 anibersaryo ng pagkakatatag nito
Ipinaaabot ng bagong-halal na Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mainit na rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng kumand at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa okasyon ng ika-48 anibersaryo na pagkakatatag nito. Sa ngalan ng mamamayang Pilipino at lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa, nagpupugay ang Partido sa bawat Pulang kumander at Pulang mandirigma ng BHB sa pagiging huwaran ng walang pag-iimbot na sakripisyo at ganap na dedikasyon sa paglilingkod sa api at pinagsasamantalahang mamamayan.
Parangalan natin ang lahat ng bayani at martir ng BHB at maging ang iba pang rebolusyonaryong mamamayan na nag-alay ng kanilang buhay sa pagtataguyod sa BHB at sa armadong rebolusyon. Bigyan din natin ng pagkilala ang lahat ng beteranong BHB, gayundin ang mga Pulang mandirigmang nasugatan o napinsala sa labanan na nagpapatuloy ng pagkilos sa hukbong bayan o iba pang larangan ng rebolusyonaryong gawain.
Ipagdiwang natin ang matagumpay na pagdaos ng Ikalawang Kongreso ng Partido sa makasaysayang petsa ng Oktubre 24 hanggang Nobyembre 7, 2016 sa isang baseng gerilya. Sa pamamagitan ng Ikalawang Kongreso, nakamit ng Partido ang ibayong pagkakaisa at higit na determinasyon na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa mas mataas na antas.
Natipon ng Ikalawang Kongreso ang namumunong mga kadre ng Partido mula sa sentral hanggang panrehiyon at pamproubinsyang mga komite nito. Nagawa ito batay sa lakas at kakayahan ng Bagong Hukbong Bayan. Inamyendahan ng Ikalawang Kongreso ang konstitusyon at programa ng Partido sa layuning ibayong bigyang-liwanag ang landas sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Nakapaghalal ito ng bagong pamunuang bumubuo ng Komite Sentral.
Nananawagan ang Partido sa BHB na sumulong sa landas ng matagalang digmang bayan. Ang internasyunal at lokal na mga kalagayan ay laging paborable sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong paglaban at pagsasagawa ng mga demokratikong pangmasang pakikibaka.
Pagyamanin natin ang natipong mga tagumpay at aral na nahalaw sa proseso ng paglulunsad ng armadong rebolusyon. Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, kumpyansado ang Partido na mapamumunuan nito ang malaganap at masinsin na pakikidigmang gerilya at maisusulong ang digmang bayan sa mas matataas na antas sa darating na mga taon.
I. Sampung taon ng pandaigdigang kapitalistang depresyon
Mag-iisang dekada na ang pandaigdigang kapitalistang depresyon. Ang depresyon ngayon ay mas malawak at mas malalim na kaysa Great Depression ng dekada 1930. Ang pagkawasak sa mga produktibong pwersa ay malayong mas malala at mas malubha at niyayanig ang buong kapitalistang sistema.
Patuloy na lumalaganap ang disempleyo at inaasahang umabot sa 201 milyon sa 2017. Labis na mataas ang tantos ng disempleyo sa hanay ng kabataan. Ang mga kalagayan sa paggawa at kundisyon sa pagtrabaho ay lalong naging mapang-api kung saan 1.4 bilyon ang tumatanggap ng napakababang sahod at walang katiyakan sa trabaho.
Ang kapitalistang kontradiksyon sa pagitan ng panlipunang produksyon at pribadong akumulasyon ng tubo ay patuloy na umiigting. Iisang porsyento ng populasyon ng daigdig ang kumukontrol sa $110 trilyon o kalahati ng pandaigdigang yaman. Tinatayang ang yamang kinamal ng walong pinakamalalaking monopolyo kapitalista ay kasing laki ng pag-aari ng mas mababang hati ng populasyon ng mundo. Mula 2009, 95% ng pang-ekonomyang pagtubo ng US ay sakmal ng pinakamataas na isang porsyento, habang 90% ng mga Amerikano ay lalong naghirap.
Patuloy ang mabilis na pagkabulok ng panlipunan at pampublikong imprastrukura. Ang mga kalagayan sa pamumuhay ng masang anakpawis ay patuloy na lumalala, kapwa sa Ikatlong Daigdig at maging sa mahihirap na pook at mga syudad at komunidad ng manggagawa sa mga kapitalistang sentro. Ang pagbawas sa gastos para sa serbisyong panlipunan ay nagresulta sa pagkasira ng pampublikong serbisyong pangkalusugan, edukasyon, transportasyon at iba pa.
Ang panlipunan at pang-ekonomyang kalagayan ng mga manggagawa at mamamayan sa mga kapitalistang bayan ay patuloy na sumasama. Binabata nila ang mababang sahod, kaltas sa pensyon, at pumapaimbulog na gastos sa pamumuhay. Noong 2016, umabot sa kabuuang US$12.58 trilyon ang utang ng mga pamamahay, tumaas nang halos 60% mula sa sinundang taon, at halos kasinlaki ng 2008. Milyong manggagawa sa US ang walang tahanan sa gitna ng pagdagsa ng mga pabahay.
Ang lumalalang panlipunang kalagayan ng mga produktibong pwersa ay nagdulot ng kanilang kawalang-kakayahang konsumuhin ang mga produkto ng kanilang paggawa na tumutungo sa pagtumal ng mga pamilihan. Nagbunga ito ng mga pamilihang umaapaw sa mga produktong pangkonsumo tulad ng mga cellphone, computer electronics, kasuotan at sapatos. Bumagsak ang internasyunal na kalakalan sa pinakamababang antas sa loob ng tatlong dekada at tumungo sa pagkalugi ng malalaking kumpanya sa shipping (kargong pandagat) at mga opereytor ng daungan.
Nananatili ang pandaigdigang kapitalistang krisis dahil sa di-malutas na problema ng labis na produksyon sa ilalim ng kapitalismo. May kabuuang pagbagal ang kapitalistang produksyon. Lumalaki ang imbentaryo ng mga produktong intermedya at kapital tulad ng mga metal at kemikal, makinaryang elektrikal, produktong petrolyo, gayundin ng asero at semento. Mayroong mas maigting na kumpetisyon at pagkalugi sa mga kapitalistang empresa na dumudulo sa inter-imperyalistang mga ribalan at digmaan.
Patuloy na gumagapang ang mga ekonomya ng US at mga bayang European sa sunud-sunod na taon ng mabagal na paglaki, habang inuuga ang China ng magkakasunod na pampinansyang pagyanig. Nasa 2.3% ang paglago ng pandaigdigang GDP ng 2016, ang pinakamabagal mula noong 2008. Nabigo sa pangkalahatan ang pandaigdigang sistemang kapitalista na pasiglahin ang produktibong paglago mula 2008 at lalong nagiging pinansyalisado. Karamihan sa tinaguriang paglago ay tulak ng utang at ng tinatawag na “wealth-making products” (mga produktong panlikha ng yaman) o di-produktibong ispekulatibong instrumentong pinansyal. Ang pandaigdigang utang ay nasa US$230 trilyon, higit 325% ng pandaigdigang GDP at tatlong beses na mas malaki kaysa noong 2000.
Noong 2016, lumaki nang 1.9% ang US GDP, pinakamabagal sa loob ng limang taon. Nabigo ang rehimeng Obama na lutasin ang mga problemang pang-ekonomya sa nakaraang walong taon sa pamamagitan ng bail-outs (pagsagip) at gastos-militar. Nagtagumpay lang ito sa pagpuno sa mga kaban ng malalaking oligarkiyang pampinansya ng mga pondong pansagip na sa pagtaya ng iba ay humigit kumulang US$29.5 trilyon mula 2008 sa kapinsalaan ng masang anakpawis na pinagpasan ng mga hakbang sa pagtitipid.
Nangako ang bagong-luklok na rehimeng Trump na “ibabalik ang mga trabaho” sa pagpapagana ng idineklara niyang patakarang “America Muna”. Binaklas na nito ang Trans-Pacific Partnership (TPP) at nakahandang muling makipag-negosasyon sa iba pang tinaguriang kasunduang “malayang kalakalan” upang “ibalik ang mga trabaho” sa US, na nagtatakip sa pundamental na krisis ng labis na produksyon. Ngunit ang proteksyunismo ng gubyernong US ay matagal nang lumalakas kalakip ang mga paglalaan ng subsidyo ng gubyerno para sa mga lokal na empresa at pagtitibay ng mga hadlang sa kalakalan. Gayunpaman, matagal nang sinasabotahe ng gubyernong US ang multilateral na mga kasunduang pangkalakalan tulad ng GATT-WTO sa pamamagitan ng suporta at subsidyo sa mga empresa, taniman at pinansyang US. Ang pangako niyang “gagawing dakilang muli ang America” ay tiyak na makapipinsala sa uring manggagawang US sa paghahabol niyang ibaba ang presyo ng paggawang Amerikano. Binatikos na niya ang China, at kahit European Union, sa pagmanipula ng pera, na naglalatag ng batayan para sa paglalagay ng mga hadlang sa kalakalan at restriksyon sa pamumuhunan at iba pang hakbang. Magbubunsod ang mga ito ng kontra-hakbang mula sa mga karibal na imperyalista.
Sa pagkalas sa European Union, iginiit ng United Kingdom ang pagkatig sa pambansang pang-ekonomyang interes nito, sa partikular, upang makapagtatag ng bagong mga pamilihan at pangkalakalang partner na hindi nahahadlangan ng mga tuntuning takdang-EU. Papalaki ang pang-ekonomyang presyur sa batayang industriyal nito mula sa mumurahing labis na produkto mula sa China. Isasagawa ng UK ang mga hakbanging Brexit ngayong taon, habang pinag-aaralan din ng iba pang bayang myembro ng EU ang kahalintulad na pagkalas.
Ininda ng Russia ang mababang presyo ng krudo bilang resulta ng labis na produksyon. Sa ilang bahagi, ang pagpapabagsak ng presyo ay sinadya ng US at Saudi Arabia sa pamamagitan ng pagpapalaki ng produksyon ng shale oil at pagpigil sa OPEC na maglimita ng produksyon. Layunin nitong pahinain ang nagluluwas ng langis at gas na ekonomyang Russian maging ng iba pang anti-US na ekonomyang lumilikha ng langis tulad ng mga bayang Venezuela at Iran.
Ang produktibong kapasidad ng ekonomyang Chinese ay pinahihina ng imbentaryo ng di-maibentang mga kalakal (asero, semiconductor at pangkonsumong electronics, appliances, sasakyan, tela, real estate) bunga ng pandaigdigang pagtumal ng ekonomya. Pinahihina rin ito ng papalawak na relatibong laki ng di-produktibong ekonomya. Nagsagawa na rin ito ng sariling bersyon ng quantitative easing (pag-iimprenta ng pera) mula 2009.
Noong 2015, pumailanlang sa US$28 trilyon o 282% ng GDP nito ang pampubliko at pribadong utang sa China, di bababa sa limang beses sa nakaraang dekada. Umutang ang China ng dagdag na US$3 trilyon sa unang tatlong kwarto ng 2016, na nagpalaki ng utang nito nang hanggang 390% ng GDP.
Binabaha ng tinaguriang wealth-management products o papataas-ang-risgong mga instrumentong pinansyal ang sistemang pinansyal ng China. Binubuo ng mga ito ang sobra sa proporsyong laki ng ekonomya ng China, na tinatayang mas mababa lang ng bahagya sa 45% ng GDP. Ilang beses nang pumalya ang pangunahing mga stock market ng China mula 2015 na naglalantad sa mga lamat ng lumulobong sistemang pinansyal ng China. Lumalaki ang mga pangamba na patungo ang China sa isang pangkalahatang pagguho na kahalintulad sa US noong 2008.
Habang tumatagal at lumalala ang pandaigdigang kapitalistang krisis, patuloy na tumitindi ang inter-imperyalistang mga kontradiksyon sa ilalim ng isang multipolar na daigdig. Nag-iibayo ang ribalan sa pagitan ng pinakamalalaking imperyalistang kapangyarihan na nag-aagawan sa estratehikong kontrol ng mga pamilihan, pinagkukunan ng hilaw na materyales, at saklaw ng impluwensya. Lumalaki ang paggastos militar na umabot sa US$1.7 trilyon noong 2015.
Sa gitna ng kabiguang malutas ng ilang-dekadang mga patakarang neoliberal ang estratehikong paglubog ng sistemang kapitalista, may malakas na tunguhing pa-Kanan ngayon sa hanay ng mga partido pulitikal ng mga monopolyo kapitalista na may malakas na awtoritaryan at ultra-nasyunalistang retorika sa US, gayundin sa UK at iba pang bayang EU. Ginagatungan ng mga partidong ito ang xenophobia laban sa mga immigrant at refugee, gayundin ang rasismo, relihiyosong panatisismo at pasismo. Nagasgas na ng naghaharing mga uri ang astang neoliberal na malayang kalakalan at ngayo’y naghahangad ng dagdag na paggamit ng marahas na kapangyarihan ng estado para pagsamantalahan ang mga uring anakpawis nito at ipilit ang mas nakabebentaheng mga kundisyon para sa mga kapartner sa kalakalan at pamumuhunan.
Sa bigong pangarap na mapanatili ang estratehikong pandaigdigang dominasyon nito, ipinagpapatuloy ng US ang hegemonikong pagsaklaw sa buong daigdig upang magpanatili ng mga kliyenteng estado nito, magsagawa ng “pagbabago ng rehimen,” subersyon laban sa mga gubyernong naggigiit ng kasarinlan at panatilihin ang presensyang militar sa pangunahing mga ruta ng kalakalan. Gumagastos ang gubyernong US ng humigit-kumulang $600 bilyon taun-taon sa militar nito, na lampas sa pinagsamang gastos ng sumusunod na sampung bayan (kabilang na ang China at Russia).
Nababanat ang militar ng US. Sinisikap nitong palakasin ang hawak sa Middle East at ideploy ang mga pwersa nito sa hangganan ng Europe sa Russia at sa timog na karagatan ng China. Aktibo ito sa mga gera sa Middle East, partikular sa Iraq, Syria, Libya at Yemen. Naglulunsad ito ng interbensyong militar sa Palestine, Lebanon, Egypt, Pakistan, Pilipinas, Nigeria, Turkey, Yemen, Ukraine at marami pang ibang bayan. Nakapagdeploy ito ng mga pwersa sa espesyal na operasyon sa mahigit 130 bayan sa diumano’y mga anti-terorismong operasyon. Mula 2013, inilunsad ng US ang “Asia Pivot” nito upang ideploy ang mahigit kalahati ng tropang nabal nito sa Asia.
Sa ngalan ng “operasyong kalayaan sa nabigasyon,” naigiit ng US ang presensya militar nito sa South China Sea sa nakaraang mga taon. Itinulak nito ang China na agresibong magiit ang soberanya, na gumawa ng may kalabisang mga pang-angkin ng soberanya sa exclusive economic zone at teritoryong dagat ng Pilipinas at magtayo ng mga military outpost at iba pang istruktura na ganap na nagbabalewala sa mga karapatan ng Pilipinas.
Tanda ng tumutubong imperyalistang ambisyon nito, nagsimula nang magtayo ang China ng sariling mga base militar sa ibayong dagat, partikular sa Africa at sa Middle East, upang ipagtanggol ang mga pamumuhunan sa ekonomya at palawakin ang impluwensya. Nakahanda na ring makumpleto ng China ang unang plota ng mga aircraft carrier nito sa susunod na mga taon.
Patuloy na iginigiit ng Russia ang lakas militar sa mga rehiyon ng East Europe, Middle East at Central Asia. May estratehikong kontrol ito sa mga rekursong langis sa Caspian at Black Sea. Nagsimula na itong magpakita ng presensya sa South China Sea sa pagbisita sa mga daungan sa Pilipinas.
Upang mapasaklaw ang impluwensya sa pulitika at malabanan ang hegemonya ng US, naglunsad ng pang-ekonomyang opensibang diplomatiko ang China sa pag-alok ng mababang interes na pautang para sa imprastruktura sa pamamagitan ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) sa ilalim ng tinatawag nitong “New World Economic Blueprint” (Bagong Pandaigdigang Plano sa Ekonomya) at “One Belt, One Road” na balangkas ng pagtatayo ng mga engklabo at pasilidad sa transportasyon. Estratehikong layunin ng China na gamitin ang mas malawak na dagat ng walang empleyong lakas-paggawa upang lalo pang ibaba ang presyo ng paggawa.
Patuloy na nagpapaunlad ng estratehikong kooperasyong militar ang Russia at China sa iba pang bayang Eurasian, kabilang ang India at Pakistan, sa pamamagitan ng Shanghai Cooperation Organization.
Ang estratehikong kontrol sa mga rekursong langis at tubong daluyan, laluna sa Middle East, ay nananatiling isa sa mga pangunahing nagpapasiklab ng inter-imperyalistang mga ribalan. Nagharapan na ang magkakatunggaling imperyalista sa Syria kung saan nais ng US na pabagsakin ang rehimeng al-Bashad sa pamamagitan ng pambobomba at sa pag-aarmas sa mga tinaguriang rebelde, habang nanindigan ang Russia (na may suportang Chinese) sa gubyernong Syrian sa pamamagitan ng mga kontra-pambobomba laban sa mga rebeldeng suportado ng US.
Habang umiigting ang inter-imperyalistang mga ribalan, ang proletaryado at aping mamamayan sa buong daigdig ay dapat magpasigla ng kanilang mga pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Itinutulak ng papalalang panlipunang kalagayan sa ilalim ng kaayusang neoliberal ang mga manggagawa, magsasaka at mamamayang anakpawis na maglunsad ng pangmasang mga pakikibaka at armadong paglaban.
Bumabangon ang mga manggagawa at mamamayang anakpawis sa mga atrasadong bayan. Maramihan silang bumabangon sa mga welga at iba pang anyo ng pakikibaka laban sa pagsalakay ng mga patakarang neoliberal sa mga trabaho, sahod at serbisyong pampubliko. Sa China, puu-puong libong manggagawa sa mga engklabo ng paggawa ang naglulunsad ng mga pakikibakang masa laban sa mapang-api at mapagsamantalang mga kalagayan. Malalaking welga ng mga manggagawa ang pumutok na sa India at iba pang lugar.
Sa US, ang uring manggagawa, kapwa puti at may kulay, ay maramihang bumabangon laban sa bagong-luklok na rehimeng Trump na nagdeklara ng gera laban sa mga immigrant. Malalaking welga ang pumutok na sa buong bayan para sa taas-sahod at iba pang isyu.
Sa mga bayang napaiilalim sa imperyalistang agresyong militar at pananakop ng US, naglulunsad ng armadong paglaban ang mamamayan, nagsasarili man o suportado ng karibal na mga imperyalistang kapangyarihan. Inilulunsad ang rebolusyonaryong armadong paglaban sa India, Pilipinas, Palestine, Kurdistan at iba pang bayan.
Dapat samantalahin ng mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa ang paborableng mga kalagayan upang magtatag ng mga partidong Marxista-Leninista-Maoista na malalim na nakaugat sa mamamayan at may kakayahang maramihang magmulat, mag-organisa at magmobilisa sa mamamayan at sa pamumuno ng kanilang armadong paglaban upang makamit ang pambansa at panlipunang paglaya at maglunsad ng sosyalistang rebolusyon.
II. Nananatili ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa ilalim ng rehimeng Duterte
Patuloy na lumulubha ang mga kalagayan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng Pilipinas sa bigat ng pandaigdigang kapitalistang krisis. Nananatili ang Pilipinas sa katayuan ng kronikong krisis. Lumilikha ito ng antagonistikong kontradiksyong makauri sa pagitan ng mapagsamantala at pinagsasamantalahang mga uri, gayundin ng matinding paksyunal na mga ribalan sa loob ng naghaharing mga uri.
Ang di-industriyal, agraryo at atrasadong kalagayan ng ekonomyang Pilipino ay lumala sa mahigit tatlong dekada ng mga patakarang neoliberal. Patuloy na lumiliit ang kakayahan ng ekonomyang Pilipino na lumikha ng produkto at makasustine sa sarili. Inaangkin ng reaksyunaryong gubyerno ang 6.8% GDP na paglago noong nakaraang taon, ngunit nangyari ito pangunahin dahil sa pansamantalang paglawak ng konstruksyon at real estate. Bumaba ang produksyong agrikultural nang 1.3% noong 2016 mula sa walang paglago sa sinundang taon, habang ang bahagi nito sa GDP ay bumaba sa 8.8% mula 9.5%. Sa kabuuan, ang bahagi ng produktibong mga sektor (agrikultura, manupaktura, pagmimina at konstruksyon) ay lalo pang bumagsak sa 39.2%. Ang sektor ng serbisyo, na pangunahing nagsisilbi sa sirkulasyon ng dayuhang mga kalakal, ay lumawak hanggang 49.9% ng ekonomya.
Higit na nakaasa ang Pilipinas ngayon sa pagluluwas ng hilaw na materyales, mga manupakturang may mababang dagdag-halaga, at lakas-paggawa ng mga migrante. Dahil walang solidong kapasidad sa industriya, dumaranas ang bayan ng walang tigil na depisito sa kalakalan, na tumutungo naman sa matinding pagsalig sa pangungutang at dayuhang puhunan, pangunahin sa portfolio investments na ginagamit sa ispekulasyong pinansyal.
Walang makikita lampas sa kinang ng import na pangkonsumo, pagtatayo ng mga imprastruktura at mga call center na nakakonsentra sa pambansang kapitolyo at makikitid na koridor ng ilang sentrong probinsya o bayan.
Patuloy na nagdurusa ang mamamayang Pilipino sa papalalang sosyo-ekonomikong kalagayan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Lumalaki ang patlang sa pagitan ng naghaharing grupong pang-ekonomya at ng malawak na mayorya ng mga manggagawa at magsasaka. Batay sa independyenteng mga pagtaya, halos 70% ng mga Pilipino, o mga 66 milyon, ay nabubuhay sa baba ng hangganan ng karalitaan, kumikita ng mas mababa sa P125 sa isang araw. Sa kabilang banda, ang yaman ng 40 pinakamayayamang Pilipino ay lumaki nang 14% mula 2015 hanggang 2016, habang ang tubo ng pinakamalalaking mga empresang nakalista sa Philippine Stock Exchange ay lumaki nang 18% sa gayon ding panahon, na lalong nagpalaki ng patlang sa pagitan ng naghaharing grupong pang-ekonomya at ng malawak na mayorya ng mga manggagawa at magsasaka.
Patuloy na naghihirap ang mga manggagawa sa malawakang disempleyo, mga patakaran sa pleksibleng paggawa at mababang sahod. Ang lawak ng disempleyo at kakulangan ng empleyo ay nasa humigit-kumulang 11.5 milyon o halos 27% ng kabuuang lakas-paggawa. Humigit-kumulang 1.3 milyong manggagawa ang natanggal mula sa kabuuang lakas-paggawa noong 2016. Dahil sa malubhang kawalan ng trabaho, patuloy na desperadong naghahanap ng trabaho sa ibayong dagat ang mga manggagawa. Taun-taong lumalaki ang tantos ng pagpapadala ng de-kontratang mga manggagawa sa ibayong dagat.
Patuloy na dumaranas ang mga Pilipinong manggagawa ng papalubhang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng kontraktwalisasyon at kahalintulad na mga pakana ng pleksibleng empleyo. Sa ilang engklabo ng paggawa, ang tantos ng kontraktwalisasyon ay kasintaas ng 90%. Patuloy na lumala ang mga kalagayan sa pagtrabaho sa ilalim ng deregulasyon ng mga pamantayan sa paggawa tulad ng nangyaring malalaking sunog sa pabrika.
Nananatiling mababa ang sahod. Ang minimum na sahod na P491 para sa mga manggagawa sa NCR ay makasasagot lang sa 43% ng halagang gastusin para sa pang-araw na pangangailangan ng anim-kataong pamilya. Ang mga sahod ay patuloy na hinihila pababa ng mga patakaran tulad ng rehiyunalisasyon ng sahod, dalawang-andanang sahuran at iba pa.
Patuloy na pinahihirapan ang masang magsasaka ng laganap na kawalan ng lupa at pangangamkam ng lupa at lumalalang mga anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala at malubhang kawalan ng trabaho. Napatunayan nang huwad at isinantabi na ang reporma sa lupa sa ilalim ng reaksyunaryong gubyerno. Monopolisado pa rin ang lupa sa malalaking asyenda at maging sa mga tinatawag na mga iskema ng contract-growing at malalaking plantasyong pag-aari ng dayuhan na nakatakda para sa mga tanim na pang-eksport.
Patuloy na sumasama ang mga pampublikong imprastruktura at serbisyo sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng pribatisasyon at deregulasyon. Ang malawak na masa ay pinahihirapan ng panlipunang pakaltas o kakulangan ng alokasyong badyet na nagtutulak sa mga ospital pampubliko at mga eskwelahang estado, gayundin sa iba pang ahensya para sa serbisyo publiko na pumasok sa operasyong komersyal at iskemang korporatisasyon sa kapinsalaan ng mamamayan. Sa halos sampung taon na ngayon, ang tinatawag na programang conditional cash-transfer na dinisenyo at pinondohan ng World Bank ay ganap na nabigo sa paglutas ng mga ugat ng malawakang karalitaan.
Ang lumalalim na krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at ang lumalalang mga kontradiksyong dulot nito ang nagpalitaw sa rehimeng Duterte, na sa maraming bagay ay nakatakdang maiba sa mga nauna rito. Isa, si Rodrigo Duterte ang unang presidente ng GRP na umakong siya ay isang “Kaliwa” at “sosyalista” at hayag na nagpakita ng mapagkaibigang pakikipag-ugnayan sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Habang meyor, nagpakilala siyang tutol sa pagtatayo ng mga pasilidad militar ng US sa Davao City.
Nangibabaw siya sa eleksyong 2016 sakay nang malawakang diskuntento ng mamamayan sa naghaharing sistema at mithiin nila para sa mapagpasyang pagbabago. Nang manalo bilang presidente, inialok ni Duterte sa Kaliwa ang mga pusisyon sa gabinete at pumili mula sa listahan ng mga rekomendado ng NDFP mula sa hanay ng progresibo at patriyotikong mga lider masa upang pamunuan ang mga kawanihan sa reporma sa lupa at social welfare, at ang presidential anti-poverty commission. Binigyan sila ng natatanging pagkakataon para ibigay ang todong suporta sa mga pakikibaka ng mga magsasaka, mga manggagawa at ang masang anakpawis sa buong bayan, partikular para itulak ang pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita at iba pang asyenda, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, pagtigil ng militarisasyon sa mga barangay at iba pa.
Gayunpaman, sa kabuuan ay dominado ang gabinete ni Duterte ng mga tagapagtaguyod ng mga patakarang neoliberal ng nakaraang mga rehimen maging mga militaristang pro-US. May mga kontradiksyon sa loob ng naghaharing pangkatin, na nakaugnay rin sa paksyunal na mga ribalan sa hanay ng mga naghaharing uri. Sinasalamin ng gayong mga ribalan ang malalim na krisis ng nabubulok na nahaharing sistema gayundin ang mga kontradiksyong nagmumula sa isang multipolar na daigdig.
Ang mga masugid na personalidad ng Yellow Army ng Liberal Party, kabilang ang mga Aquino ng Hacienda Luisita, ay nasa unahan ng mga pagsisikap na ugain ang naghaharing rehimen. Inuupatan at sinusulsulan sila ng imperyalismong US bilang pampigil sa mga kontra-US na postura ni Duterte. May mga upisyal sa AFP na handang kumilos laban kay Duterte oras na utusan sila ng kanilang mga among Amerikano.
Matapos ang halos walong buwan sa kapangyarihan, hindi pa naisasalin sa kongkretong patakaran ang mga pangako ni Duterte, at lalong wala sa aktwal na pagbabago at bwelo. Kailangan pa niyang patunayang naiiba siya sa kanyang mga sinundan.
Makailang beses nang ipinangako ni Duterte na wawakasan niya ang kontraktwalisasyon ng paggawa. Ang pangakong ito, gayunpaman, ay hindi nakikita sa DOLE Order 174 na inilabas noong Marso 10 na nagpapatibay sa Herrera Law at may layon lamang na maging pamantayan at dagdag na regulasyon sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon, tulad ng patarakan ng naunang mga rehimen. Wala pang mapagpasyang mga hakbang ang rehimeng Duterte upang tugunan ang nangungunang kahingian ng mga magsasaka para sa reporma sa lupa. Hindi pa nito tinutupad ang pangakong libreng patubig.
Paulit-uulit na nagpahayag si GRP President Duterte ng deklarasyon ng nagsasariling patakarang panlabas at kritikal sa interbensyong militar ng US. Binatikos niya ang paglulunsad ng ehersisyo militar ng US, ang VFA at ang EDCA ngunit wala pang kongkretong mga hakbang para igiit ang pambansang soberanya. Sa pagdidiin ng mga upisyal militar, sumang-ayon si Duterte na pahintulutan ang US na magtayo ng mga pasilidad militar sa Palawan at iba pang kampo ng AFP at magsagawa ng Balikatan Exercises gayundin ng 256 iba pang ehersisyong militar sa bayan ngayong taon.
Mabibigat na abuso sa karapatang-tao ang nagawa na ng mga pulis at pwersang militar ng estado sa ilalim ng “gera kontra-droga” at ng “todo-gera” ng rehimeng Duterte. Si Duterte mismo ang nanulsol sa bulok na kapulisan na magpatupad ng hibang na gera laban sa droga. Di bababa sa 8,000 na “personalidad sa droga”, na karamihan ay maliliit na magtutulak at gumagamit ng droga sa maralitang mga komunidad, ang pinatay ng pulis sa mga operasyong “Oplan Tokhang” gayundin ng mga vigilante death squads.
Mula nang magdeklara ng todo-gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersa noong Pebrero, naglunsad ang militar at itinayo-ng-AFP na mga grupong paramilitar ng walang-habas na mga pamamaslang at armadong panunupil laban sa mga magsasaka at minoryang mamamayan. Inutusan ni Duterte ang AFP na “patagin ang mga bundok,” gamit ang mga helicopter gunships at bagong-biling jet-fighters upang mambomba mula sa himpapawid. Lubos na walang pasasaalang-alang sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan, nambomba ang AFP sa Compostela Valley, Sarangani, Abra, Maguindanao, Agusan del Norte at iba pang lugar.
Inanunsyo na ng AFP ang bagong kontra-insurhensyang plano nito na Oplan Kapayapaan, na sa kabuuan ay nakabatay sa nagdaang Oplan Bayanihan sa usapin ng pagkukumbina ng mga operasyong saywar, intelidyens at kombat. Mahigit 400 bilanggong pulitikal ang nananatiling nakakulong, marami ang ilang taon nang hindi makatarungang nakakulong nang walang pagbibista.
Nag-iibayo ang ligalig ng mamamayang Pilipino sa napakong mga pangako ni Duterte. Hinihingi nila ang pambansang soberanya, pambansang industriyalisasyon, tunay na reporma sa lupa, pagwawakas sa burukratikong korapsyon at malawakang karalitaan at pang-aapi. Tiyak na maramihang mag-aalsa ang mga manggagawa upang hingiin ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon at ipanawagan ang pagtaas ng sahod at ang pagtigil ng rehiyunalisasyon ng sahod at iba pang pakana para pababain ang sahod. Ang pakikibakang masa ng mga magsasaka ay pumuputok sa buong bansa upang igiit ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa at pagtanim ng mga pagkaing pananim (kilusang “bungkalan”), humingi ng makatarungang presyo para sa kanilang mga produkto, labanan ang usura at ang mapang-aping mga bangko sa microfinancing at paglaban sa militarisasyon ng kanilang mga komunidad. Pinaigting ng mga maralitang lunsod ang kanilang pakikibaka laban sa pribatisasyon ng pabahay sa kanilang pinakahuling pag-okupa sa mahigit 5,000 nakatiwangwang na bahay sa Bulacan. Ang kabataan at estudyante ay humihingi ng pagtigil sa programang K-to-12 at laban sa papataas na gastos sa edukasyon.
Ang tuluy-tuloy na pag-abante ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa gitna ng lumalalang krisis ay nagsisilbing matingkad na konteksto ng usapang pangkapayapaang GRP-NDFP. Tuluy-tuloy itong umabante mula nang magsimulang muli noong Agosto nang nakaraang taon.
Sa pakikipag-usap sa GRP, tumitindig ang NDFP sa ngalan ng Demokratikong Gubyernong Bayan upang katawanin ang interes ng malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya. Ang GRP, sa kabilang panig, ay kumakatawan sa interes ng mga naghaharing uri ng malaking burgesya kumpador at malalaking uring panginoong maylupa sa kabila ng hungkag na pananalitang naglilingkod ito sa interes ng mamamayan. Batid din nito na wala itong kakayahang durugin ang armadong rebolusyon kaya sa isang pakahulugan ay nakapatas dito.
Sa pagpasok sa usapang pangkapayapaan, nagkasundo ang GRP at NDFP na tugunan ang ugat na dahilan ng armadong tunggalian upang makamit ang makatarungan at matagalang kapayapaan. May makasaysayang pagkakataon ngayon ang gubyernong Duterte at ang NDFP na magbuo ng sustantibong mga pagkakaisa sa sosyo-ekonomiko at pulitikal at konstitusyunal na mga reporma. Ang GRP at NDFP ay nagkasundong pabilisin ang usapan. Hinahangad ng NDFP na mabuo na ang mga kasunduang ito ngayong taon.
Sa una at ikalawang round ng usapan sa Oslo, nagkasundo ang mga Partido na pabilisin ang usapang pangkapayapaan sa layuning magamit ang mga kasunduan sa tatlong natitirang sustantibong adyenda at isang kasunduang padulasin ito sa pamamagitan ng paglalabas ng magkatugong interim na tigil-putukan.
Sa ikatlong round ng usapang pangkapayapaan na idinaos sa Rome, Italy noong ikatlong linggo ng Enero, nakita ang markadong pag-usad sa inisyal na talakayan upang mapagkaisa ang pinagpalitang mga borador sa CASER, kasabay ang pagbubuo ng bilateral na mga tim para rito. Nagkaisa rin ang mga panel na buuing muli ang listahan ng may hawak ng mga JASIG. Nagpahayag na rin ang NDFP ng kahandaang makipagtulungan sa rehimeng Duterte sa pagtatatag ng isang pederal na gubyerno, na may malinaw na layuning itulak ang partikular na mga repormang konstitusyunal na magtataguyod sa demokrasya ng mamamayan.
Sa kabilang banda, nabigo ang rehimeng Duterte na tuparin ang mga pangakong ginawa nito sa maagang bahagi ng usapang pangkapayapaan, partikular ang amnestiya at pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal. Binigyan rin niya ang AFP ng mando na italaga sa unahan ang mga pwersa sa humigit-kumulang 500 baryo sa buong kapuluan upang magsagawa ng saywar, paniktik, at panlupig laban sa mamamayan at operasyong kombat laban sa BHB.
Nagsagawa ng mga maniobrang pang-iwas ang mga yunit ng BHB upang iwasan ang mga sagupaan sa AFP. May ilang buwan na nanawagan ang Partido at BHB sa rehimeng Duterte na iatras ang mga pwersa nito mula sa mga baryo, ngunit walang nangyari.
Ang mga salik na ito ang nagtulak sa pamunuan ng Partido at kumand ng BHB na tapusin ang sariling deklarasyon ng tigil-putukan noong Pebrero 10. Tumugon ang rehimeng Duterte sa pamamagitan ng pagputol ng sarili nitong deklarasyon ng tigil-putukan, ng tuluyang pagtatapos sa usapang pangkapayapaan at pagdeklara ng todong gera laban sa rebolusyonaryong pwersa.
Sa harap ng malawakang pagbatikos, napilitan ang rehimeng Duterte na buksan ang impormal na usapan sa NDFP at makipagkasundo sa pagpapatuloy ng nakatakdang usapang pangkapayapaan at muling pagtitibay ng naunang mga pinagkasunduan, kabilang na ang pagbibigay ng kumpyansa sa mga konsultant at negosyador ng NDFP, isang pangakong palayain ang humigit-kumulang 24 bilanggong pulitikal, kabilang ang tatlong nauna nang nasentensyahan, at palawigin pa ang pyansa para sa mga napalayang konsultant.
Alinsunod sa Joint Statement ng Marso 11, naglabas ng deklarasyon ang pamunuan ng Partido at pambansang kumand ng BHB na ibabalik ang isang interim na tigil-putukan, nahikayat ng mga pagsisikap na lutasin sa pamamagitan ng usapan ang tampok na mga isyu na nagdulot ng pagtitigil ng naunang deklarasyon at ganap na mulat sa pangangailangang aktibong ipagtanggol ng hukbong bayan ang mamamayan.
Habang handang harapin ang rehimeng Duterte sa usapang pangkapayapaan at magbuo ng mga kasunduan para magsilbi sa mamamayang Pilipino, batid na batid rin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga panganib ng pasipikasyon laluna bilang resulta ng isang malawig na tigil-putukan na walang sustantibong benepisyo para sa mamamayang Pilipino.
Batid ang umiiral na mga kontradiksyong nagmumula sa isang multipolar na daigdig at kaagapay na mga paghahati sa loob ng naghaharing uri at naghaharing pangkatin, handa ang mga rebolusyonaryong pwersa na hayaan ang rehimeng Duterte na bumukadkad at iladlad ang sarili sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan kung ito ba’y tuta ng imperyalimong US o hindi.
Sa inspirasyon ng Ikalawang Kongreso ng Partido, handa ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan at dalhin ang digmang bayan sa bago at mas mataas na antas. Kasabay nito, handa rin sila sa posibilidad na ang usapang pangkapayapaan ay humantong sa signipikanteng progreso sa pagbubuo ng mga kasunduan sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika at pangkonstitusyon at sa salungat na mga reaksyon ng imperyalismong US at ng lokal na mga reaksyunaryo sa gayong mga reporma.
Gayunpaman, habang nananatili ang kasalukuyang kalagayan, dapat magpursigi ang Partido sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, pagtatayo ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika, pagpapalakas at pagpapalawak ng Partido at pamumuno sa mamamayan sa paglunsad ng militanteng mga pakikibakang masa.
III. Matatag na sumusulong ang digmang bayan
Ang lumalalang mapang-api at mapagsamantalang kalagayang pinagdurusahan ng mamamayang Pilipino ang nagtutulak sa kanila na maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Tinutupad nito ang pangunahing rebolusyonaryong tungkulin ng pagbabagsak sa armadong reaksyunaryong estado ng mga naghaharing uri at pagtatatag ng demokratikong gubyernong bayan sa ilalim ng pamumunong proletaryo.
Matapos ang 48 taon ng pagsusulong ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, nagtamo ang Bagong Hukbong Bayan ng malalaking tagumpay at nakapag-ipon ng makabuluhang mga aral sa pagsusulong ng digmang bayan. Sa pamumuno ng Partido, nagtagumpay ang BHB sa pagsusulong ng digmang bayan sa pamamagitan ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.
Naglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang BHB laban sa mahihinang bahagi ng kaaway, matalinong gamit ang mga taktika ng konsentrasyon at pagkalat at pagsandig sa masa. Nagsasagawa ito ng mga aksyong atritibo laban sa kaaway upang magsilbi sa pangunahing direksyong isagawa ang mga anihilatibong aksyon, upang magsamsam ng sandata at pahinain ang reaksyunaryong armadong pwersa.
Humahalaw ang BHB ng lakas mula sa masaklaw at malalim na suporta ng masang magsasaka at minoryang mamamayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng malawak na mga kampanyang antipyudal sa balangkas ng minimum at maksimum na programa sa reporma sa lupa ng gubyernong bayan at pagtataguyod sa karapatan sa pagpapasya sa sarili at pagtatanggol ng lupaing ninuno laban sa pandarambong sa kabuhayan at kapaligiran. Nagbigay-inspirasyon din ito sa malawak na masang manggagawa, mga estudyante at intelektwal, maralitang lunsod na malaproletaryado, kababaihan, propesyunal, mga taong simbahan at iba pang demokratikong sektor na lumahok sa rebolusyonaryong gawain at sumanib sa armadong pakikibaka.
Ang BHB ang pangunahing pwersa ng Partido sa rebolusyonaryong gawaing masa sa masang magsasaka at minoryang mamamayan, sa pagtatayo ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan, bata, mga aktibistang pangkultura at milisyang bayan at pagtatatag ng organo ng kapangyarihang pampulitika. Habang nagsisilbing pangunahing pwersang pandigma, nagsisilbi rin itong pwersang pamproduksyon at para sa pangkulturang rebolusyon.
Sa paglulunsad ng digmang bayan, nakatuon ang Partido at BHB sa usapin ng pagsusulong mula isang yugto patungo sa mas mataas na yugto ng estratehikong depensiba, at mula sa kasalukuyang estratehikong depensiba tungo sa susunod na antas ng estratehikong pagkapatas.
Sa simula, ang Partido ay may baseng masang 80,000 mamamayan at inorganisa ang BHB na may siyam na ripleng awtomatiko at 26 mas mahihinang armas sa Central Luzon noong 1969 tungong isang hukbo na may mga iskwad at platun na may higit sa 200 malalakas na riple noong 1971.
Nang magdeploy ang kaaway ng 5,000 tropa at pulis sa ilalim ng Task Force Lawin, ang pamunuan ng Partido ay lumipat sa Isabela para itatag ang himpilan at sentro nito ng pagsasanay ng mga kadre at Pulang kumander para sa pambansang deployment. Pagsapit ng 1972, ang mga paunang kadre ng Partido at BHB ay kumalat na sa sampung rehiyon ng bansa, kabilang sa Ilocos-Cordillera, Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Lumaki ang BHB tungong tatlong kumpanya na may malalakas na riple at dinadagdagan ng mga lokal na yunit gerilya. Ito ay kumalat sa karamihan ng prubinsya ng Cagayan Valley. Bago nito, tumugon ang kaaway gamit ang Task Force Saranay. Subalit ang naging kahinaan ng panrehiyong pamunuan ng Partido ay ang sobrang pagtatagal ng dalawang kumpanya noong 1972-1976 sa magubat na rehiyon ng Isabela sa kabila ng paglikas mula roon ng lokal na populasyon.
Simula Batas Militar noong 1972 hanggang kalagitnaan ng dekada 1980, lumawak ang BHB sa buong bansa, at nagtayo ng mga larangang gerilya sa iba’t ibang rehiyon. Naabot ang pambansang latag ng pakikidigmang gerilya noong simula ng dekada 1980. Kasabay ng sumisidhing krisis pang-ekonomya at pampulitika ng diktadurang US-Marcos, ang masaklaw na pakikidigmang gerilya ay nagbunga ng mabilis na paglawak at paglago ng BHB, ng mga larangang gerilya at ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kabuuan.
Noong maagang bahagi ng dekada 1980, nagawa ng pamunuan ng Partido ang estratehikong pagkakamaling magtangkang lumundag mula sa panggitnang yugto ng estratehikong depensiba tungo sa iniilusyong yugto ng estratehikong kontra-opensiba kung saan iniisip na matatalon ang abanteng yugto ng estratehikong depensiba at estratehikong pagkapatas.
Patuloy na lumaki at umunlad ang BHB, subalit nahigop sa adelantadong regularisasyon kung saan itinayo ang mga pwersang bertikal na may lubhang maliit na pwersang pahalang. Tungo sa katapusan ng dekada 1980, dumanas ito ng malalaking pagkatalo dahil sa sariling pagpapakitid dahil sa pagkaligta sa gawaing masa at sa baseng masa at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa matitigas na target, pagbabase sa syudad ng mataas na kumand at iba pa. Ikinombina ito sa mali at artipisyal na pagtatangka sa mga insureksyon sa mga syudad at sentrong bayan sa pamamagitan ng paglalaro sa ispontanyong kamalayan ng masa at pagpapakat ng mga armadong yunit sa kalunsuran.
Inilunsad ng Partido ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 upang isagawa ang komprehensibong pagwawasto at lutasin ang mga problemang ibinunsod ng adelantadong regularisasyon at insureksyunismong lunsod. Muling pinagtibay ng Partido ang mga batayang prinsipyo tulad ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan at pakikidigmang gerilya. Muling ipinakat ng BHB ang mga pwersa nito para abutin ang mga naiwan na lugar sa gawaing masa, muling itayo ang mga organisasyong masa, magpalawak sa bagong mga teritoryong gerilya, maglunsad ng rebolusyong agraryo at buuin ang Partido at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.
Sa tangkang abutin ang malawak na erya, may pagkiling ang BHB sa sobrang pagkabatak sa pagdedeploy nito ng mas maliliit na iskwad ng mga Pulang mandirigma. Dahil dito’y naging bulnerable ang mga yunit ng BHB sa mga atake ng kaaway at nagbunsod ng pagkapasibo at konserbatismo.
Sa ika-11 Plenum ng Komite Sentral noong 2002, nanawagan ang Partido sa BHB na pangibabawan ang problema ng konserbatismo. Inatasan nito ang BHB na magtayo ng mga platun bilang saligang pormasyon upang itaas ang kapasidad nitong harapin ang kaaway at maglunsad ng mga taktikal na opensiba; at magtayo ng mga sentro de grabidad sa larangan, prubinsya at rehiyon na bubuuin ng 20-30% ng kabuuang pwersang gerilya.
Nilayon ng ika-11 Plenum ang itayo sa lahat ng rehiyon ang makabuluhang bilang ng mga larangang laking-kumpanya kaalinsabay ng mas maraming mga larangang may lakas na pinaliit na kumpanya na kayang mabilis na umunlad tungong laking-kumpanya.
Tinarget ng ika-11 Plenum na maabot ang mga target na ito sa katamtamang haba ng panahon. Nanawagan itong isagawa ang masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya, pagtatayo ng magkakanugnog na laking-kumpanyang larangang gerilya at pagtatayo ng mga antas ng kumand sa larangan, prubinsya at rehiyon habang nagsisilbing Komisyong Militar ang sentral na pamunuan ng Partido. Nilayon nitong matamo ang pambansang paglago ng BHB at pagsulong ng digmang bayan.
Nagrehistro ng paglago ang BHB noong 2002 hanggang 2006 at nalagpasan ang istorikong naabot noong 1987. Gayunman, may iba’t ibang antas ng pagtupad sa mga resolusyon ng ika-11 Plenum, kabilang yaong patungkol sa istruktura ng pwersa ng BHB. Ang dami ng mga taktikal na opensiba ay di katugma sa paglago. May sobrang dispersal at maka-isang panig na diin sa gawaing masa. Nakapaglunsad ng pambansang kampanya ng mga taktikal na opensiba noong 2005 at 2006 subalit iba’t iba ang resulta nito sa iba’t ibang rehiyon.
Ang paglago at paglakas ng BHB ay unti-unting inuk-ok ng mga problema sa pagtatayo ng mga platun, larangan, pamunuan ng Partido sa iba’t ibang antas, sobrang pagdispers, sibilyanisasyon at konserbatismong militar. Ang mga yunit ng BHB ay nahulog sa milisya-ismo at taktikang rebeldeng lagalag (mga armadong pangkat pampropaganda at mga iskwad na panlaban sa mga lokal na tirano at masasamang elemento) at iba’t ibang antas ng sibilyanisasyon. Dahil dito, may unti-unting paghina noong 2006-2009. Pinalala pa ito ng laking-dibisyong mga kampanya ng kaaway sa buong bansa (Oplan Bantay Laya I at II), na nagdiin sa pailan-ilang rehiyon sa iba’t ibang panahon.
Nagrehistro ng pangkalahatang mabagal at disbalansyadong paglaki ang BHB simula 2009. Sa isang panig, nananatili ang problema ng sobrang dispersal at konserbatismong militar, na sanhi ng pagiging pasibo at kawalang inisyatiba ng BHB. Sa kabilang panig, nagawa ng mga pamunuan ng BHB at Partido sa ibang rehiyon na hawakan ang inisyatiba, pamunuan ang mga kampanyang militar sa antas ng rehiyon at subrehiyon at lubos na gamitin ang kinonsentrang lakas at latag ng mga platun at kumpanya ng BHB para maglunsad ng malawak at maigting na pakikidigmang gerilya, na pumwersa sa kaaway na magbatak ng pwersa at nagkait dito ng iisang target. Nahigitan ng paglago ng BHB sa mga rehiyong ito ang pagkatigil o unti-unting paghina ng BHB sa ibang rehiyon.
Sa ilang rehiyon sa Mindanao, nagawang mag-inisyatiba ng BHB sa batayan ng tagumpay sa pagbubuo ng mga platun, pagpapatuloy ng mga pwersang bertikal (kumpanya at maliliit na kumpanya) at pagtatayo ng mga subrehiyong may magkakarugtong na larangang gerilya. Sa kabila ng pagdeploy ng malaking tropa ng AFP laban sa BHB, nabigo itong sugpuin ang paglago ng BHB sa mga rehiyon ng Eastern Mindanao.
Noong kalagitnaan ng 2016, tinaya ng Kawanihang Pampulitika (Politburo) ng Komite Sentral ang sitwasyon at tinukoy ang pangangailangang pangibabawan ang problema ng konserbatismong militar. Gamit ang mga aral mula sa positibong karanasan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa ilang rehiyon sa nagdaang mga taon, binuo ng Politburo ang mga resolusyon para pandayin at paunlarin ang kakayahan ng BHB para mas aktibong maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa pambansang saklaw at isagawa ang mga kampanyang militar para kontrahin at biguin ang mga plano ng kaaway.
Pinagtibay ng Politburo na dapat kunin ng BHB ang buong inisyatiba sa paglulunsad ng digmang bayan sa antas pambansa at panrehiyon, mapangahas na palakihin ang bilang ng mga Pulang mandirigma, pagdugtong-dugtungin ang mga larangang gerilya, ibayong paramihin ang bilang ng mga larangang gerilya, maglunsad ng mas madalas na taktikal na opensiba, ilunsad ang rebolusyong agraryo at pakilusin ang masang magsasaka sa papalapad na lugar at palawakin at konsolidahin ang baseng masa sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika mula sa antas munisipalidad pataas.
Sa panahon ding ito, nakipagkaisa ang pamunuan ng Partido at NDFP na sabay na makipag-tigil-putukan sa rehimeng Duterte, batid na ang umuusbong na kontradiksyon mula sa pandaigdigang kapitalistang krisis at lokal na naghaharing sistema ay may potensyal na lumikha ng kundisyon para sa posibleng alyansa. Sa halos anim na buwan, mula Agosto 28, 2016 hanggang Pebrero 10, 2017, inatasan ng Partido ang BHB na itigil at pigilan ang paglulunsad ng opensibang kampanya at operasyon laban sa unipormadong armadong tauhan ng AFP at PNP, bilang pagtalima sa kasunduan ng NDFP at GRP sa una sa serye ng mga usapang pangkapayapaan.
Kasabay nito, mulat na mulat ang Partido na ang tigil-putukan sa mahaba-habang panahon na walang makabuluhang pakinabang sa bayan at sa kanilang rebolusyonaryong layunin ay pwedeng maging disbentahe sa BHB, laluna sa panahong sinisikap nitong kunin ang buong inisyatiba sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya at pinangingibabawan ang epekto ng konserbatismo.
Sa layong panatilihin ang tigil-putukan, isinagawa ng BHB ang mga maniobrang pag-iwas sa mga armadong sagupaan sa AFP na nagdeploy ng mga armadong yunit para isagawa ang paniniktik, saywar, armadong panunupil at intimidasyon upang wasakin ang mga organisasyong masa, at para maglunsad ng mga operasyong strike laban sa BHB.
Matapos ang mga muntikan at aktwal na sagupaan, laluna noong Enero, nagpasya ang Partido at BHB na tapusin ang unilateral na deklarasyong tigil-putukan noong Pebrero 10. Tumugon sa karaniwang kara-karakang paraan ang rehimeng Duterte, idineklara ang pagtatapos ng buong negosasyong pangkapayapaan sa NDFP at ipinag-utos ang muling pag-aresto ng mga konsultant ng NDFP. Nagdeklara ng “all-out war” ang AFP, na nagbunsod ng mga protesta at malawakang panawagan sa rehimeng Duterte na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa NDFP.
Ang kasunduang ibalik ang kani-kanyang tigil-putukan bago ang April 2-6 na ikaapat sa serye ng mga usapang pangkapayapan ay lubos na susuportahan ng BHB. Kasabay ito, dapat manatili itong mulat sa pangangailangang mag-inisyatiba sa pagtatanggol ng bayan laban sa saywar, paniniktik, armadong panunupil at operasyong kombat na isasagawa ng mga armadong yunit ng AFP sa mga baryo.
Dapat lubos na panghawakan ng BHB at mga rebolusyonaryong pwersa ang inisyatibang pampulitika sa panahon ng tigil-putukan upang mabilis na organisahin ang masang magsasaka sa bago at dating mga lugar, ilunsad ang mga pakikibakang antipyudal at rebolusyong agraryo, habang nagpapalakas sa pamamagitan ng mga pagsasanay, malawakang pagrerekrut, maging gawaing pangkultura at edukasyon sa kanilang hanay.
Habang nilalayon ng Partido na palaparin at palakasin ang BHB, ang mga larangang gerilya at armadong pakikibaka sa komprehensibo at lahatang-panig na paraan, bukas ito sa posibilidad na ang negosasyong pangkapayapaan ay hahantong sa mga sustantibong kasunduan at pagbubuo ng alyansa ng lahat ng positibong pwersa laban sa imperyalismong US at laban sa mga tuta nito. Kasabay nito, handa rin ito na mangyari ang kabaligtaran.
IV. Mga tungkulin sa pagpapalakas ng BHB at pagsusulong ng digmang bayan
ANG KASALUKUYANG KALAGAYAN ng BHB ay iniulat at tinasa ng Unang Plenum ng Komite Sentral ng Ikalawang Kongreso. Binigyang-pansin ng KS ang makabuluhang paglaki sa bilang ng mga Pulang mandirigma mula kalagitnaan ng 2016 sa gabay at inspirasyon ng mga resolusyon ng Politburo.
Mula noo’y isinagawa ng BHB ang kinakailangang reorganisasyon at pagsasanay ng mga upisyal at mandirigma. Nagbukas ito ng mga bagong larangang gerilya at nagbuo ng bagong mga platun at kumpanya. Pinalakas nito ang iba’t ibang antas ng kumand.
Ang Unang Plenum ng Komite Sentral ay nagtatag ng Komisyong Militar nito at binuo at pinulong ang Pambansang Kumand sa Operasyon (NOC o National Operations Command) ng BHB. Ang NOC ang magsisilbing pambansang sentro de grabidad ng BHB at magdidirihe ng digmang bayan sa paglulunsad at pagsusulong ng digmang bayan sa buong bansa.
Inilatag ng Unang Plenum ang mga tungkulin para pabilisin ang pagtupad ng mga tungkulin para sa pagsulong mula sa panggitnang yugto tungong abanteng yugto ng estratehikong depensiba upang lumapit pa sa bungad ng estratehikong pagkapatas.
Inaatasan ng Komite Sentral ang BHB na tuparin ang sumusunod na mga tungkulin:
1. Ilunsad ang malawak at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa patungo sa pagpapaunlad ng todo-largang pakikidigmang gerilya. Itaas ang kapasidad at istruktura ng hukbong bayan para ilunsad ang sinkronisado at koordinadong mga kampanya at operasyong militar sa antas subrehiyon, panrehiyon at pambansa.
Tiyakin ang pagtatayo ng mga pwersang bertikal sa antas ng rehiyon at subrehiyon upang magsilbing mga sentro de grabidad ng mga larangang gerilya sa gawaing militar at para sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo at gawaing pampulitika. Dapat may minimum na lakas-kumpanya ang mga kumand sa larangan na may platun bilang sentro de grabidad. Ang mga lokal na platung gerilya na nagsisilbing himpilan ng mga komiteng seksyon ng Partido na sumasaklaw sa munisipalidad o kulumpon ng mga baryo ay dapat mabilisang itayo.
Itayo ang mga kumand sa operasyon ng BHB mula sa pambansa hanggang sa antas rehiyon, subrehiyon (prubinsya) at larangan. Kunin ang inisyatiba at pana-panahong ilunsad ang mga kampanyang militar sa antas subrehiyon, rehiyon at pambansa.
2. Pabilisin ang rekrutment ng mga armadong pwersa sa lahat ng rehiyon sa buong bansa. Maramihang magrekut mula sa mga estudyante at uring manggagawa upang maging mga kadre at upisyal sa pulitika ng BHB. Ipatupad ang tatlong antas ng kursong militar upang itaas ang antas ng pagsasanay ng mga Pulang kumander at mandirigma. Dapat lutasin agad ng mga panrehiyong kumand sa operasyon (ROC) ang mga problema sa pagrerekrut at pagpapalakas ng BHB.
Itaas ang bilang ng mga riple ng BHB sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga taktika sa pakikidigma para sa pagsamsam ng armas mula sa nag-ooperasyong tropa ng kaaway, maging sa mga armori ng mga yunit ng Army, mga paramilitar, pribadong hukbo, mga pwersang panseguridad at iba pa.
3. Lutasin ang malaking disbalanse ng paglago at paglakas ng pwersa ng BHB sa pamamagitan ng paglulunsad ng kampanyang pagwawasto sa mga pagkakamali upang itulak ang dramatikong paglaki ng lakas ng BHB sa Luzon at Visayas.
Ang mga rehiyong relatibong may mas marami at mas makaranasan at matagumpay na kadre at kumander at mas maraming sandata ay maaaring magsanay sa mas mahihinang rehiyon o maging handa na permanenteng ideploy doon o pansamantalang tour of duty na isang taon.
Labanan ang konserbatismong militar, milisya-ismo at sibilyanisasyon sa hukbong bayan. Dapat magpatuloy ang paglaki at paglakas ng BHB sa Mindanao. Paunlarin ang estratehiko at taktikal na pamumunong militar laluna sa pambansa at panrehiyong antas, na mahigpit na ginagabayan ng prinsipyo ng sentralisadong estratehikong kumand at desentralisadong operasyon.
4. Ilang ulit na palakihin ang bilang ng mga yunit ng milisyang bayan sa lahat ng baryo na may mga sangay ng Partido, at itayo ang mga lokal na yunit gerilya sa antas munisipalidad o seksyon kung saan may mga komiteng seksyon ng Partido. Ilunsad sa kanilang hanay ang masinsing pagsasanay pampulitika at pangmilitar at pakawalan ang kanilang rebolusyonaryong enerhiya at sigla upang maglunsad ng digmang bayan sa lokal na antas at maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa pwersa ng kaaway.
5. Ikonsolida ang lahat ng larangang gerilya at magtayo ng mga bago. Paunlarin ang mga teatro ng pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng pagpapataas ng kapasidad ng mga larangang gerilya ng BHB sa pagkoordina at paggamit ng pag-uugnayan ng mga pwersa nito.
Paunlarin ang mga subrehiyong may mas malawak na dugtungan ng 3-5 mga larangan o dugtungan ng mga subrehiyon. Dapat pansamantala o pantransisyon lamang ang pagkakaroon ng mga nahihiwalay na larangan na walang karugtong o nalalayo sa ibang larangan.
Itaas ang antas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa antas inter-baryo, munisipalidad, distrito at prubinsya upang isakatuparan ang mga gawain ng demokratikong gubyernong bayan at magpakilos para sa digmaan.
6. Mas masinsin at mas malawakang ipatupad ang rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa. Isakatuparan ang mga kampanyang antipyudal sa inter-baryo o mas masaklaw na antas. Isakatuparan ang kumpiskasyon sa lupang inagaw ng mga naghaharing uring panginoong maylupa, mga kumprador at kanilang dayuhang amo at ipatupad ang libreng pamamahagi ng lupa sa masang magsasaka kung saan ito maaaring gawin at ipagtanggol.
Paunlarin ang mga paraan at teknika sa produksyon upang itaas ang produksyong agrikultural at paunlarin ang mapagkukunan ng makabuluhang kita. Suportahan ang mga programang nagsisilbi sa panlipunang pangangailangan ng mga komunidad na magsasaka at pambansang minoryang tulad ng mga paaralang elementarya at hayskul, mga klinikang bayan, pagkukunan ng inuming tubig, kuryente, pabahay at iba pa.
7. Tulungang itayo ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, sa loob ng hukbong bayan at sa hanay ng masa. Isagawa ang masinsing edukasyong pampulitika sa hanay ng mga Pulang kumander at mandirigma upang itaas ang kanilang rebolusyonaryong kamulatan, patatagin ang kanilang kapasyahang lumaban at palakasin ang kanilang absolutong paninindigang magsilbi sa bayan at kanilang rebolusyonaryong layunin.
8. Magpunyagi sa pagpapatupad ng mga patakaran ng demokratikong gubyernong bayan para lansagin ang mga sindikatong kriminal, laluna ang mga drug trafficker at grupo sa pangingidnap, pribadong hukbo ng mga warlord at lokal na tirano at mapanupil na mga pwersang panseguridad ng mga kumpanya sa pagmimina at plantasyon. Ipatupad ang mga patakaran sa pangangalaga ng kapaligiran, kabilang yaong sumasakop sa operasyon ng mga negosyo at empresa para tiyakin ang kapakanan ng bayan.
9. Biguin ang Oplan Kapayapaan at ang kampanyang pasipikasyon at pagpapasurender ng rehimeng Duterte. Aktibong labanan ang kampanya ng kaaway ng armadong panunupil. Parusahan ang mga pasista at kriminal sa likod ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pag-aresto at pagkukulong, paghuhulog ng bomba, panganganyon, pwersahang pagpapabakwit o hamletting, okupasyon ng mga eskwelahan, barangay hall, day care at iba pang istrukturang sibilyan.
10. Suportahan ang negosasyong pangkapaypaang GRP-NDFP. Pakilusin ang bayan para itulak ang pinabilis na usapang pangkapayapaan at para sa pagpirma sa CASER at CAPCR sa kasalukuyang taon. Labanan ang linya ng pagtatapos ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng matagalang tigil-putukan at pagpapasurender sa mga rebolusyonaryong pwersa na walang kasunduan sa kinakailangang sustantibong repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal.
Habang may tigil-putukang unilateral o bilateral, dapat ipagpatuloy ng BHB ang mga tungkulin nitong itinakda ng demokratikong gubyernong bayan para ipagtanggol ang kapayapaan at pangalagaan ang bayan. Dapat militanteng ipatupad nito ang aktibong depensa laban sa mga yunit ng reaksyunaryong armadong pwersa na nagsasagawa ng mga operasyong pangkombat laban sa BHB at armadong pagsupil sa bayan.
Paghandaan ang posibilidad na humantong ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDF sa mga kasunduan sa sustantibong panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang reporma at posibilidad ng alyansa o ang kabaligtaran nito. Maghandang magsilbing tagapatupad ng reporma sa lupa at iba pang programa. Anupaman ang kalabasan, hindi kailanman dapat magluwag ang kapit ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa kanilang mga sandata.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170330-ipagxadbunxadyi-ang-ikaxadlaxadwang-kongxadrexadso-ng-parxadtixaddo-isuxadlong-ang-digxadmang-baxadyan-sa-mas-maxadtaxadas-na-anxadtas/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.