NDF Far South Mindanao Region propaganda statement posted to the National Democratic Front Website (Mar 1): NDF-Far South Mindanao: Kaugnay sa Pagpapalaya sa mga Bihag ng Digmaan (NDF-Far South Mindanao: Related to the Release of the Prisoners of War)
Marso 1, 2017
Pahayag ng National Democratic Front – Far South Mindanao Region (NDF-FSMR) Kaugnay sa Pagpapalaya sa mga Bihag ng Digmaan
Ang lahat ng yunit komand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Far South Mindanao Region (FSMR) sa patnubay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay mahigpit na tumatalima sa batas ng digmaan sa pandaigdigang saklaw alinsunod sa itinatadhana ng Geneva Conventions at ng Protocol I nito.
Sa mga karanasan ng pagdakip sa mga bihag ng digma, seryosong ipinatutupad ng BHB ang wastong pangangalaga sa sinumang opisyal at tauhan ng armadong pwersa ng Gobyerno ng Republika ng Plipinas (GRP) na kalahok sa digmaang sibil. Gayundin, taimtim na sinusunod ng NDFP ang mga kasunduang nilagdaan nito buhat pa nang simulan ang Usapang Pangkapayaapan sa panahon ng Rehimeng US-Corazon Aquino. Itinataguyod din ng buong rebolusyonaryong kilusan ang Paggalang sa Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas o CARHRIHL na nagbigay daan sa pagpapalaya sa ilang daang bihag-ng-digma o Prisoners of War (POW) na nasa maayos na kalagayan.
Kaalinsabay ng deklarasyon ng Gobyernong Duterte ng All Out War laban sa PKP-BHB-NDFP ay ang muling pagkapinid ng Usapang Pangkapayapaan. Ngunit, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na kahit hindi ito tahasang dinedeklara, nangyayari na sa kanayunan at maging sa mga progresibong pwersa at mga ordinaryong sibilyan na nasa kalunsuran ang matitinding psychological warfare, harassment at pagpatay.
Umigting ang opensiba ng AFP at PNP matapos ang pahayag ni Duterte sa layuning magapi ang papalakas na pagkakaisa ng mamamayan na lumalaban sa mga ugat ng suliranin ng lipunan.
Gayunpaman, patuloy ang pagsusumikap ng buong rebolusyonaryong pwersa na ipatupad ang mga napagkasunduan sa pagitan ng reaksyunaryong gobyerno at manawagan ng sinseridad sa bahagi nila, lalu na’t lumalawak ang panawagan ng mga mamamayan at mga kaanak at pamilya nina POW Solaiman G. Calocop at POW Samuel C. Garay, Jr. na nasa pangangalaga ng custodial unit ng Mt. Alip Sub-regional Operations Command ng FSMR. Batid ng Partido ang pighating nararamdaman ng mga mahal sa buhay ng mga POW sa ilang linggong pagkawalay sa mga ito.
Sa ganitong kalagayan, nakahanda ang NDF-FSMR na tumugon sa panawagang pabilisin ang pagpapalaya sa mga bihag bilang pagdinig sa mga kahilingan at panawagang ito. Naiparating na rin ng NDF-FSMR ang mga nilalaman at kaugnay na panawagan nito sa mga indibidwal, organisasyon, taong-simbahan at iba pa na umaaktong Local Third Party Facilitators.
Ngunit hindi ito mangyayari hanggat nananatili ang presensya at operasyong militar sa mga eryang saklaw ng NPA-FSMR sa mga probinsya ng Sarangani, Sultan Kudarat, Davao del Sur, Davao Occidental at South Cotabato. Ang presensya ng mga ahente ng estado ay laging nagreresulta sa kaguluhan at paglabag sa karapatang pantao.
Nitong Pebrero lamang, walang habas na nambomba at namaril sa mga komunidad ang mga nag-oopereyt na sundalo sa ilalim ng 73rd IB sa Brgy. Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province. Binalot ng matinding takot at ligalig ang mga mamamayan na humantong sa maramihang paglikas mula sa kanilang komunidad. Apektado ang mahigit dalawang daang (200) kabahayan kalakip na nito ang mga komunidad sa boundary ng Davao Occidental. Walong (8) sibilyan ang dinakip at pinaratangang mga kasapi ng BHB, at magpahanggang ngayon ay nananatili ang ganitong kalakaran sa nasabing lugar.
Dagdag pa rito, kumikilos at nag-oopereyt din ang mga pwersa ng 27th IB sa mga erya ng Sarangani at South Cotabato, habang ang 39th IB ay may presensya sa Sultan Kudarat at Davao del Sur.
Hangga’t pinatitindi ng AFP ang kanilang mga operasyong militar, hindi maaring ipaubaya na lamang ng BHB ang kaligtasan at kapakanan nina POW Calocop at POW Garay sa kamay mismo ng organisasyong kanilang kinabibilangan.
Nasa mga kamay ngayon ng GRP ang kalayaan ng dalawang bihag ng digmaan na nasa kostudiya ng FSMR.
Ka Efren Aksasato
Spokesperson
NDFP-FSMR
https://www.ndfp.org/ndf-far-south-mindanao-kaugnay-sa-pagpapalaya-sa-mga-bihag-ng-digmaan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.