Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 20): Peace sa Panahon ng Digma (Peace in Time of War)
Ilang taong natigil ang usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philippines (GRP) bago ito muling binuksan sa ilalim ng bagong gubyernong Duterte. Para matuloy ito, pinalaya ng presidente ng GRP na si Rodrigo Duterte alinsunod sa JASIG noong Agosto ang 22 sa 25 konsultant ng NDFP at nangakong palalayain ang iba pang bilanggong pulitikal.
Mula noon, dalawang ulit nang nag-usap ang mga kinatawan ng NDFP at GRP sa Oslo, Norway. Noong Agosto, kinilala ang dati nang napirmahang mga kasunduan tulad ng CARHRHIL, The Hague Joint Declaration at JASIG. Nagkaisa rin silang hingin kay Duterte na bigyan ng amnestiya ang lahat ng bilanggong pulitikal. Nagkasundo rin ang dalawang panig na magdeklara ng kani-kanyang tigil-putukan habang binubuo ang kasunduan para dito.
Pabibilisin ang takbo ng usapan. Habang pinagkakasunduan ang mga reporma sa ekonomya, sisimulan na rin ang pag-uusap para sa reporma sa pulitika at konstitusyon, at sa pagtatapos ng mga labanan at disposisyon ng mga pwersa.
Noong Oktubre, nabuo na ang balangkas ng CASER (Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms o kasunduan sa mga repormang sosyo-ekonomiko). Plano itong pag-usapan uli sa Enero sa susunod na taon.
Ayon sa GRP, hawak na ni Duterte ang proklamasyong magpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Pero pagkatapos ng usapan sa Oslo, sinabi ng GRP na hindi na magkakaroon ng amnestiya.
Magpapalaya na lamang daw ng 40-50 detenido sa katapusan ng taon. Hindi rin tinotoo ng GRP ang sarili nitong tigil-putukan dahil tuluy-tuloy lang ang mga operasyong militar sa kanayunan.
1. Bakit pumapasok ang rebolusyonaryong kilusan sa peace talks?
Nakikipag-usap ang NDFP sa GRP sa layuning makipagkaisa sa mga programa o hakbanging kapaki-pakinabang sa bayan. Kung magsisimula ang usapan sa punto-de-bista ng kapakanan ng nakararami, hindi imposibleng pagkasunduan ang mga hakbangin tulad ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa, pati na ang pagtigil ng kontraktwalisasyon, pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo ng bilihin hanggang sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa.
Handa ang rebolusyonaryong kilusan na pumasok sa isang alyansa ng pakikipagtulungan sa sinumang nakaupo sa Malacanang para ipaglaban ang pambansang soberanya at tapusin ang dominasyon ng US sa lahat ng aspeto ng lipunang Pilipino.
Ang peace talks ay isang larangan ng paglaban para isulong ang kapakanan ng mamamayan. Karugtong ito pero sekundaryo sa armadong pakikibaka. Walang peace talks kung walang digmang bayan. Nakadepende sa lakas ng digmang bayan ang magiging pakinabang sa usapang pangkapayapaan.
Sa esensya, salamin ng nagpapatuloy na gera sibil sa Pilipinas ang peace talks: ang digmang bayan na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan, sa isang panig; at ang digmang mapanupil ng naghaharing reaksyunaryong estado, sa kabilang panig.
Bukas ang NDFP sa alok ng gubyernong Duterte sa peace talks. Dito, hamon kay Duterte na patunayan ang pangako niyang pagbabago sa buhay ng mamamayan. Para sa NDFP, hindi kapayapaan ang simpleng pagtitigil ng digmaan. Ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay matatamo sa pagwawakas sa pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan.
2. Ano ang gera sibil sa Pilipinas?
Ang gera sibil sa Pilipinas, sa esensya, ay isang gera sa pagitan ng dalawang gubyerno: ang GRP at ang demokratikong gubyernong bayan.
Dala-dala ng GRP ang interes ng mga dayuhang imperyalista at naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Sinusupil nito ang kagustuhan ng sambayanang Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at pambansang kalayaan. Sa ilalim ng GRP, pinahihirapan ang sambayanan ng mababang sahod, kontraktwalisasyon, kawalang trabaho at atrasadong ekonomya, bulok na mga serbisyong pampubliko, gutom, kahirapan at iba pa.
Sa kabilang banda, sa ilalim ng umuusbong na demokratikong gubyernong bayan na kinakatawan ng NDFP, isinusulong ang interes ng mga manggagawa, magsasaka, mga panggitna at iba pang demokratikong uri. Dito, pinakikinabangan ng masang magsasaka ang pagpapababa ng upa sa lupa at pagtaas ng sahod ng manggagawang bukid. Naitatayo ang mga eskwelahan, hukuman, kooperatiba, sentrong medikal at iba pang serbisyo para sa kanilang kagalingan.
Sinusulong ng New People’s Army (NPA) ang digmang bayan para ibagsak ang GRP at itayo ang demokratikong gubyernong bayan sa buong Pilipinas.
3. Bakit may tigil-putukan? Hanggang kailan ito magtatagal?
Kasabay ng GRP, nagdeklara ang PKP ng pansamantalang tigil-putukan noong Agosto. May bisa ang deklarasyon ng PKP hanggang sumusulong ang usapan at ipinatutupad ang mga kasunduan. Layunin ng pagtitigil-putukan na ibwelo pa ang usapan.
Pero mula Agosto, hindi bababa sa 500 baryong saklaw ng mga sonang gerilya at gubyernong bayan ang inoperasyon ng AFP sa ngalan ng Oplan Bayanihan. Nagbabahay-bahay ang mga sundalo para takutin ang mga magsasaka, imbestigahan sila at pilitin silang maging mga espiya at paramilitar. Nagkakampo sila sa mga eskwelahan, barangay hall at day care center. Bawal ito sa mga batas ng digma at sa CARHRHIL.
Sa panig ng NPA, seryoso at disiplinadong sinusunod ng lahat ang tigil-putukan. Ginagawa nito ang lahat para iwasang makasagupa ang mga sundalo ng AFP. Nagtitimpi ang mga Pulang mandirigma sa mga pagmamalupit na ginagawa ng mga sundalo sa taumbaryo.
Habang tumatagal, lumalakas ang hiling ng mamamayan na bawiin na ang tigil-putukan at parusahan ang mga abusadong yunit ng militar. Kung magpapatuloy ang Oplan Bayanihan, maoobliga ang PKP na bawiin na ang deklarasyon nitong tigil-putukan. Maaaring ituloy ang usapan kahit walang tigil-putukan.
4. Ano ang hinaharap ng usapang pangkapayapaan?
Nakasalalay ang pagsulong ng usapang pangkapayapaan sa pagtupad ng rehimeng Duterte sa mga obligasyon nito sa NDFP at sa pagtugon nito sa sigaw ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Kung pagbabasehan ang salita ni Duterte na nagtataguyod sa kapakanan ng mamamayan at diwang makabayan, marami ang pwedeng pagkasunduan sa NDFP.
Pero malaki pa ang dapat patunayan ni Duterte sa gawa. Ang pangako niyang palayain ang mahigit 430 bilanggong pulitikal ay hindi pa naipatutupad. Hindi pa niya pinasusunod ang AFP sa idineklara niyang tigil-putukan.
Kailangan rin niyang magpakita ng seryosong interes sa paglutas ng mga usaping sosyo-ekonomiko, na pangunahing nasa ilalim ng armadong paglaban ng bayan. Hindi pwedeng ang interes lang niya ay itigil ang gera.
Malamang nga na hindi na magkakaroon ng kasunduan sa tigil-putukan sa harap ng hindi pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at nagpapatuloy na Oplan Bayanihan.
Gayunman, mayroon man o walang tigil-putukan, handa ang NDFP na makipagnegosasyon para iharap ang pambansa demokratikong programa bilang saligan ng pangmatagalan at makatarungang kapayapaan. Inaasahang uunlad pa ang usapang pangkapayapaan kasabay ng ibayong pagsulong ng digmang bayan at mga pagbabagong dadaanan pa ng rehimeng Duterte sa harap ng nagpapatuloy na krisis ng naghaharing sistema.
5. Ano ang tungkulin ng mamamayan atrebolusyonaryong kilusan sa peace talks?
Ang interes ng mga magsasaka, manggagawa at karaniwang mamamayan ang kinakatawan ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. Dapat kumilos ang sambayanang Pilipino para suportahan at palakasin ang pusisyon ng NDFP sa pakikipagnegosasyon. Unang-una, dapat palaganapin, pag-aralan at palawakin ang suporta para sa 12-puntong programa ng NDFP laluna para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Tuluy-tuloy na ipaglaban ang mga hiling ng bayan, tulad ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas sa presyo ng mga produktong magsasaka, dagdag na sahod, pagtigil sa kontraktwalisasyon, pagpababa sa presyo ng bilihin at maraming iba pa. Isagawa ang mga sama-samang pagkilos sa mga baryo, sentrong bayan at mga syudad.
Kumilos laban sa Oplan Bayanihan. Habang may tigil-putukan, buuin ang mga komite para subaybayan at ilantad ang mga nag-ooperasyong sundalo. Mayroon man o walang tigil-putukan, dapat ilantad at tutulan ang presensya at pang-aabuso ng mga sundalo sa mga baryo.
Dapat magtulungan ang mga magkakapitbaryo para palayasin ang mga pwersang militar sa kanilang lugar. Ang mga nasa kalunsuran ay dapat sumuporta sa paglaban ng mga magsasaka laban sa panghahalihaw ng AFP sa mga sibilyang komunidad. Dalhin nila ang kanilang mga hinaing sa mga kilos protesta, pagtawag sa radyo, paglalabas ng mga litrato ng mga sundalo sa internet, at iba pa.
Higit sa lahat, habang nakikipag-usapang pangkapayapaan ang NDFP, dapat nakatuon ang pansin ng sambayanan sa pagsusulong ng digmang bayan at armadong rebolusyon. Ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan at kalunsuran ay dapat maglunsad ng kampanya para sa maramihang pagpapasapi sa hukbong bayan. Sa kanayunan, patuloy na itayo at palakasin ang mga milisya, mga lambat paniktik, at mga network para sa madulas na maniobra ng hukbong bayan. Dapat tuluy-tuloy na magpalakas ang hukbong bayan. Dapat sanayin at armasan ang mga Pulang mandirigma.
Tipunin ang pinakamalawak na suporta para sa digmang bayan. Sa katuus-tuusan, anumang pakinabang na matatamo ng bayan sa usapang pangkapayapaan ay nakasalalay sa lakas ng armadong paglaban.
___
JASIG – Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees Sinasaad sa kasunduang ito na ligtas sa pang-aaresto at detensyon ang mga konsultant at tauhan ng magkabilang panig na bahagi sa usapang pangkapayapaan.
CASER – Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms Nasa antas ngayon ang usapang pangkapayapaan sa pagbubuo ng kasunduang ito. Pangunahing laman nito ang mga reporma sa ekonomya tulad ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa.
CARHRIHL – Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law Sinasaad sa kasunduang ito ang mga batayang karapatang sibil, pulitikal at ekonomiko ng mamamayan, gayudin ang kanilang mga karapatan sa gitna ng digma. Napirmahan ang kasunduang ito noong 1998 ng prinsipal ng NDFP na si Mariano Orosa at ng presidente noong ng GRP na si Joseph Estrada.
The Hague Joint Declaration – Sinasaad ng deklarasyong ito ang mga sustantibong adyenda ng usapan at ang pagkakasunud-sunod ng mga ito.
https://www.cpp.ph/peace-sa-panahon-ng-digma/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.