Saturday, February 6, 2016

20 Sayyaf sa Sulu bombings, tukoy na

From Abante (Feb 6): 20 Sayyaf sa Sulu bombings, tukoy na 

Lima sa 20 kasapi ng bandidong Abu Sayyaf group (ASG) na responsable sa mga serye ng pagsabog ng improvised explosive device sa lalawigan ng Sulu ang kinilala na ng militar. 
 
Ayon kay B/Gen. Alan Arrojado, commander ng Joint Task Group (JTG) Sulu, kinilala ang limang bandido na sina Amrin Absara, Abral Alih, Tala Jumsah, Jumidin Wali at isang Asaral.
 
Napag-alaman na nagsanib-puwersa ang mga tauhan nina ASG subleader Hajan Sawadjaan, Radullan Sahiron at ASG subleader Amah Maas sa panibagong nangyaring roadside bombing bandang alas-6:50 ng umaga kahapon.
 
Sinasabing sa Barangay Lagtoh, Talipao, Sulu tumama sa military truck ang IED na nagresulta sa pagkasugat ng pitong mga Marines habang naka-convoy ang ilang military vehicle ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-10).
 
Bandang alas-7:45 ng umaga nang makaengkuwentro ng tropa ng Philippine Army ang hindi mabilang na miyembro ng Abu Sayyaf sa bulubunduking bahagi ng Talipao na pinangungunahan umano ng grupo ni ASG subleader Radullan Sahiron.
 
Nabatid na makalipas ang ilang minutong palitan ng putok ay umatras ang mga suspek papunta sa tatlong magkakahiwalay na lugar.
 
Base sa mga nakuhang intelligence report ng militar, pansamantala ngayong nananatili ang grupo ni Sahiron sa may Sitio Banglot, Barangay Sinumaan, Patikul habang ang grupo naman ni Sawadjaan ay namataan sa Sitio Hagas-hagas ng mismong barangay. Ang grupo naman ni ASG subleader Idang Susukan ay nananatili naman nga­yon sa may Barangay Mabahay, Talipao.
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.