Saturday, June 27, 2015

“Bayanihan” inilunsad sa kabundukan

From the Philippine Information Agency (Jun 27): “Bayanihan” inilunsad sa kabundukan ("Bayanihan" launched in the mountains)

VIGAN CITY – Patuloy na ipinapatupad ng Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) ang bayanihan sa mga bulubunduking lugar sa lalawigan para hindi makaimpluwensya ang mga rebelde sa mga naninirahan sa barangay, ayon sa isang opisyal.

Sa pamamagitan ng bayanihan mapupulsuhan ang mga pangangailangan at karaingan ng mga residente sa mga depressed areas para maiparating sa mga ahensya ng pamahalaan, ayon kay Lt. Col. Jason Bajet, Commanding Officer ng 81st Infantry Battalion ng PA na naka-base sa Sta. Cruz, sa naganap na Provincial Peace and Order Council Meeting na dinaluhan ng mga hepe ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan sa  Kapitolyo noong Hunyo 24.

Inihayag ng opisyal na problema pa rin ang insurhensya sa Ilocos Sur na itinuturing na Primera Klaseng Probinsya lalo na sa mga liblib na barangay sa makasaysayang bayan ng Cervantes, Sta. Cruz at Suyo bagama’t kontrolado ang situwasyon.

Sinabi ni Bajet na anumang pagkakataon ay maaaring maglunsad ang mga remnants ng mga insurgents ng atrocities at harassment sa mga barangay  kaya patuloy ding naka-alerto ang grupo.

Sinabi pa ng opisyal ng Army na kailangan ding mabuo ang “territorial defense” para mapalakas ang grupo ng mga CAFGU at Barangay Tanod sa pagpapatrolya upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan.

Maigting ang ipinapatupad na  kampanya ng Army para  mapuksa ang anumang “terroristic acts” ng mga insurgents  at mapahina ang kanilang political-military structure sa lalawigan, idiniin niya.

Layunin din ng bayanihan na maiparating ang programa ng pamahalaan para sa kapayapaan  at kaunlaran sa mga liblib na pook bagama’t  hinikayat ni Col Bajet ang iba’t-ibang sangay ng gobyerno na paigtingin pa ang kanilang serbisyo para sa mga kababayang itinuturing na Indigeneous Peoples

Bilang chairman ng PPOC, iniutos ni Gob. Ryan Luis Singson sa mga national government agencies lalo na ang Department of Agriculture, National Irrigation Administration, Department of Health, Department of Social Welfare and Development,  Department of Labor and Employment at TESDA na iparating nila ang kanilang serbisyo at programa sa mga itinuturing na “poorest of the poor.”

Samantala, iniulat ni Pol. Supt. Nestor Felix, PNP Provincial Director, na nakikipagtulongan ang Kapolisan sa Army para masugpo ang insurhensya sa Suyo, Cervantes at Sta. Cruz bagama’t may sightings din sa Primero Distrito tulad sa liblib na mga  barangay sa Sinait, San Juan at Cabugao.

http://news.pia.gov.ph/article/view/371435286113/-bayanihan-inilunsad-sa-kabundukan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.