Taimtim ang pagbabasa ni MILF Vice Chairman and chief peace negotiator Mohagher Iqbal sa Mindanao Examiner Regional Newspaper. Sinabi ni Iqbal na hindi magbibigay ng kopya ng ang MILF sa full report nito ukol sa Mamasapano clash sa pamahalaang Aquino, at maging sa Senado at Kongreso, ngunit ipapasa naman nito ang executive summary ng naturang report sa Malaysia-led International Ceasefire Monitoring Team.
SULTAN KUDARAT – Walang sinuman sa labas ng Moro Islamic Liberation Front ang makakabasa ng full report nito ukol sa madugong Mamasapano clash na kung saan ay 44 police commandos ang pinaslang ng mga rebelde sa Maguindanao province.
Ito ang tahasang pahayag ngayon Marso 7 ni MILF vice chairman at chief peace negotiator Mohagher Iqbal at tanging executive summary lamang ang ibibigay nito Malakanyang, Senado at Kongreso.
Ngunit sinabi ni Iqbal na unang bibigyan nito ng executive summary ang International (Ceasefire) Monitoring Team na pinangungunahan ng bansang Malaysia. Ang IMT ay kinabibilangan rin ng bansang Japan, Indonesia, Brunei at suportado ng European Union at Estados Unidos.
At mula sa IMT, ipapasa naman ito sa pamahalaang Aquino sa pamamagitan ng government peace panel sa ilalim ni Miriam Ferrer. Bibigyan rin ng IMT ang pamahalaan ng Malaysia bilang facilitator ng peace talks sa pagitan ng MILF at Pilipinas.
“Internal ang full report ng MILF sa Mamasapano clash at ang tanging maibibigay namin ang executive summary. Sariling imbestigasyon ng MILF ito at hindi namin maaaring ilabas sa publiko,” ani Iqbal sa panayam ng Mindanao Examiner regional newspaper.
Ilalabas umano ng MILF, ayon pa kay Iqbal, ang executive summary sa susunod na linggo at tinatapos pa umano nila ang nasabing ulat. Magbibigay rin umano ito ng kopya sa Mindanao Examiner.
“This (executive summary) contains the substance of the MILF probe and I want to reiterate that what happened in Mamasapano on that fateful January 25 was a violation of the ceasefire agreement by the Philippine government because there was no prior coordination with the MILF as far as the SAF (Special Action Force) operation was concerned,” ani Iqbal.
Umabot sa 44 SAF commandos ang nasawi sa nasabing labanan matapos na maka-enkuwentro nito ang malaking grupo ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano. Pinasok ng SAF ang nasabing lugar at napatay ng mga commandos si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir, ngunit ang hideout nito ay sakop naman ng MILF 105th Base Command at inakala ng mga rebelde na sila ang target ng sikretong operasyon.
Dahil sa naganap, nabalam ang Bangsamoro Basic Law sa Kongreso at hinarang rin ito ng maraming mambabatas at ngayon ay nanganganib na maudlot. Ang BBL ay siyang batayan ng bagong Bangsamoro autonomous government na siyang ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao. Dapat ay maipasa ito bago mag-recess ang Kongreso ngayon Marso, subali’t sa bagong timetable ay hahabulin ito sa Hunyo at kung hindi ay malabo na itong matupad sa termino ni Pangulong Aquino dahil kailangan ng isang taon bago ito maratipika sa isang plebisito.
Naniniwala namam si Iqbal na maipapasa ang BBL sa kabila ng maraming grupo at mambabatas ang kumukontra rito. “Let’s hope for the best,” ani Iqbal. “The BBL is not for us, it is for our people and the future of the Bangsamoro and their children and for the peace that we have longed for.”
http://www.mindanaoexaminer.net/2015/03/milf-report-sa-mamasapano-clash-hindi.html
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.