From the Mindanao Examiner BlogSpot site (Feb 14): Double-talk nga ba?
Isang gunsmith sa Maguindanao ang makikitang gumagawa sa kanyang tagong shop sa lalawigan at inamin nito na may mga lumapit sa kanya upang ipabura ang marka sa isang Glock pistol at Bushmaster automatic rifle na pagaari ng Philippine National Police, ngunit tinanggihan niya umano. At makikita rin sa larawan ang isang MILF sniper habang nasa training gamit ang MILF-made na Barrett rifle. (Mindanao Examiner Photo – Mark Navales)
MAGUINDANAO – Double- talk nga ba? Ito ngayon ang katanungan na ipinupukol saMoro Islamic Liberation Front matapos nitong pasinungalingan na miyembro nila ang mga armadong kalalakihan sa kumalat na video sa Facebook na makikitang pinagnanakawan ang mga pinaslang nilang Special Action Force commandos sa Maguindanao province.
Mismong si MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal ang nagsabing hindi nila kasapi ang mga armado sa naturang video. Isa sa mga ito ay makikitang pinagbabaril ng walang awa ang isang sugatan SAF commando hanggang sa mapatay habang pinagnanakawan naman ng iba ang mga kasamahan ng parak.
Napatay sa labanan sa MILF ang 44 SAF commandos sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano matapos silang kuyugin ng mga armadong miyembro nito.
Palabas na sana ng nasabing lugar ang grupo ng SAF matapos na mapatay nila si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir ng pinagtulungan sila ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Teritoryo ng MILF ang lugar na kung saan naroon ang kubo ni Zulkifli.
Sa kabila ng pagtanggi ni Iqbal ay sinabi naman nito na ibabalik nila ang mga armas na nakuha ng ilang miyembro ng MILF at inginuso pa nito ang BIFF na umakong nasa kanila ang mahigit sa isang dosenang armas ng SAF commandos.
May sariling pagawaan ng armas ang MILF at maging ang Barrett sniper rifle ay ginagaya ng mga ito, ayon sa militar.
Naniniwala ang pamunuan ng pulisya na pawang mga miyembro ng MILF ang nasa kumalat na video at pinagtatakpan lamang ito ni Iqbal dahil sa brutal na pagpatay sa sugatang SAF commando ng kanilang tauhan.
http://www.mindanaoexaminer.net/2015/02/double-talk-nga-ba.html
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.