Monday, November 17, 2014

CPP/NPA: Sundalo ng 31st IB, napatay sa operasyong pagdisarma ng NPA

NPA propaganda statement posted to the CPP Website (Nov 16): Sundalo ng 31st IB, napatay sa operasyong pagdisarma ng NPA


Logo.bhb
Samuel Guerrero
Spokesperson
NPA Sorsogon Provincial Operations Command (Celso Minguez Command)
 
ISANG sundalo ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army ang napatay nang manlaban ito sa isang tim ng New People’s Army na sumita sa kaniya at isa pang kasamahan para disarmahan sila sa Barangay San Antonio, Barcelona, Sorsogon bandang alas-8:00 kaninang umaga.

Ang dalawang sundalo ay kabilang sa tinaguriang Peace and Development Team (PDT) na nakahimpil sa sentro ng naturang barangay mula pa noong Oktubre 22. Hinarang at pinatigil ng NPA ang pampasaherong traysikel na sinasakyan ng dalawang sundalo para kumpiskahin ang kanilang maiiksing baril. Tumalon mula sa sasakyan at bumunot ng baril ang isang sundalo kaya naobliga ang mga Pulang mandirigma na putukan at mapatay siya. Sinamsam ng NPA ang kanyang pistolang kalibre .45.

Ang isa pang sundalo ay nagsumiksik sa mga sibilyang kasakay niya sa traysikel habang umiiyak at nagmamakaawa. Hindi na nakipaggitgitan ang mga operatiba ng NPA para iwasan ang posibleng maging pinsala sa mga sibilyan at hinyaan na nilang umabante ang traysikel.

Kasabay nito ay hinaras ng NPA ang PDT na nakahimpil sa baryo.

Ang mga hakbang na ito ng NPA ay tugon sa mga reklamo ng taumbaryo laban sa mga abusadong sundalo. Inirereklamo ng mga tao ang may tatlong linggo nang pag-okupa ng mga tropang militar sa barangay hall, daycare center at health center hindi lamang sa San Antonio kundi gayundin sa mga baryo ng Togawe, Benguet, Villareal at Tabi sa bayan ng Gubat, Sorsogon. Mula nang humimpil ang mga PDT sa naturang mga baryo, marami nang residente sa baryo ang tinatakot at sinasaktan ng mga sundalo at pilit na pinaaaming kasapi o tagasuporta ng NPA. Walang magawa kahit ang mga opisyal ng barangay dahil pati sila ay tinatakot ng mga tropang militar.

Sinusuportahan ng rebolusyonaryong kilusan ang kahilingan ng mamamayan na paalisin ang mga PDT ng Philippine Army sa okupadong mga baryo. Patuloy na magsasagawa ng mga aksyon ang NPA hanggang mapatalsik sila sa nasabing mga lugar.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141116_sundalo-ng-31st-ib-napatay-sa-operasyong-pagdisarma-ng-npa

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.