Sunday, November 16, 2014

BIFF isinabit sa pambobomba sa Mindanao

From the Mindanao Examiner BlogSpot site (Nov 17): BIFF isinabit sa pambobomba sa Mindanao

Tuluyan ng isinabit ng militar kahapon ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa madugong pambobomba sa bayan ng Kabacan sa North Cotabato province na kung saam ay isang estudyante ang nasawi at mahigit sa isang dosena ang sugatan.

Sumabog ang bomba kamakalawa ng gabi sa labas lamang ng Kabacan Central Pilot School at dalawa pa ang natagpuan ng mga sundalo at parak bago pa man sumambulat ang mga ito.

"The IED exploded near the gate of Kabacan Central Pilot School. Two more bombs were discovered at an overpass near the school and were immediately disrupted by in the area," ani Captain Jo Ann Petinglay, ng 6th Infantry Division’s Public Affairs Office, sa panayam ng Mindanao Examiner.

Walang umako sa atake, ngunit sinabi ni Petinglay na ang BIFF ang pangunahing suspek sa pagsabog. "We are suspecting the BIFF as the culprit," ani pa ng opisyal.

Noon nakaraang buwan lamang ay sumumpa ang BIFF sa jihadist group na ISIS at nagbanta pa na lalong paiigitingin ang opensiba nito sa Mindanao na kung saan ay nakikibaka ang mga rebelde para sa sariling estado ng mga Muslim.

Nakilala naman ang nasawi na si Monique Mantawil, 19, na nagaaral sa University of Southern Mindanao, habang nasa pagamutan pa rin ang mga sugatan na nakilalang sina Ibrahim Bantulan, Usman Dimacaling, Mohamad Masukat, Anwar Montokayan, Samra Sembaga, Queen Mary Alimuhanid, Ritchie Baguio, Hartzel Bragat, Giezel Mae Butil, Arvie Estrella, Vestoni Gevero, Tonton Kusain, Merwin Lagat, Rowena Nufies, Albert Pagatpat, Flo Rohana at Girlie Royless.

Nag-alok naman ang provincial government ng P100,000 reward sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon at sa ikadarakip ng mga bombers.

Naganap ang atake halos isang araw lamang matapos na sumabog rin ang isang bomba di-kalayuan sa detachment ng 39th Infantry Battalion sa Barangay Banayal sa bayan ng Tulunan sa North Cotabato rin.

Bagamat walang inulat na casualties sa pagsabog doon ay tila nagbigay naman ng mensahe ang mga rebelde na sa kabila ng dami ng mga sundalo sa lugar ay nalulusutan pa rin sila ng BIFF.

Kamakailan lamang ay 2 katao ang nasawi at dalawa rin ang sugatan ng sumabog ang isang mortar sa bayan ng Pikit sa naturang lalawigan at agad naman ito ibinintang ng 6th Infantry Division sa BIFF, ngunit inginuso naman nito ang militar na siyang nasa likod ng pagsabog.

http://www.mindanaoexaminer.net/2014/11/biff-isinabit-sa-pambobomba-sa-mindanao.html

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.