Tuesday, May 27, 2014

CPP/NPA-SPOC: Todo-todong operasyong militar ng 903rd Brigade, Phil. Army, pumupuntirya sa mamamayang Sorsoganon

NPA propaganda statement posted to the CPP Website (May 26): Todo-todong operasyong militar ng 903rd Brigade, Phil. Army, pumupuntirya sa mamamayang Sorsoganon
Logo.bhb
Samuel Guerrero
Spokesperson
NPA Sorsogon Provincial Operations Command (Celso Minguez Command)
 
Naninibasib laban sa mamamayang Sorsoganon ang nagpapatuloy na operasyong militar ng 31st IBPA, 5th Scout Ranger Coy at iba pang pwersang militar na nasa kumand ng 903rd Bde PA sa buong probinsiya. Mula buwan ng Abril hanggang sa kasalukuyan, todo-todo ang mga operasyong militar ng tropang AFP na pumupuntirya at namemerwisyo sa mga inosenteng sibilyan.

Noong Abril 27, 2014, pagkatapos ng isang engkwentro sa pagitan ng pinagkumbinang tropa ng 31st IBPA at 5th SR Coy at isang tim ng BHB sa Brgy. Cococabitan, Bulan, Sorsogon, binintangang kasapi ng NPA si Brgy Kapitan Eddie Albor ng nasabing baranggay at iligal na ikinulong dahil sa mga gawa-gawang kaso. Ngayon, pinipilit si Kap. Albor na pumirma sa isang sinumpaang salaysay na nagsasaad ng kasinungalingan na isang mataas na kadre ng NPA ang kaswalti sa naturang engkwentro. Ang pagpirma diumano ni Kap. Albor ay kapalit ng pagpapalaya sa kanya ngunit hanggang sa kasalukuyan, iligal pa rin siyang nakakulong sa Sorsogon City District Jail.

Pinagtatakot at binalingan ng galit ng tropang Alpha Coy, 31st IBPA ang mga residente ng Brgy. San Juan, Casiguran, Sorsogon noong Abril 29, 2014 matapos ang matagumpay na ambus ng isang yunit ng CMC-BHB doon. Nagbanta ang mga pikon-talong mga sundalo ng 31st IBPA, sa harapan mismo ng Brgy. Council dito, na uubusin nila ang mga pinaghihinalaan nilang suportador ng BHB sa buong bayan ng Casiguran. Napatay sa ambus na ito si Cpl. Edison Capital at nasamsam ng BHB ang isang .45cal pistol. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang BHB sa pamilya ng nadamay na sibilyan sa naturang ambus para sa karampatang aksyon.

Upang maghasik ng mas matinding teror sa mamamayan, muling nadagdagan ang kaso ng extra-judicial killing sa Sorsogon. Binaril-patay ng Alpha Coy, 31st IBPA si Joseph Benson, isang binata na taga Brgy. Inlagadian, Casiguran nitong madaling araw ng Mayo 9, 2014. Tinambangan si G. Benson sa Brgy. Escuala, Casiguran, habang naglalakad pauwi mula sa pakikilamay sa patay na nakaburol malapit sa Alpha Coy HQ ng 31st IBPA sa Brgy. Casay ng parehong bayan. Inamin mismo ng nag-ooperasyong tropa ng Alpha Coy, 31st IBPA sa ilang mamamayan sa lugar na si G. Benson ay pinaghinalaan nilang kasabay ng mga operatiba ng BHB na nag-ambus sa kanilang tropa sa Brgy. San Juan noong nakaraang Abril.

Walang-kahihiyang nagnakaw ng isang bangkang-de-motor ang 31st IBPA na nag-ooperasyon sa mga interyor na baranggay sa bayan ng Bulan at Matnog noong 10:30 ng gabi, Mayo 5, 2014. Ang biktima ng mga kawatang 31st IBPA ay ang pamilya Masujer ng Brgy. Sagrada, Bulan, Sorsogon. Pinuntahan ng tropang 31st IBPA ang pamilya Masujer noong umaga ng Mayo 5 at pinipilit nilang kunin ang bangkang pag-aari ng pamilya dahil diumano’y pag-aari ito ng BHB. Pansamantala napigilan ni Mrs. Marife Masujer ang mga kawatan ngunit bumalik sila pagsapit ng gabi para tuluyang nakawin ang bangka na sinakyan ng aabot sa tatlumpo (30) na elemento at unipormadong tropang 31st IBPA papunta sa direksyon ng bayan ng Bulan. Nakumpirma ng biktima na ang tropa ng 31st IBPA ang nagnakaw ng bangka nila nang bumalik pa ang mga ito noong Mayo 7 sa kanilang bahay at pinipilit silang ituro ang isang kasapi ng BHB. Dagdag pa sa pagkakakilanlan sa tropang kaaway na nagnakaw ay ang kasamahan nila na sina Leo Pomarejo alyas “Joy” at Roberto Mondejar alyas “Agta/Aries” na kapwa mga rebel returnee na sumuko sa AFP noong 2009. Ginagamit ng 31st IBPA ang mga rebel returnees na ito sa panggigipit at harassment sa mga taumbaryo sa mga lugar na inooperasyon nila. Dahil sa takot, pansamantalang lumipat ang pamilya Masujer sa kanilang mga kamag-anak sa ibang baranggay. Hanggang sa ngayon hindi makapaghanapbuhay ang pamilya Masujer na tanging pangingisda ang pinagkakakitaan.

Lalo pang lumabas ang berdugo at pasistang mukha ng 31st IBPA sa pagkubli ng pinakabagong paglabag nila sa mga batas ng digma, internasyunal na makataong batas CARHRIHL at batayang karapatang-pantao. Idinamay ng tropang kaaway ang pamilya Garduque sa mga bilang ng kaswalti sa kanilang pag-atake sa isang iskwad ng BHB sa Sityo Hukdong, Brgy. Balocaue, Matnog, Sorsogon nitong Mayo 23, 2014. Napatay si Elias Garduque at malubhang nasugatan naman ang kanyang asawa na si Cynthia Garduque at ang kanilang 1-taong gulang na sanggol. Alas 5:45 ng umaga nang kubkubin nila ang mga kasama na pansamantalang nagpahinga malapit sa bahay ng pamilya Garduque. Pagkatapos ng ilang minutong putukan hindi nila inagapan ang duguang mag-ina at pinagbawalan na may makalapit na taumbaryo na nais sanang sumaklolo sa mag-anak nang marinig ang putukan malapit sa kanilang bahay. Hinayaan nila ang mag-ina hanggang alas-3 ng hapon bago dalhin sa ospital. Sobrang bihasa na sa pagngangalngal ng kasinungalingan si Brig. Gen. Joselito Kakilala dahil alas-8 ng umaga pa lamang ng araw na iyon ay idinadahilan na ng hambog na CO ng 903Bde PA na pawang mga kasapi diumano ng BHB ang mag-asawang Garduque na sa katotohanan ay mga residente ng Brgy. Balocaue. Makikita sa awtomatikong pagsisinungaling ni Kakilala na SOP na ng AFP na akusahang NPA ang sinumang maging kaswalti sa kanilang mga operasyong militar at wala silang pinag-iiba sa pagtrato sa armadong NPA bilang kalaban at sa mamamayang sibilyan. Napatunayan din sa labanang ito na hindi rinerespeto ng AFP ang pagkilala sa katayuang ‘hors de combat’ dahil kahit na ipagpalagay ngang kasapi ng BHB ang sugatang si Cynthia Garduque at ang kanyang sanggol, dapat sana’y isinugod sa ospital ang mga sugatan pagkatapos ng labanan laluna nang may mga sibilyang residente nang nakikiusap sanang lumapit sa pamilya Garduque. Buong kayabangan pa ni Kakilala nang banggitin nitong ‘walang collateral damage’ sa labanan kaya maaari pa nitong idahilan na ‘NPA regular’ na ang sanggol na 1-taong gulang pa lamang na malubhang nasugatan.

Ang serye ng panteteror ng tropang AFP sa pangunguna ng 903rd Bde PA sa Sorsogon ay bahagi ng desperado at inutil na Oplan Bayanihan ng kasalukuyang rehimeng Aquino. Sa kabila ng pagkukunwari bilang mga ‘reformed’ na sundalo sa iba’t-ibang palabas tulad ng mga operasyong civil-military o CMO kusa pa ring lumalabas ang pangil at pagiging berdugo ng mga pasistang AFP at nahuhuli ang kanilang kasinungalingan sa kanila mismong bibig.

Kailangang higit na magkaisa ang mamamayang Sorsoganon at maging mapagbantay sa mga anti-mamamayan na kampanya ng tropang 903rd Bde PA at 31st IBPA. Kailangang ilantad ang mga abuso at paglabag ng mga tropang kaaway para ipaglaban ang kanilang karapatang- pantao. Sisikapin ng Celso Minguez Command – Bagong Hukbong Bayan na panagutin ang tropang berdugo sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140526_todo-todong-operasyong-militar-ng-903rd-brigade-phil-army-pumupuntirya-sa-mamamayang-sorsoganon

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.