Wednesday, January 15, 2014

CPP/NDF Negros: Oplan Bayanihan at Negros First Policy ni Marañon, gutom at dislokasyon ang ibubunga!

Propaganda statement posted to the CPP Website (Jan 7): Oplan Bayanihan at Negros First Policy ni Marañon, gutom at dislokasyon ang ibubunga! (Oplan Bayanihan and the Negros First Policy of Maranon, hunger and dislocation are the consequences)

Logo.ndfp
Frank Fernandez
Spokesperson
NDFP Negros Island Chapter
 
Ang National Democratic Front-Negros at mga alyadong organisasyon nito ay bumabati sa mamamayan ng Negros ng isang mapagpalaya at mapanghamong bagong taon!

Kasabay nito, sumasaludo ang NDF-Negros sa mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas-Marxismo-Leninismo-Maoismo (PKP-MLM) sa makulay at mabungang pagdaos ng ika-45 anibersaryo ng muling pagkatatag nito.

Muli nating binalikan ang ating mga karanasan noong 2013, inipon ang mga aral at kinonsolida ito. Binigyang pugay din natin ang mga mahal na mga kasama at masa na naging martir sa pagsusulong ng ating pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ang taong 2013 ay mas mapanghamong taon para sa rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Ito ang taong itinakda ng mersenaryong Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng amo nitong rehimeng US-Aquino 2 na pahinain hanggang sa durugin ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng kanilang Oplan Bayanihan na may whole of nation approach strategy.

Pero tulad ng nagdaang mga operation plan ng reaksyunaryong pamahalaan, nabigo lamang ito at lalo pa ngang nagpaalab ito sa damdamin ng mamamayang Pilipino para ipagpatuloy ang pakikibaka para maangkin ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon kasabay ng paghulagpos sa gapos ng pagkaalipin sa mga dayuhang monopolyong kapitalista, panginoong maylupa at malalaking kumprador burgesya.

Ang Philippine Development Plan (PDP) o Public-Private Partnership Program ni Aquino at ang Negros First Policy ng panginoong maylupang si Gov. Alfredo Marañon, Jr. ay nananatiling walang silbi at sa halip lalo pa ngang nagpalala sa kawalan ng lupa.

Ang mga proyekto sa ilalim ng Negros First Policy ni Marañon tulad ng pagpaparami ng tupa’t baka, pagtatanim ng yellow corn, diversification sa gamit ng tubo mula sa asukal tungong ethanol at iba pang mga produkto, pagtatanim ng kahoy para sa reporestasyon, pagpahintulot sa plantasyon ng oil palm, rubber tree, pinya, laluna ang dayong mapangwasak na pagmimina sa kabundukan at baybayin.

Bunsod ng mga proyektong ito, libu-libong mamamayan sa Himamaylan City, Kabankalan City, Murcia, La Castellana, Candoni at Sipalay ang mawawalan ng kabuhayan at walang katiyakan sa pagkain. Imbes tanman ng palay, mais, gulay at iba pa, ang lupa ay tataniman ng mga produktong pangkomersyal na sumasagot sa pangangailangan ng mga kapitalistang mamumuhunan sa Pilipinas tulad ng Dole, Del Monte, Rain Forest Corporation, mga kumpanya sa pagmimina at iba pa.

Enggrandeng operasyong saywar kasabay ng operasyong kombat ang isinagawa ng AFP sa Negros, na tinutuwangan ng Simbahan, mga rebisyunistang taksil, lokal na gubyerno, mga despotikong panginoong maylupa-malalaking kumprador burgesya.

Namamayagpag din si Marañon sa pagpuri ng “kapayapaan at kaunlaran” sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng mersenaryong tropa ng 303rd Brigade sa Isla na pinamumunuan ng berdugong si Jon Aying, para bigyang proteksyon ang mga kapitalistang namumuhunan, malaking kumprador-burgesya at mga panginoong maylupa sa Negros. Mula pa noong 2007 ginawang prayoridad ang Negros sa kampanyang counter-insurgency ng militar ng reaksyunaryong rehimen.

Pero sa loob din ng mga taong ito, nananatiling matatag, pursigido at nasa posturang opensibong militar ang rebolusyonaryong kilusan, bagay na sa halip na maging mahina at madurog ay lalo pang sumulong ang rebolusyon sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Walang epekto sa mamamayan ang magastos na programa ng AFP at ni Marañon na Provincial Peace Integration Development Unit (ProvIDU). Nalaman ng mamamayan na itong programa ay para lamang linlangin at ilihis ang mamamayan sa totoong lunas sa api at mapansamantalang kalagayan. Hindi maikukubli sa mamamayan na ang kapayapaan, katiwasayan at kaunlaran ay makakamit lamang kung malunasan ang problema sa lupa, kulang na sahod at benepisyo, kawalan ng tamang kabuhayan at tahanan, at iba pa.

Sa programang ProvIDU ng AFP, kanila ring ipinagmamalaki ang pagdami ng mga “rebel surrenderees” at umano’y lumalaki ring tulong dito ng gubyerno at ang panawagan sa lokal na peacetalks. Itong mga pagmamayabang na kwento, paulit-ulit na lamang at halos nabibingi na ang mamamayan.

Karamihan ng kanilang pinapakilala na mga “surenderees” ay matagal nang nagpahinga o pinalabas na BHB dahil hindi makahawak ng bakal na disiplina ng Pulang Hukbo at ang iba ay hindi makatitiis sa sakripisyo at kahirapan. May mga masa na sinabi ng 303rd na mga “surenderees”. Ngunit ang katotohanan, sila ay mga mamamayan na dumalo sa ipinatawag na asembleya o medical mission ng AFP sa baryo. Sila ang pinapirma sa attendance sheet at idineklara mga “surenderees”. Talagang sinungaling ang militar sa Negros!

Sa kabilang banda, isa nang “certified traditional politician” (TRAPO) si Stephen Paduano alyas Carapali Lualhati, National Commander ng Revolutionary Proletarian Army (RPA). Dagdag naman sa listahan ng mga tagatahol ng US-Aquino na rehimen. Sa muli, pinatunayan ng mga rebisyunistang taksil ang pagkabangkarote ng kolaborasyunistang linya nila. Isa na sila ngayong tagatahol ng reaksyunaryong gubyerno at mersenaryong militar laban sa rebolusyonaryong kilusan. Bahagi rin sila sa tagapagtanggol sa kontra-mamamayan na programa at proyekto ng reaksyunaryong gubyerno. Total naman ang kanilang pagsurender para magkaroon ng pondo na gatasan nina Carapali sa pamamagitan ng ibinigay ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP), halimbawa ang P36 milyong proyekto sa Barangay Locotan, Kabankalan City, sa ilalim ng PAMANA-CIDDS na component project ng Oplan Bayanihan.

Mahigpit ding kinukundena ang aktibong paglahok ng ilang mga pari sa Church-Military-Police Advisory Group (CMPAG) laban sa rebolusyonaryong kilusan. Bahagi sila ng maitim na propaganda machinery ng AFP upang linlangin ang mamamayan sa totoong kalagayan at ang lunas ng rebolusyon. Instrumento sila sa pagpapalayas sa rebolusyonaryong kilusan sa lugar sa pamamagitan ng kanilang pekeng “sona ng kapayapaan”. Kanilang hinahadlangan ang pakikibaka ng mamamayan laban sa pangangamkam ng lupa ng mga kumpanya sa pagmimina at mga plantasyon ng oil palm at rubber tree.

Malinaw na bigo pa rin ang kanilang pagsisikap laban sa rebolusyonaryong ng kilusan. Kaya, si Patrimonio ng 302nd Brigade ang humiling na palawigin pa ang kanilang pagprayoridad sa Negros sa loob ng kahit 6 buwan na lamang dahil wala pa nila nakamit ang kanilang layunin na wasakin ang kilusan sa Negros.

Kahit ano pang pagmamalaki at pagmamayabang ng reaksyunaryong gubyerno, lalong lalakas at tiyak na susulong ang pambansang demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay. Pinapatibay nito sa ideolohiya ng MLM at pinapanday sa masigasig na pakipaglaban ng masa laban sa mapagsamantala at mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140107_oplan-bayanihan-at-negros-first-policy-ni-maranon-gutom-at-dislokasyon-ang-ibubunga

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.