Sunday, March 3, 2024

CPP/NPA-Masbate/Bicol ROC: Gubernador Antonio T. Kho at Ferdinand Marcos Jr: utak ng kampanyang pagpatay sa magsasaka sa Masbate

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Mar 2, 2024): Gubernador Antonio T. Kho at Ferdinand Marcos Jr: utak ng kampanyang pagpatay sa magsasaka sa Masbate (Governor Antonio T. Kho and Ferdinand Marcos Jr: mastermind of the campaign to kill farmers in Masbate)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

March 03, 2024

Malinaw na isa sa mga nakikitang motibo sa pagpatay sa matandang mag-asawang sina Pedro at Florencia sa Barangay Tuburan, bayan ng Cawayan ay ang plano ni Gov. Antonio T. Kho na palayasin ang mga magsasaka sa lupaing Triple A. Ang Triple A ay lupaing bahagi ng mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos na sinekwester ng reaksyunaryong gubyerno.

Isinangkalan ang pagpatay sa mag-asawa para ilagay sa kontrol militar ang Barangay Tuboran sa publiko. Ayon sa mga ulat na nakalap ng JRC-BHB Masbate mula mismo sa malapit kay Gov. Kho, hanggang sa kasalukuya’y pinagbabawalan ng militar ang mga tao na pumasok sa naturang baryo dahil umano ay may “engkwentro”. Matapos rin ang nangyaring pamamaslang, pwersahang pinasurender lahat ng residente sa naturang baryo.

Desperado si Gov. Kho na mapasakamay ang malalawak na pastuhan laluna sa bayan ng Cawayan, tulad ng Pecson, 7R at Triple A para sa kanyang rantserong interes. Matapos agawin ang Pecson at ipakontrol sa armado niyang mga ahente ang lupaing 7R, lalo siyang uhaw na makuha ang Triple A, na dati niya nang planong pagpatayuan ng pakanang agribisnes na Masbate Agro-Industrial Growth Corridor o MAGIC. Sa katunayan, dahan-dahan nang tinutuhog ng mga proyektong kalsada ang Barangay Tuburan patungong Barangay Cabungahan sa kaparehong bayan, gayundin mula Barangay Del Carmen dadaan sa Barangay Campana, Uson tungong Barangay San Jose, Cawayan.

Para mapadali ang pang-aagaw, ipinagpapatuloy ni Gov. Antonio T. Kho ang kampanya ng brutal na gera kontra-magsasaka sa pamamagitan ng AFP-PNP-CAFGU. Pinatitindi ni Gov. Kho ang ilang dekadang kultura ng karahasang rantsero laban sa mga magsasaka sa walang awat na militarisasyon at kampanya ng pagpatay sa mga pobreng komunidad ng magbubungkal.

Sa ilalim ni Gov. Kho, maituturing ang prubinsya bilang Masbate killing fields. Karamihan sa higit 100 pinatay ng militar mula nang muling maging gubernador si Gov. Kho ay mga magsasaka.

Sa rantsong Pecson, pinatay ng militar ang mga magsasakang sina Manuel Cos, Renard Remulta at Pancho Versaga upang tuluyang palayasin ang mga magsasaka sa naturang pastuhan. Sa bayan ng Cataingan, pinatay ng kanyang mga armadong tauhan ang mag-amang sina Sabino at Jason Lopez noong 2019 matapos tumanggi na ibenta ang kanilang lupa sa gubernador. May basbas rin niya ang pagpatay sa mga lider-masang sina Ruben Corot at Judy Cabintoy na tumututol sa P190 bilyong dayuhang pakana na Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone ng kumpanyang Empark.

Ang mag-asawang Regala ay mga magsasaka sa Triple A. Sa reputasyon ni Gov. Kho bilang warlord, balewala sa kanya kahit nakapailalim ang Triple A maging sa huwad na reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno (Support to Parcelization of Lands for Individual Titling).

Nagkakamali si Gov. Kho sa pagmamaliit sa kilusang magsasaka at kanilang rebolusyonaryong paglaban. Nananatiling matabang lupa ang Masbate sa rebolusyon dahil diniligan ito ng dugo ng masang magsasakang nagpapatuloy na nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

https://philippinerevolution.nu/statements/gubernador-antonio-t-kho-at-ferdinand-marcos-jr-utak-ng-kampanyang-pagpatay-sa-magsasaka-sa-masbate/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.