Thursday, January 18, 2024

CPP/NPA=Masbate: Panata ng pagwawasto mula sa NPA Masbate: Ibayong pagsulong ng armadong pakikibaka para sa katarungan

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jan 16, 2024): Panata ng pagwawasto mula sa NPA Masbate: Ibayong pagsulong ng armadong pakikibaka para sa katarungan (Vow of rectification from the NPA Masbate: Further advancement of the armed struggle for justice)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

January 16, 2024

Sa ilalim ng batas militar sa Masbate, ang biktima ang nagiging kriminal, at ang kriminal ang nagiging biktima. Sa resolusyon ng inutil na pamprubinsyang piskalya, lilitisin sa kasong frustrated murder ang mga biktimang sina Jamara Tumangan, Rowel Hagnaya, Alden Tumangan, Rico Cuyos at Senen Dollete na walang habas na pinagbababaril ng militar sa Barangay Balantay, bayan ng Dimasalang noong Hunyo 16, 2023. Matatandaang napaslang ang isa sa mga kasamahan nila Tumangan na si Rey Belan.

Pinalabas ang anim na magsasaka bilang mga kasapi ng NPA na nakaengkwentro ng militar upang bigyang katwiran ang pambabaluktot sa mga biktima. Nangangamba ang rebolusyonaryong kilusan na hindi lamang sina Belan, Tumangan at mga kasamahan ang makaranas nang ganitong paglapastangan kundi maging ang iba pang biktima at kanilang kaanak.

Marami sa mga kaanak ng mga pinatay ng militar ang pinagbantaang isusunod kung pipiliing magreklamo. Maraming mga biktima ang walang matakbuhan para makahingi ng tulong. Maraming mga biktima at kaanak nila ang napuwersang lisanin ang kanilang mga komunidad para takasan ang panggigipit ng militar.

Labis na nagdurusa at nasasaktan ang mga Pulang kumander at mandirigma ng Jose Rapsing Command – New People’s Army Masbate sa tuwing pinahihirapan at malahayop na inaabuso ng militar ang mamamayang Masbatenyo. Sa bawat magsasakang pinapatay, inaagawan ng lupa at pinagkakaitan ng karapatan at kinabuksan, lalong nagiging marubdob ang pagnanais ng NPA – Masbate na maabot ang masa at samahan sila sa pakikibaka para sa katarungan.

Bilang bahagi ng kilusang pagwawasto, buong pagpapakumbabang ipinapangako ng NPA – Masbate na gawin ang lahat ng pagpupursige upang isulong ang armadong paglaban at ipagtanggol ang mga Masbatenyo at kamtin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng pang-aapi at pagsasamantala ng bulok na estado.

Hahanap ng daan-daang paraan ang mga kasama para maabot ang mga masang hindi pa nito naaabot. Walang kapagurang tutulong ang mga kasama upang makilala ng mga Masbatenyo ang kanilang lakas at mabuo ang kanilang pagkakaisa at determinasyong kumilos. Buong giting na maglulunsad ang Hukbo ng mga taktikal na opensiba upang panagutin at parusahan ang mga berdugo at teroristang kriminal na AFP-PNP-CAFGU at kanilang mga ahente hanggang sa tuluyang mawakasan ang paghaharing militar sa prubinsya.

Isa lang ang hinihingi ng NPA-Masbate sa mamamayang Masbatenyo: na buksan ang kanilang mga pintuan at puso para sa pagdating ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng NPA sa kanilang mga tahanan, komunidad at buhay. Dala-dala ng Partido at ng Hukbo ang rebolusyonaryong pag-asa. Huwag nating hayaang ipagkait sa sarili ang rebolusyon bilang solusyon sa ating mga problema dahil sa takot at pagkakanya-kanya.

Handang harapin ng kasama ang hirap at sakripisyo maipaunawa lamang sa mga Masbatenyo na walang ibang solusyon para matuldukan ang dinaranas na paghihirap at pagdurusa kundi ang lumahok sa digmang bayan.

https://philippinerevolution.nu/statements/panata-ng-pagwawasto-mula-sa-npa-masbate-ibayong-pagsulong-ng-armadong-pakikibaka-para-sa-katarungan/


No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.