Thursday, March 10, 2022

CPP/NPA-Palawan: Tutulan ang muling pagpasok at pag-opereyt ng mga mapaminsalang mina! Ipagtanggol ang mga lupang sakahan at lupaing ninuno sa Palawan

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 10, 2022): Tutulan ang muling pagpasok at pag-opereyt ng mga mapaminsalang mina! Ipagtanggol ang mga lupang sakahan at lupaing ninuno sa Palawan (Oppose the re-entry and operation of destructive mines! Defend farmland and ancestral lands in Palawan)



ANDREI BON GUERRERO
SPOKESPERSON
NPA-PALAWAN
BIENVENIDO VALLEVER COMMAND

March 10, 2022

Mariing kinukondena ng Bienvenido Vallever Command (BVC-NPA Palawan) at ng mamamayang Palaweño ang pag-aalis ng rehimeng Duterte sa mga restriksyon sa pagmimina sa bansa at sinusuportahan nito ang pakikibaka ng mamamayang Palaweño laban sa mga mapaminsalang mina at iba pang proyekto ng rehimeng Duterte na anti-mamamayan at makadayuhan.

Hindi pa nasapatan sa pagsusubasta ng karagatan ng WPS na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Palaweño, ibinabaratilyo at inihapag pang lalo ni Duterte ang kabundukan at likas na yaman ng Palawan sa mga dayuhang kumpanyang magmimina.

Unti-unting pinagsakluban ng langit at lupa ang mga Palaweño sa mga pinakahuling kautusan ni Duterte kaugnay sa industriya ng pagmimina sa ating bansa. Kung mayroon mang matinding maaapektuhan nito, walang iba kundi ang lalong nagdarahop na mga magsasaka at katutubong mamamayan sa isla ng Palawan. Sa kabilang banda, titiyakin ng mga patakaran at kautusang ito ang patuloy na pagkakamal ng tubò ng mga negosyante, dayuhan at lokal na magmimina at para sa kapakinabangan ng lokal at pambansang gubyerno.

Tuwiran nang tinalikuran ni Duterte ang mga dati niyang pahayag hinggil sa pagmimina sa mga unang taon ng kanyang panunungkulan na nagresulta sa pagsasara o suspensyon ng 26 na malalaking mina dahil sa paglabag sa mga patakaran kaugnay sa kalikasan. Ngayon, todong nagpakitang-gilas si Duterte sa kanyang mga among imperyalista at mga kakutsabang panginoong maylupa at malalaking burukrata-kapitalista.

Tahimik, paggapang ngunit tuso at mapanglalang ang naging paraan ni Duterte sa pagpapanumbalik ng mga patakaran sa pagmimina.

Una, noong Abril 15, 2021 ay iniutos ni Duterte na alisin na ang siyam (9) na taong moratorium sa pagbibigay ng mga bagong permit sa pagmimina. Hinawan nito ang daan para sa 2,000 mga aplikasyon sa pagmimina sa Palawan na tiyak na magbiibigay daan sa mabilis na eksploytasyon sa mga yamang mineral na nickel, chromite, limestone, ginto, silica, at copper sa probinsya at magdudulot ng ibayong panganib at pinsala sa mamamayan, kalikasan at mga tagapagtanggol nito. Mas maaga pa noong 2019 ay pinahintulutan na ang operasyon ng mga suspendidong mga minahan at itinulak ang “rehabilitasyon” ng mga ito partikular ang mga mina sa nickel upang tumugon sa pangangailangan ng China sa mineral na ito.

Ikalawa, ay ang pamaskong handog ng rehimeng Duterte sa mga may-ari ng malalaking minahan na pagtatanggal ng restriksyon sa open-pit mining noong Disyembre 23, 2021. Inilabas ng DENR Secretary na si Roy Cimatu ang kautusan na tumapos sa apat (4) na taong pagbabawal sa open-pit mining na ipinatupad noong panahon ng dating DENR secretary na si Gina Lopez. Nagdiwang ang mga dambuhalang kumpanya ng mina sa loob at labas ng bansa na magbibigay-daan sa pagdagsa ng mga aplikasyon ng pagmimina at labis na pagkawasak ng kalikasan.

Pangatlo, noong Agosto 2021, pinaboran ng Ombudsman ang Ipilan Nickel Mining Corp (INC) at hinusgahan nito na maysala na “grave use of authority” si Brooke’s Point Mayor Jean Feliciano sa pagdemolis ng mga kagamitang pangmina ng naturang kumpanya noong 2018. Sinuspinde nang walang sahod sa loob ng isang taon si Feliciano sa kabila ng ipinatupad lamang niya ang desisyon ng DENR laban sa INC na kahit lipas na ang kontrata ay nagpapatuloy sa pagmimina, iligal na nagputol ng 7,000 malalaking kahoy, hinukay ang kabundukan at hinalwat ang mga lupain sa loob ng 20 ektaryang saklaw ng Mt. Mantalingahan Protected Landscape (MMPL) kung saan ipinagbabawal ang naturang mga aktibidad.

At panghuli, natural ding nakikipagkoro ang ipokritong Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) noong Agosto 2019 na hindi lamang agad na nagbigay ng Strategic Environmental Plan (SEP) Clearance sa mga kumpanya para magsimula at magpatuloy na sa kanilang operasyon, kundi inaprubahan pa nito ang ekspansyon ng tatlong malalaking kumpanya sa pagmimina—ang Berong Nickel Corp, Rio Tuba Nickel Corp. at Citinickel Mining & Devt. Corp. Agad-agad ding namang binigyan ni Brooke’s Point Acting Mayor Joy Quiachon ng mayor’s permit ang INC nitong Enero 2022.

Pumalakpak at nagkakandarapa ang mga ganid na dayuhan at lokal na mga kumpanya ng mina upang samantalahin na malaya silang muling makapandambong sa likas na yaman ng bansa, lalo na sa Palawan—ang itinuturing na “huling prontera” ng Pilipinas. Sa Palawan matatagpuan ang ilang malalaking minahan ng nickel sa pamamagitan ng open-pit mining, kabilang ang Rio Tuba Nickel Corporation (pag-aari ng Nickel Asia Corp), ang Citinickel Mines & Devt. Corp sa Narra at Sofronio Espanola, Ipilan Nickel Corp (Southeast Palawan Nickel Ventures) at Berong Nickel Corp. (DMCI Holdings) at marami pang iba na nag-aabang lamang na maaprubahan ang kanilang mga MPSA at FTAA’s na sumasaklaw ng libu-libong ektarya sa buong probinsya. Lalong magiging madulas ang aplikasyon ng pagmimina sa isla lalo’t batid ng mga kumpanya ng mina na kakampi nila ang gubyernong Duterte, maging ang lokal na gubyerno sa pamumuno ni Alvarez.

Magpapatuloy din ang mga mapaminsalang FMO at RCSPO ng magkasanib na pwersa ng AFP-PNP upang tuldukan ang anumang pagtutol ng mamamayan sa mina at takutin ang sinumang hahadlang sa interes ng mga sakim na magmimina sa Palawan. Malakas ang loob ng mga kumpanya ng mina dahil alam nilang nasa likod nila ang reaksyunaryong gubyerno mula pambansa hanggang antas-lokal at ang AFP-PNP. Kaya naman hindi nagpapatinag ang Lebach Mining Company sa petisyon ng Sangguniang Barangay (SB) at mamamayan ng Brgy. Ipilan, Brooke’s Point na itigil ang operasyon nito kahit hindi pumapayag ang mamamayan sa proyektong ito. Tinakot pa ng kumpanya ang buong SB ng Ipilan na kapag hindi sila tumigil ay tiyak na matutulad sila sa sinapit ni Mayor Feliciano.

Ang mga pangako ng mga kumpanya ng mina na trabaho para sa lokalidad, mga bigay na tulong sa barangay, ayuda sa panahon ng bagyo at iba pa ay pawang mga inasukalang bala at pampalubag loob lamang sa mga mamamayan. Napakaliit nito o mumo lamang kung ihahambing sa gahiganteng tubò na kikitain ng mga minahan at sa laki at lawak na pinsala sa likas na yaman.

Lalong hindi maipagtatanggol ng ipinapangalandakan ng reaksyunaryong gubyerno na Indigenous People’s Rights Act (IPRA) ang lupaing ninuno ng mga katutubong Palaw’an, Tagbanua at Batak dahil lansakan itong sinasagasaan ng mga anti- mamamayan at maka-dayuhang mga batas tulad ng Mining Act.

Magkalahok na pangamba, pag-aalala at pagkasuklam naman ang naramdaman ng mamamayan ng Palawan. Hindi papayag ni mananahimik ang mga Palaweño na lansakang dambungin ang patrimonyang yaman ng ating bansa. Sinalubong ng mga pagkilos at pagprotesta ng mga Palaweño ang naturang mga desisyon at hakbangin ng rehimeng Duterte. Tinuligsa nila ang desisyon na pagsuspinde sa katulad ni Mayor Feliciano na kasama nila sa paglalantad at pagtutol sa pag-iral ng mga mina at pagwasak sa kalikasan. Muli nilang ipinanawagan ang katarungan sa pagpaslang sa mga katulad ni Dr. Gerry Ortega — isang kilalang tagapagtanggol ng kalikasan. Hindi nila hangad na muling makapag-opereyt ang INC at iba pang mina dahil sa pipinsalain nito sa kanilang kabuhayan at kalikasan.

Dapat pakilusan ang malawak na mamamayan na puspusang ipatupad ang mga patakaran ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa pagtatanggol ng karapatan sa lupa ng mamamayan at karapatang pantao laban sa pagwasak sa kapaligiran. Mahigpit na katuwang nila ang hukbong bayan sa pagpapatupad ng mga patakarang ito upang sagkaan ang pagpasok ng mga mapaminsalang dayuhang mina. Gayundin, parurusahan ang pinakamapaminsalang kumpanya sa pagmimina at maging ang kanilang mga protektor na goons, pulis at sundalo.###

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/03/10/tutulan-ang-muling-pagpasok-at-pag-opereyt-ng-mga-mapaminsalang-mina-ipagtanggol-ang-mga-lupang-sakahan-at-lupaing-ninuno-sa-palawan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.