Sunday, September 19, 2021

CPP/NDF-PKM-Ilocos: Rebolusyon Sagot sa Batas Militar at Pasismo

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 19, 2021): Rebolusyon Sagot sa Batas Militar at Pasismo

JULIAN SADIRI
SPOKESPERSON
PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID-ILOCOS
NDF-ILOCOS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

SEPTEMBER 19, 2021

 

Nakapunla sa lupa ang dugo ng mga magbubukid at mamamayan na matapang na nakipaglaban sa diktadurya. Sumusungaw mula sa museleo ng kampo santo ang hinagpis ng daan-daang biktima ng batas militar. Ang kasaysayan ng magiting na pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa diktaduryang Marcos ay hinding-hindi malilimot at ito’y magpapatuloy dahil umiiral pa rin ang pasismo sa kasalukuyang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan, at ang multo nito ay nagkakawangis sa mukha ng tiranikong rehimeng Duterte.

Apatnapu’t siyam na taon na ang nakalipas nang ipataw sa masang anakpawis at mamamayang Pilipino ang diktadurya ng rehimeng Marcos. Hindi mabubura sa aming ala-ala at hindi malilimot ang karahasan nito at pang-aapi sa aming mga magbubukid. Naririyan ang mga pagdukot, pagtortyur, panggagahasa sa aming mga ina at kapatid, pagpatay at pagmasaker. Subalit hindi kami ginapi ng takot at teror. Pinagkaisa kami ng pagnanais na kumawala sa tumitinding pang-aapi at pagsasamantala. Pinagbuklod kami ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid. Itinuro sa amin ang rebolusyonaryong pagkakaisa at sama-samang pagkilos. Ipinaliwanag ang landas ng pakikibaka sa gitna ng malupit na batas militar. Ipinatanaw sa amin ang maningning na bukas kung saan makakamit ang tunay na repormang agraryo. At sa aming pawis, talino at lakas ng pagkakaisa, hinahawaan ang landas ng sosyalismo. Habang kami ay hinalihaw ng marahas at mersenaryong militar ni Marcos, iniluwal mula sa aming hanay ang magigiting na anak ng bayan na sumapi at nag-armas upang maging mga Pulang mandirigma ng New People’s Army. Pinalawak at pinalalim nito ang pagkakaisa ng mamamayan sa kanayunan.

Makalipas ang dalawampu’t isang taon, ibinagsak nang nagkakaisa at nang armadong mamamayan ang diktaduryang Marcos. Subalit hindi dito nagtapos ang magiting na pakikibaka ng mamamayan.

Apatnapu’t siyam na taon simula ng ipataw ang batas militar, libo-libong rebolusyonaryong magsasaka at mamamayan ang iniluwal ng magiting na pakikibaka para sa demokrasya at sosyalismo. Daan-daang nagmartir at nag-alay ng buhay para sa malayang bukas. Patuloy na umaalingawngaw ang putok ng riple ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan upang ibaon ang nagbabagang punglo sa puso ng mababangis na AFP at PNP. Sa gitna ng pandemya at pasismo, ang lansangan ay nagngingitngit pa rin sa mga sigaw ng nakikibakang Pilipino para sa karapatan, katarungang panlipunan at pambansang demokrasya.

Mangamba at matakot ang naghaharing-uri! Limampu’t dalawang taon nang nagpasya ang magsasaka, manggagawa at sambayanan upang hukayin ang libingan ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo sa Pilipinas. Determinado at buo ang loob, pinamunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang makasaysayang pakikibaka ng sambayanag Pilipino.

Bagu-baguhin man ang kasaysayan, supilin man ang naghihirap at nagugutom na sambayanan, hinding-hindi kailanman mawawasak ng sindikatong gang ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict ang makasaysayang pakikibaka ng magsasaka para sa repormang agraryo, ng kapatid naming mga manggagawa na inilalaban ang karapatan at nakabubuhay na sahod, at nang milyun-milyong mamamayan para sa pagbabagong panlipunan.

Hindi nawasak ng dalawampu’t isang taong pasismo at batas militar ni Marcos ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Pangingibabawan nito at higit na susulong sa kabangisan ng reaksyunaryo at tiranikong rehimeng Duterte.

Nauulit ang kasaysayan para doon sa mga hindi natututo sa aral nito. At ang pagbabagong panlipunan ay isisilang mismo mula sa luma at inaagnas na sistemang nagpupumilit manatili. Mananaig at mananaig ang makatarungang pakikibaka at rebolusyonaryong mithiin ng milyong magbubukid at aping mamamayan. #

IBAGSAK ANG PYUDALISMO, BURUKRATA-KAPITALISMO, IMPERYALISMO!

IPAGTAGUMPAY ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!

MABUHAY ANG PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID!

https://cpp.ph/statements/rebolusyon-sagot-sa-batas-militar-at-pasismo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.