Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 16, 2021): Pagbayarin ang 203rd Brigade at PNP MIMAROPA sa mga bagong krimen sa Mindoro
ARMANDO CIENFUEGOSPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
AUGUST 16, 2021
Nagpupuyos sa galit ang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog sa mga pinakabagong atrosidad ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA sa Mindoro.
Dapat itong pagbayaran ng 203rd Brigade at panagutin ang hepe nitong si Col. Jose Augusto Villareal. Nitong Agosto 6, dinakip sa Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro ang isang magsasaka sa ilalim ng pangalang “Ernesto Panganiban” gamit ang gawa-gawang warrant of arrest na inisyu ni Judge Agripino Bravo mula sa RTC Infanta, Quezon. Ipiniit ang biktima sa General Nakar police custodial facility sa Quezon. Ang biktima ay pinalalabas na miyembro ng Southern Tagalog Regional Party Committee upang makubra ang P4.5 milyong pabuya sa katauhan ng inimbentong “Ernesto Panganiban”.
Samantala, pinatay ng mga pasista ang isang lider-katutubo at dinakip ang limang sibilyan. Noong Hulyo 29, bandang alas-2:00 ng hapon, sa Sitio Cawit, Brgy. Gapasan, Magsaysay, Occidental Mindoro, pinatay ng mga elemento ng 203rd Brigade si Baduy dela Cruz, dating sityo lider ng Pugo. Nakasakay sa motorsiklo si dela Cruz at isang kaangkas niya nang harangin sila ng mga lalaking lulan ng tatlong motorsiklo. Pinababa ang kanyang kasama at pinatakbo, habang si dela Cruz ay ipinaiwan matapos kumpirmahin ang pagkatao. Tinadtad ng bala ng M16 ang katawan ng biktima.
Si dela Cruz ay malaon nang minamanmanan ng AFP-PNP. Pilit siyang iniuugnay sa rebolusyonaryong kilusan at idinadawit sa naganap na ambus ng NPA Mindoro sa Sitio Banban, Brgy. Nicolas, Magsaysay noong Mayo 28. Ilang beses siyang pinuntahan ng mga sundalo sa kanyang tahanan at pinipilit na sumuko. Naobserbahan din ng kanyang mga kababaryo na sinusundan siya saanman magpunta.
Dinakip naman ang apat na magsasakang sina Miguel Domingo Manguera, Fe Serna Marinas, Sherlito Casidsid at Allen Delafuente sa Brgy. Tuban, Sablayan, Occidental Mindoro noong Hulyo 7. Sinampahan sila ng mga gawa-gawang kasong rebelyon, illegal possession of firearms and explosives at paglabag sa Anti-Terror Law sa Regional Trial Court (RTC) San Jose. Naganap ang pang-aaresto matapos ang labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro at 76th IBPA sa Sitio Buscad, Brgy. Tuban noong Hulyo 5.
Dahil bigong kamtin ang layuning malipol ang yunit ng NPA sa naturang labanan, muling ibinunton ng mersenaryong hukbo ang kanilang galit sa mamamayan. Bunga ng desperasyon, walang kahihiyang inatake at inaresto ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA ang mga biktima.
Lalo lamang pinatutunayan ng AFP-PNP ang pagiging mga halimaw at mersenaryo. Walang konsensya nilang pinagkakakitaan ang pagdurusa ng mamamayang biktima ng terorismo ng estado. Labis silang kinamumuhian kung kaya’t hindi masisisi kung bakit sumasalig ang malawak na masang Pilipino sa NPA. Makatarungang kapayapaan at panlipunang hustisya ang hatid ng rebolusyonaryong kilusan, samantalang pasismo at terorismo ang hatid ng AFP-PNP sa bayan.
Nag-iibayo ang rebolusyonaryong galit at pakikibaka ng bayan laban sa teroristang AFP-PNP. Tiyak na pananagutin ng rebolusyonaryong kilusan ang berdugong AFP-PNP sa kanilang mga krimen. Upang makamit ito, kailangang pahigpitin ang pagkakaisa ng Pulang hukbo sa malawak na mamamayan at ilunsad ang paparaming mga taktikal na opensiba para parusahan ang pasistang AFP-PNP.###
https://cpp.ph/statements/pagbayarin-ang-203rd-brigade-at-pnp-mimaropa-sa-mga-bagong-krimen-sa-mindoro/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.