Friday, August 27, 2021

CPP/NDF-MAKIBAKA: Pagpupugay kay Ka Ella

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 27, 2021): Pagpupugay kay Ka Ella

MAKABAYANG KILUSAN NG BAGONG KABABAIHAN (MAKIBAKA)
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

AUGUST 27, 2021



Taas-kamaong pinagpupugayan ng mga rebolusyonaryong kababaihan mula sa MAKIBAKA (Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan) si Kerima Lorena “Ka Ella” Tariman, bayani ng rebolusyong Pilipino at martir ng aping sambayanan at ang lahat ng mga rebolusyonaryong nag-alay ng kanilang buhay para sa pagtatagumpay ng matagalang digmang bayan.

Si Kerima, na kilala din bilang Ka Ella ay isang mahusay na kadre mula sa isla ng Negros. Noong Agosto 20, isa siya sa mga napaslang na Pulang Mandirigma sa isang engkwentro sa Hacienda Raymunda sa Negros. Ang kanyang kamatayan ay kasunod lamang ng ginawang mala-tokhang na pagpatay kay Ka Parts Bagani, kapwa Pulang Mandirigma at rebolusyonaryong manggagawa sa sining.

Singbigat ng kabundukan ng Sierra Madre ang aming pagdadalamhati at walang paglagyan ng nagpupuyos na galit lalo nang mapag-alaman ang walang kalaban-laban na pagtatapos ng buhay ni Ka Ella sa kamay ng mga berdugong sundalo mula sa 79th IB AFP. Malinaw ang naganap na ‘war crime’ at paglabag ng reaksyunaryong rehimeng Duterte at ng kanyang mga mersenaryo sa kasunduan hinggil sa karapatang-pantao sa panahon ng digmaan. Hindi lamang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay kundi matingkad ang pagkaduwag ng rehimen sa lumalakas at umiigting na armadong paglaban sa kanayunan.

Sa kabuuan ng termino ni Duterte, mayor at tampok na nilalaman ng mga bastos niyang pahayag ang pangungutya at pagmamaliit sa kababaihan. Labis ang kanyang takot sa mga rebolusyonaryo lalo na sa mga kababaihan na handang magpatalsik sa kanya mula sa kapangyarihan.

Ang mga tulad nila Kerima, Jo, Kamil, at Rjei ay mga buhay na patunay ng mga kababaihang rebolusyonaryo na masikhay at aktibong nag-aambag para sa pagpapabagsak ng mapang-aping estado at pagpapanday tungo sa isang sosyalistang lipunan. Tiyak na ang pagkawala niya at ang marami pang rebolusyonaryo ay mag-aanak muli ng ilang libong Pulang Mandirigma na sisibol at magtutuloy ng kanyang tangan na armas hanggang sa tagumpay!

https://cpp.ph/statements/pagpupugay-kay-ka-ella/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.