Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 16, 2021): Pagpupugay sa mga Bagong Iskolar ng Bayan
ELVIRA DAYAWENSPOKESPERSON
BALANGAY KA ELVIRA
KABATAANG MAKABAYAN – DEMOKRATIKO A TIGNAYAN KADAGITI AGTUTUBO ITI KORDILYERA (KM-DATAKO)
CORDILLERA PEOPLE'S DEMOCRATIC FRONT
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JULY 16, 2021
Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan DATAKO balangay ng Elvira ang mga bagong Iskolar ng Bayan! Ang inyong pagtahak ng landas sa Unibersidad ng Pilipinas ay ang paglaan ng inyong angking tapang at talino upang paglingkuran ang mamamayang Pilipino.
Simula pagkabata, ipinataw na sa mga kabataan ang landas na para sa makasariling interes ng naghaharing uri sa Pilipinas. Kinakailangang tapusin ang pag-aaral at maging bahagi sa lakas-paggawa ng ating bansa. Isang makitid na landas na nagreresulta sa kapaguran at pang-aabuso ng oras, rekurso, at kabuhayan ng mga estudyante at magulang. Ang mga mag-aaral ay pinapapili ng mga kursong ipinagkaloob na naglilingkod, sumusuhay at tumutugon sa isang malakolonyal at malapyudal na ekonomya at pulitika. Itinuturing na mga produkto ang mga estudyante na ikinakalakal sa ibang bansa para paglingkuran ang mga imperyalistang bansa katulad ng US at China.
Ang bagong mga Iskolar ng Bayan ngayong taon ay ang pang-apat mula sa mga nagtapos sa bogus na K-12 program — isang programang isinuka ng mamamayan simula pa lamang ng pagpapanukala nito. Ipinakilala ng Unibersidad ng Pilipinas ang panibagong porma ng admissions sa UP na nagpatunay sa burgis at kontra-mamamayang katangian ng edukasyon sa pamamagitan ng University of the Philippines College Admissions (UPCA), na sa naunang porma pa lamang ng UP College Admissions Test (UPCAT) ay may layuning limitahan ang mga estudyanteng maaaring makapasok sa unibersidad at magkamit ng libre at dekalidad na edukasyon.
Bukod pa rito, ninanakawan tayo ng pagkakataon upang makatuntong sa mga paaralan at makapiling ang bagong lupon ng mga estudyante. Sa kalagitnaan ng pandemya, hindi lamang kalusugan at kabuhayan ang napabayaan ng pabaya, pahirap, at pasistang rehimeng Duterte, pati na rin ang edukasyon. Patuloy na pinatatagal ang pagbubukas ng mga eskwelahan at pag-iinstusyonalisa ng remote learning kaysa paghahanda para sa ligtas na balik-eskwela. Lalo nitong inilantad ang bulok na sistema ng edukasyon sa ilalim ng neoliberal nitong oryentasyon.
Itinututok ng reaksyonaryong estado ang sisi sa mga paaralan upang palabnawin ang dahilan ng giyera-sibil sa ating bansa. Ipinangalandakan ng pamahalaan na ang UP at iba pang mga pamantasan ang dahilan kung bakit may mga kabataan na pinipiling tahakin ang armadong pakikibaka. Patuloy tayong naninindigan na ang dahilan ng matagalang digmang bayan ay ang kahirapan, krisis, at pighating nararanasan ng mga mamamayan sa ating bansa. Ang sektor ng kabataan-estudyante ay mananatiling balon na pinagkukunan ng mga pulang mandirigma hangga’t nananatili ang sistemang mapang-api sa mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan.
Sa kabila ng ganitong krisis, pinatunayan ng kasaysayan na maaring tahakin ng mga kabataan ang kontra-agos na daan laban sa kolonyal, komersyal, at pyudal na katangian ng edukasyon sa bansa. Kabilang sa sektor ng kabataan sina Andres Bonifacio, Lorena Barros, Lean Alejandro, at Amado Guerrero nang kanilang pagpasyahan na makiisa at maglunsad ng rebolusyon upang labanan ang sistemang naghahari sa Pilipinas. Buhay na buhay ang paglaban at rebolusyon sa kasagsagan ng kasaysayan. Hindi pa tapos ang laban ng mamamayan sa pagwasksi sa tanikala ng ating bayan. Makakamit lamang ang tunay na kalayaan at reporma sa edukasyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan.
Hindi maikakakila na maraming mga Iskolar ng Bayan ang nagpasya na tanganan ang landas ng armadong pakikibaka dulot ng lumalalang krisis ng lipunan. Kontra ito sa propaganda ng estado na minamaliit ang personal na kapasyahan at katalinuhan ng mamamayan. Muling patunay na hindi hungkag at inutil ang mamamayan sa kanyang kasalukuyang kalagayan. Maraming haharaping mga palihan at debate ang mga estudyante patungkol sa tunay na depinisyon ng pagiging “Iskolar ng Bayan.” Sa gitna ng tumitinding krisis at pasismo, hinahamon ang bawat Iskolar ng Bayan na maagang ikitil sa isipan na ang pinakamahusay na paraan upang paglingkuran ang sambayanan ay ang pagtungo sa kanayunan at pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Tanging sa militanteng pagkilos lamang ng kabataan niya makakamit ang kanyang tunay na husay!
ISKOLAR NG BAYAN, PAG-ARALAN ANG LIPUNAN! PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN! SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!
https://cpp.ph/statements/pagpupugay-sa-mga-bagong-iskolar-ng-bayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.