Monday, January 4, 2021

Tagalog News: Higit 1.3M, ipinamahagi sa nagbalik-loob na 34 CTGs sa OccMin

From the Philippine Information Agency (Jan 4, 2021): Tagalog News: Higit 1.3M, ipinamahagi sa nagbalik-loob na 34 CTGs sa OccMin (By Voltaire N. Dequina) 


Binanggit din ni Governor Eduardo Gadiano ang Executive Order No. 70 ng Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtatakda ng whole of nation approach, na aniya'y pinag-isa ang lahat ng ahensya upang epektibong tugunan ang mga problema ng mga pamayanang nalilinlang ng mga makakaliwa, at sa gayon ay iwaksi ng mga ito ang suporta sa CTG at ibalik ang tiwala sa pamahalaan. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 4 (PIA) -- Higit sa P1.3 milyon ang ibinigay kamakailan ng gobyerno sa 34 na mga dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) na nagbalik-loob sa pamahalaan, sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Sinabi ni Provincial Director (PD) Juanito Olave Jr, ng Department of the Interior and Local Government (DILG) - Occidental Mindoro na 16 sa mga sumuko ay regular na kasapi ng New People’s Army (NPA) na tumanggap ng tig-P65,000 habang 18 naman ang Militia ng Bayan (MB) at nabigyan ng P15,000 bawat isa.

“Ang tulong-pinansyal na ito mula sa ating pamahalaan ay panimula pa lang,” ayon kay PD Olave.

May mga programa pa ang iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan (LGU) para sa tuloy-tuloy na pagbabagong buhay ng mga former rebel (FR), na pangunahing layon aniya ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC). Saad pa ni Olave, sana'y suriing mabuti ng mga rebelde kung may saysay pa ba ang patuloy nilang pag-aaklas sa gobyerno sa gitna ng sinserong hangarin ng huli na makipagkasundo at makamit ang pangmatagalang kapayapaan.

Binigyang- diin naman ni Lt Col Alexander Arbolado na hindi kailanman natutuwa ang Philippine Army sa tuwing magkakaroon ng engkwentro. Aniya, bagama’t salungat ang paniniwala ng mga CTG, kinikilala ng mga tropa ng pamahalaan na kapwa- Pilipino pa rin ang mga ito at hindi dapat naglalabanan. “Kailan pa ba titigil ang karahasan?”, tanong ni Arbolado sa mga rebelde.

Pakiusap pa ng opisyal, sikapin ng mga sumukong rebelde na mapaunlad ang kanilang kabuhayan upang maging magandang ehemplo sa mga dating kasamahan. Makatitiyak aniya ang mga FR ng patuloy na paggabay ng PTF-ELCAC upang maging maayos ang kanilang buhay at muling maging kapakipakinabang na mga miyembro ng lipunan.

Samantala, sinang-ayunan ni Governor Eduardo Gadiano ang mga pahayag nina Olave at Arbolado. Sa kanyang mensahe sa maikling seremonya ng distribusyon ng E-CLIP assistance sa PGO Sub-Office sa San Jose, pahapyaw na ibinahagi ng Punong-lalawigan ang kanyang naaalala nang nagsimula ang pag-aaklas ng New People's Army, bilang armadong grupo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), sa panahon ng diktaduryang rehimen noon. Subalit ayon sa Gobernador, tapos na ang naturang yugto sa ating kasaysayan.

“Napakarami nang lupain ang sumailalim sa land reform; ang mga lupaing ninuno ay titulado na at ipinamahagi sa mga katutubo; may libreng pa-ospital, libreng binhi at kagamitan sa pagsasaka, hindi ba’t magaganda ang mga programa ng ating gobyerno?” patanong na paliwanag ng Punong Lalawigan. Aniya, ang mga serbisyong ito ay dinadala mismo ng PTF-ELCAC sa mga liblib na pamayanan ng mga katutubo upang maipadama na sila ay bahagi ng lipunan na kinakalinga ng pamahalaan.

Binanggit din ni Gadiano ang Executive Order No. 70 ng Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtatakda ng whole of nation approach, na aniya'y pinag-isa ang lahat ng ahensya upang epektibong tugunan ang mga problema ng mga pamayanang nalilinlang ng mga makakaliwa, at sa gayon ay iwaksi ng mga ito ang suporta sa CTG at ibalik ang tiwala sa pamahalaan.

Pakiusap ng Gobernador sa mga nagbalik-loob, hikayatin ang mga dating kasamahan na makipag-usap na rin sa gobyerno upang maipaliwanag ang programang laan sa mga ito. Handa aniya ang kanyang administrasyon na pangunahan ang isang local peace talk upang dinggin ang hinaing ng mga nag-aaklas at maipaliwanag naman ng pamahalaan ang mga programang naghihintay sa kanila. Panawagan din ni Gadiano, nagpalit nang muli ang taon, tuloy ang alok na kapayaan ng pamahalaan, panahon nang isalaang- alang ng mga NPA ang kani-kanilang pamilya at makapiling nang muli ang mga ito. (VND/PIA MIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1062919

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.