Posted to Kalinaw News (Jan 27, 2021): NPA na may mataas na katungkulan, patay matapos manlaban sa mga otoridad
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Patay ang isang miyembro ng teroristang New People’s Army (NPA) matapos manlaban sa tropa ng kapulisan at ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army na magsisilbi lamang ng warrant of arrest sa Barangay Palacian, San Agustin, Isabela nang ika-26 ng Enero taong kasalukuyan.
Una rito, nagtungo ang kasundaluhan kasama ang mga miyembro ng San Agustin Police Station sa sinasabing hideout ni Renato Busania alyas Andong, Staff Member, Head Training, Regional Operations Command, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ng NPA, sa Barangay Palacian, San Agustin upang isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya. Nahaharap sa kasong Double Murder si alyas Andong na itinuturong pumatay kina Joseph Daulayan ng Barangay Tucod at Dominado Binnang ng Barangay Debibi, Cabarroguis Quirino noong buwan ng Hulyo taong 2000.
Nasa proseso na ng pag aresto ang mga otoridad nang biglang maglabas ng baril si alyas Andong at pinaputukan ang mga nagsilbi ng kanyang warrant of arrest. Dahil dito, nagkaroon ng palitan ng putok ng baril na nagresulta sa pagkakasawi ng suspek. Agad naman siyang dinala sa Prospero Bello Hospital sa Jones, Isabela ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umasikasong doktor.
Narekober sa tabi ng bangkay ni alyas Andong ang cal. 45 na baril na kanyang ginamit sa pamamaril, mga basyo ng bala, isang granada at sling bag na naglalaman ng magazine na kargado ng mga bala.
Samantala, sinabi ngayon ni MGen Laurence E Mina (PA), Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na hindi na matataguan pa ng mga rebeldeng NPA ang batas. Aniya, ginagawa na lahat ng tropa ng pamahalaan ang pagtugis sa mga natitira pang miyembro ng rebeldeng grupo upang mapanagot sa kanilang mga ginawang krimen at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga naging biktima.
“Sa mga natitira pang mga miyembro ng CPP-NPA, wala na kayong matatakbuhan pa. Kasama ang mga mamamayan, sinusuyod na ng kasundaluhan at kapulisan ang lahat ng mga lugar na inyong pinagtataguan. Hindi namin kayo hahayaang makaligtas sa inyong pananagutan sa batas.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/npa-na-may-mataas-na-katungkulan-patay-matapos-manlaban-sa-mga-otoridad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.