Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 4, 2020): Paglilinaw Hingil sa Pagpaslang Kay Atty. Eric Jay Magcamit at Engr. Gregorio Baluyot
NPA-PALAWANBIENVENIDO VALLEVER COMMAND
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
DECEMBER 04, 2020
Nais ipaabot ng Bienvenido Vallever Command – New People’s Army sa Palawan sa masang Palaweno ang paglilinaw sa balitang lumabas sa social media at radio kaugnay sa dalawang magkahiwalay na pagpatay kay Atty. Eric Jay Magcamit at kay Engr. Gregorio Baluyot. Ipinagbibigay alam namin sa madlang Palaweño laluna sa pamilya at mga kaibigan ng mga biktima na wala ni anumang pahayag ang BVC at ang sinumang malisyosong nagsasangkot sa NPA sa pagpaslang sa dalawa ay walang ibang layunin kundi sirain ang imahen ng BVC. Peke at walang katotohanan ang nasabing pahayag. Tiyak na pakana ng PTF-ELCAC at mga galamay ng AFP at PNP ang pagpapakalat ng peke at malisyosong pagbabalitang ito.
Kasabay ng aming paglilinaw ay nais din naming ipaabot sa pamilya at mga kaibigan ni Atty. Eric Jay Magcamit na wala itong anumang kasong nakasampa sa Hukumang Bayan at walang dahilan ang NPA-Palawan para hatulan ng kamatayan. Katunayan siya ay isang abogadong nagtatanggol sa interes ng masang magsasaka at ng kanilang karapatan sa lupa. Gagawa ang BVC ng sariling imbestigasyon upang magkaroon ng hustisya si Atty. Magcamit.. Ngayon mas interesado kaming malaman ang tunay na salarin sa likod ng kanyang pagkakapaslang.
Gayundin, tahasan naming pinasusubalian ang paratang na may kinalaman ang NPA sa pagpatay kay Engr. Gregorio Baluyot, ang dating Municipal Planning and Development Officer ng bayan ng Rizal. Tulad ni Atty. Magcamit, walang pormal na naisampang kaso o reklamo sa kanya sa Hukumang Bayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Walang kautusan ang korte ng rebolusyonaryong kilusan para siya’y hatulan ng kamatayan ng New People’s Army. Hindi ang NPA ang nagsagawa ng pagpatay kay Engr. Baluyot. Ginagamit ng PTF-ELCAC ang mga krimen na ito upang sirain ang NPA sa mata ng mamamayan at mga kapamilya ng mga biktima. Malinaw rin ang pagtatakip ni P/Col. Nicolas Torre sa mga tunay na salarin sa automatikong pagpaparatang nito sa NPA kahit wala pa silang hawak na ebidensya at sa mismong pahayag niya ay mangangalap pa nga lamang sila ng ebidensya na magpapatunay sa kanilang alegasyon.
Tahasang kinokondena ng BVC ang sunod-sunod na pamamaslang sa lalawigan. Pagpapakita ito ng inutil na pagharap ng pamahalaang panlalawigan sa peace and order ng Palawan. Kung sabagay, ano ang aasahan ng mamamayan kung ang mga nasasangkot na pangalan sa pangyayari ay mga miyembro ng PNP at opisyal ng gubyerno.
Katawa-tawa naman ang pagngangakngak ni Winston Garcia, ang PIO at mismong tagapagsalita ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict na kahit hindi ito tiyak na totoo ang inilabas na pekeng pahayag, aniya ay propaganda lamang ng NPA ito. Animo’y asong hinihimod ang dumi upang malinis ang mga ebidensyang nagtuturo sa mga tunay na salarin at kumakahol para iabswelto ang pangalan ng amo niyang si Alvarez.
Milyong piso ang inuubos ng gubyerno para sa pagpapasuko, para sa E-CLIP at bounty hunting para sa sinsabing mga lider ng NPA. Araw-araw may mga media ads para sa programang inilalako para diumano tigilan ang pagsuporta at pagsapi sa NPA. Ito ang katunayan na may malaking kabiguan ang reaksyunaryong gubyernong Duterte-Alvarez na resolbahin ang kahirapan at inhustisya na siyang ugat ng armadong tunggalian. Ang mga ito mismo ang dahilan ng tuloy-tuloy na pagsuporta at pagkapit ng mamamayang Palaweño sa rebolusyon at armadong pakikibaka.
Digmang Bayan, Sagot sa Kahirapan!
Sumapi sa New People’s Army !
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Rebolusyon!
https://cpp.ph/statements/paglilinaw-hingil-sa-pagpaslang-kay-atty-eric-jay-magcamit-at-engr-gregorio-baluyot/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.