Thursday, October 22, 2020

Tagalog News: 25 sumukong NPA, tumanggap ng tulong pinansyal

From the Philippine Information Agency (Oct 22, 2020): Tagalog News: 25 sumukong NPA, tumanggap ng tulong pinansyal (By Leila B. Dagot)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt. 21 (PIA) –- Nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaang panlalawigan ng Palawan ang 25 kaanib ng grupong New People’s Army (NPA) na nagbalik-loob sa pamahalaan.

Ito ay sa pamamagitan ng ginanap na seremonya kamakailan sa Victoriano J. Rodriguez Hall sa kapitolyo, kung saan humarap ang nasabing mga indibiduwal.

Ipinagkaloob sa mga ito ang halagang P25,000 kada indibiduwal sa ilalim ng Local Social Integration Program (LSIP) para sa mga dating rebelde.

Ayon kay Abegail Ablaña, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), nasa 31 ang aktuwal na bilang ng mga sumuko na inaasahang makatatanggap ng nasabing halaga, subalit hindi nakarating ang mga iba pa dahil sa masamang panahon.

Binigyag-diin naman ni Vice Gobernador Victorino Dennis Socrates sa kaniyang pananalita na nararapat lamang na matuldukan na ang armadong pakikibaka katulad ng isinusulong ng pamahalaang nasyunal upang mahinto na ang labanan ng mag-kapwa Pilipino.

Samantala, tiniyak naman ni Lt. General Erickon Gloria, commander ng Western Command (WesCom) na sumailalim sa masusing pagsisiyasat ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga rebeldeng nagbalik-loob bago irekomenda sa pamahalaang panlalawigan upang maaaring pagkalooban ng tulong pinansiyal.

Aniya, magpapatuloy ang kanilang hanay sa kampanya kontra armadong pakikibaka alinsunod sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa makamit ng lalawigan ang pagiging ligtas sa insurhensya.(LBD/PIAMIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1056719

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.