Wednesday, August 19, 2020

Tagalog News: Tatlong dating rebelde sa OccMin, tumanggap ng ECLIP Assistance

From the Philippine Information Agency (Aug 19, 2020): Tagalog News: Tatlong dating rebelde sa OccMin, tumanggap ng ECLIP Assistance (By Voltaire N. Dequina)



Isa sa mga nagbalik-loob ay tumanggap ng P105,000 na binubuo ng P15,000 immediate assistance, P50,000 livelihood assistance, at P40,000 firearm renumeration para sa isinuko nitong armas. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 19 (PIA) -- Kabuuang P295,000 halaga ng assistance package ang ipinagkaloob kamakailan ng pamahalaang nasyonal sa tatlong Former Rebels (FR) sa lalawigan, sa ilalim ng programang Enhanced -Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Ayon kay Jacob Cruz, itinalagang focal person sa FR ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), isa sa mga nagbalik-loob ay tumanggap ng P105,000 na binubuo ng P15,000 immediate assistance, P50,000 livelihood assistance, at P40,000 firearm renumeration para sa isinuko nitong armas.

“Ang halagang nakalaan para sa isinukong baril ay depende sa klase ng armas. Mas mataas na kalibre ay nangangahulugan ng mas mataas na halaga,” saad ni Cruz.

Ang isa pang FR, ani Cruz, ay tumanggap naman ng P65,000 habang ang huli ay P60,000 bilang bayad sa isinukong armas. Paglilinaw ni Cruz, una nang iginawad sa nasabing huling FR ang halagang P65,000 na immediate at livelihood assistance sa hiwalay na pagkakataon. Binigyang-diin ng FR focal person na napakalaking tulong ang ipinagkaloob na ayuda upang magamit sa kanilang tuluyang pagbabagong-buhay.

Sa seremonya ng pagkakaloob ng E-CLIP assistance ay sinabi ni Governor Ed Gadiano na mananatiling bukas ang kanyang administrasyon sa pagbabalik-loob sa pamahalaan ng mga kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG). Katunayan, aniya, bukod sa tulong mula E-CLIP ay may ayuda ring ilalaan ang pamahalaang lokal. Paliwanag pa ng 'Ama ng Lalawigan', isang magandang patunay sa sinserong hangarin ng gobyerno na matapos ang insurhensya ay ang pinaigting na paghahatid ng iba't ibang proyekto sa mga liblib na lugar, sa pamamagitan ng whole-of-nation approach.

Samantala, isiniwalat ng 4th Infantry Battalion (4th IB) na base sa kanilang masusing imbestigasyon sa mga sumukong FR, lumitaw na nagsisisi ang mga ito sa pagsanib sa CTG. Nagbunga ito anila ng pagkasira ng kanilang buhay at ng kanilang pamilya. Kaya naman naniniwala si LTC Alexander Arbolado,4th IB Commander, na marami pang kasamahan ang tatlong FR na magbabalik-loob na rin sa pamahalaan.

Ang ECLIP ay programang naghahatid ng tulong sa mga kasapi ng CTG, na nagbalik-loob sa pamahalaan, upang magkaroon ng kasanayan at puhunang gagamitin sa pagbabagong buhay.

Isinagawa ang paggagawad ng tulong sa bagong PGO Sub-Office Building sa Brgy. Magbay, San Jose, na pinangunahan ni Gob Gadiano at sinaksihan ng mga kasapi ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) kasama sina Col. Jose Augusto V. Villareal, 203rd Infantry Brigade Commander, LTC Arbolado, LTC Bienvenido Hindang, 76th IB Commandeer, Captain Ronnie Sarmiento, CMO 203rd Brigade, Philippine National Police Provincial Director Joseph Bayan at Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Juanito Olave. (Voltaire Dequina/PIA-MIMAROPA)

Featured Image

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.