Saturday, August 22, 2020

CPP/NDF-Southern Tagalog: Kundenahin ang di-makatao, barbaro at makahayop na pagtrato ng 202nd IBde at PNP Region IV-a sa mga labi nina Mario “Ka Jethro” Caraig, Dioscorro “Ka Termo” Cello, Alex “Ka Omar” Perdeguerra at Rey “Ka Danny” Macinas

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 20, 2020): Kundenahin ang di-makatao, barbaro at makahayop na pagtrato ng 202nd IBde at PNP Region IV-a sa mga labi nina Mario “Ka Jethro” Caraig, Dioscorro “Ka Termo” Cello, Alex “Ka Omar” Perdeguerra at Rey “Ka Danny” Macinas

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
AUGUST 20, 2020




Mariing kinokondena ng NDFP-ST ang di-makatao, barbaro at makahayop na pagtrato ng mga pasistang tropa ng rehimeng Duterte sa mga labi nina Ka Jethro, Ka Termo, Ka Omar at Ka Danny. Sina Ka Termo, Ka Omar at Ka Danny ay napaslang nang pinagsanib na tropa ng 1st Infantry Batallion-Philippine Army (1stIB-PA) at Regional Mobile Force Batallion 4A ng PNP-Region 4A nuong madaling araw ng Agosto 4, 2020 sa Sityo Balatkahoy, Brgy San Antonio, Kalayaan, Laguna. Si Ka Jethro, na maituturing na isang hors de combat dahil sa tinamo niyang grabeng sugat sa kaliwang braso sa naging labanan nuong Agosto 4 ay walang awang pinaslang naman ng mga pasistang tropa nuong madaling araw ng Agosto 8, 2020 habang natutulog at naghihintay na malunasan.

Katakot-takot na pahirap muna ang dinaanan ng pamilya ni Ka Jethro sa kamay ng 1st Infantry Batallion-Philippine Army (1st IBPA) at Philipine National Police-Laguna bago nila naiuwi ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay upang ipagluksa, masilayan ang kanyang labi at maihatid ng mga kamag-anak, kaibigan at mga taong labis na nagmamahal sa kasama sa huling hantungan bilang bayani. Pinagpasa-pasahan at kung anu-ano pang papeles ang hinihingi ng PNP-Laguna at 1st IBPA sa pamilya ni Ka Jethro para lamang ibigay nila ang mga labi ni Ka Jethro sa pamilya.

Hindi na bago ang ganitong talamak na gawi, di makatao at mersenaryong kultura ng mga pasistang tropa ni Duterte sa pagbibinbin sa mga labi ng mga napapaslang nilang kasapi ng NPA. Ganito ang ginawa nila kay Kasamang Ermin “Ka Romano” Bellen na brutal na pinaslang ng mga pasistang tropa sa Antipolo Rizal nuong Disyembre 5, 2019. Mas nauna pa rito ang nangyari sa 3 kasamang napaslang sa Mindoro Oriental nuong Hunyo 2019. Dumanas muna ng matinding hirap ang pamilya sa pagkuha ng iba’t ibang dokumento bago nila nakuha ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay na pilit at iligal na binibinbin ng tropa ng 203rd Bde sa isla ng Mindoro. Salamat sa mga pagkilos na isinagawa ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang pantao na nagsilbing presyur at nagtulak sa pasistang tropa, naibigay sa kaukulang pamilya ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.

Subalit ang mas karumal-dumal, makahayop at gawain lamang ng mga taong walang konsensya ay ang ginawang pagnanakaw at pagkakait sa pamilya ng mga pasistang tropa sa mga labi nina Ka Termo, Ka Omar at Ka Danny. Ninakaw sa puneraryang unang pinagdalhan sa tatlo at dinala ng mga pasistang tropa ni Duterte ang mga labi ng tatlong (3) kasama sa hindi pa matukoy na magkakahiwalay na lugar at basta na lamang inilibing nang hindi nabibigyan ng karampatang pagluluksa at disenteng libing ng mga kapamilya’t kaanak. Kung saan-saang lugar itinuturo ng mga pasistang tropa ang di umanong kinaroroonan ng mga labi ng tatlong kasama pero patuloy silang nabigo na matunton ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.

Una na nilang naihanda ang sangkaterbang dokumento na hinihingi sa kanila sa pag-aakalang maiuuwi na nila ang mga labi ng tatlong kasama. Ngunit sadyang walang kasing lupit at walang anumang bahid ng pagiging makatao ang mga pasista at mersenaryong tropa ni Duterte.

Ang pagbinbin at pagkakait ng pasistang tropa ng AFP at PNP sa pamilya’t kaanak ng mga labi ng mga namatay sa panig ng isang pwersang nagkikidigma (belligerent force) tulad ng NPA ay katumbas ng paghatol ng kolektibong kaparusahan sa mga kapamilya at kaanak ng mga biktima na hindi kasangkot sa armadong tunggalian.

Ito’y isang lansakang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) at sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights ang International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan sa pagitan ng NDFP at GRP bilang una sa apat (4) na pinagkasunduang substantibong agenda sa usapang pangkapayapaan ng dalawang pwersang nagdirigmaan. Sa naturang pangyayari, patuloy na humahaba ang listahan ng mga paglabag ng rehimeng US-Duterte sa IHL at CARHRIHL.

Isang mahabang tradisyon nang pinaiiral ng mga pwersang nagdirigmaan ang pagsauli o pagbibigay ng pagkakataon na makuha ang bangkay ng mga namatay sa labanan sa magkabilang panig bilang isang aktong makatao. Maraming mga kaso na nagdideklara ng pansamantalang pagtigil ng labanan ang magkakarap na magkakalabang pwersa upang kunin ang kanilang mga patay sa larangan sapul pa sa pag-iral ng lipunang alipin. Higit na pinatibay ang mga garantiya at proteksyong ito sa modernong panahon ng pag-iral ng mga digmaan na nilalaman ng kasunduan sa Geneva Conventions ng 1949 at 1977.

Sa patuloy at determinadong paghahanap ng pamilya at mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang pantao, nasunson nila ang pinaglibingan nina Ka Omar at Ka Danny sa isang sementeryo sa Antipolo, Rizal. Unang nasunson ang nakalibing na bangkay ni Rey Masinas o Ka Danny nuong Agosto 13, 2020, sa isang sementeryo sa Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal makaraan ang 9 na araw ng paghahanap. Nakuha ang bangkay ni Ka Danny na nababalutan lamang ng kumot at plastic ni dinamitan lamang at isinilid sa isang kahon.

Inilibing ng PNP si Ka Danny nang walang anumang paggalang at pagbibigay dignidad sa kanyang mga labi. Sinadyang ilibing siya sa sementeryong 60 kilometro ang layo mula sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna para itago ang kanyang mga labi sa pamilya at pagkaitan siya ng disenteng burol at libing.

Agosto 15, 2020 nang matagpuan naman ang pinaglibingan kay Alex “Ka Omar” Perdeguerra sa pareho ding sementeryo sa Barangay San Jose, Antipolo City. Ngayon pa lamang (Agosto 20) pinoproseso ang pagkuha sa mga labi. Tulad ni Ka Danny, sinalaulala ang kanyang bangkay at basta minarkahan ng “Ka Omar” ang kanyang pinaglibingan. Bagay na nagpapahiwatig sa makahayop at di makataong paraan ng paglilibing ng PNP kina Ka Alex Perdeguerra at Ka Rey Macinas.

Hanggang sa kasalukuyan, ayon sa nakakalap naming mga balita, patuloy pa ang paghahanap ng pamilya at mga grupo sa karapatang pantao sa mga labi ni Kasamang Dioscorro “Ka Termo” Cello. Natunton ito sa sementeryo ng Tuy, Batangas ngunit katulad ng ginawang pagsalaula sa mga labi nina Ka Omar at Ka Danny, inilibing siya sa isang walang markang libingan ng mga walang budhing PNP. Hindi pa nasiyahan sa kanilang kahayupan, labis na pinahihirapan ang anak na makuha ang labi ng kanyang ama at mabigyan ng isang disente, marangal na burol at libing na karapat-dapat sa isang martir at bayani ng sambayanang Pilipino.

Dapat lamang mariing kondenahin ng malawak na mamamayan ang barbaro, makahayop at di makataong pagtrato ng pasistang rehimeng US-Duterte sa mga labi nina Ka Termo, Ka Omar at Ka Danny. Gawain ito ng mga taong wala nang natitira pang budhi sa katauhan ng PNP at AFP na dapat patuloy na nilalantad, kinokondena at nilalabanan.

Sa kabilang banda, papapanagutin ng rebolusyonaryong kilusan ang sinumang may kinalaman sa pagpatay kina Ka Termo, Ka Omar, Ka Danny at sa brutal na pagpatay kay Ka Jethro na isang hors de combat. Sisingilin din ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng may kinalaman sa makahayop at di makataong pagtrato sa mga labi nina Ka Termo, Ka Omar at Ka Danny gayundin ang labis na pagpapahirap sa mga kapamilya ng mga pinaslang.

Ang kalupitan at di-makataong pagtrato ng AFP at PNP sa mga napaslang na mga NPA sa mga labanan at ang pagkakait ng labi sa mga kapamilya’t kaanak para maipagluksa at mabigyan ng disenteng libing ang kanilang mahal sa buhay ang pinakamataas na kahayupan na maaaring gawin para lapastanganin ang alaala ng mga namatay at parusahan ang mga pamilya’t kaanak. Ito ang tunay na imahen ng isang mersenaryo at walang-pusong militar at pulisya na higit pang binulok ng kriminal, mamamatay-tao at taksil na rehimeng Duterte.

Umaalingawngaw ang malakas na panawagan ng mamamayan sa rehiyon para sa KATARUNGAN sa kanilang mga bagong bayani at martir ng rebolusyon. ###

https://cpp.ph/statements/kundenahin-ang-di-makatao-barbaro-at-makahayop-na-pagtrato-ng-202nd-ibde-at-pnp-region-iv-a-sa-mga-labi-nina-mario-ka-jethro-caraig-dioscorro-ka-termo-cello-alex-ka-omar-perdeguerra-at/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.