Monday, July 27, 2020

CPP/NPA-Bicol: Hadlangan at labanan ang Charter Change! Singilin, papanagutin at pabagsakin ang rehimeng US-Duterte!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 27, 2020): Hadlangan at labanan ang Charter Change! Singilin, papanagutin at pabagsakin ang rehimeng US-Duterte!

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JULY 27, 2020



Hadlangan at labanan ang Charter Change! Singilin, papanagutin at pabagsakin ang rehimeng US-Duterte!

Walang paglagyan ang pag-aapura ni Duterte na lubusin ang lahat ng plano niya para sa kanyang mga alipures, burukrata at imperyalistang amo sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino. Nasa tagudtod nito ang pinakaaasam nilang Charter Change (Cha-Cha). Ngunit, ipantabing man ni Duterte ang pandemya ng Covid-19 para sa Cha-Cha, lumang tugtugin na ito para sa mapanuring mamamayang Pilipino. Wala ni anumang rehimen ang nagkasya sa mga probisyon ng Konstitutisyong 1987 para sa pagpapanatili at pagtatanggol ng soberanya ng Pilipinas at mamamayang Pilipino at paglilimita ng kapangyarihan ng naghaharing-uri.

Buu-buong ibinubukas ng Cha-Cha ang ekonomya sa dayuhang panghihimasok. Kinokonsolida nito ang supermayorya ni Duterte sa Kongreso sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kanilang termino at pagpapatibay ng kanilang pampulitikang interes lampas pa sa 2022. Tahasan nitong inaalis ang soberanong karapatan ng mamamayang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at tinuturing lamang silang mga bulag na tagasunod ng pasistang estado. Pinakikitid nito ang dati nang linilimitahang partisipasyon ng mga batayang sektor sa gubyerno. Inaabswelto nito ang estado mula sa mga tungkuling maipatupad ang tunay na reporma sa lupa, magbigay ng libre at abot-kayang serbisyong panlipunan at kilalanin ang karapatan ng mamamayan.

Para sa Bikolanong anakpawis, nangangahulugan ang Cha-Cha ng ngumangatngat na kalam ng sikmura at pag-aalmusal ng pangamba para sa kanilang kaligtasan. Babawiin nito mula sa mamamayan ang kakarampot pa lamang na burges-demokratikong karapatang ibinunga ng kanilang walang maliw na pagbangon. Wala pa mang Cha-Cha, ito na ang kanilang hinarap. Puspusang itinutulak ng rehimeng US-Duterte ang malawakang pangangamkam ng lupain ng masang anakpawis– gaya ng nangyari sa paliparan sa Albay, pagpapalawak ng mga kalsada sa Sorsogon, pagpasok ng mga dambulahang minahan sa Camarines Sur at Camarines Norte at malalaking proyektong panturismo sa Masbate.

Sa labas ng mga de-aircon at marmol na upisina ng mga burukratang papet, dumadagundong ang panawagan ng mamamayan kapwa sa mga lansangan at pusod ng kanayunan: Ibagsak ang rehimeng US-Duterte! Hamon para sa rebolusyonaryong kilusang masinsin at puspusang organisahin ang lahat ng mamamayang handang lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Patingkarin ang demokratikong rebolusyong bayan bilang natatanging solusyon laban sa lupit ng kahirapan at pang-aapo. Lagi’t lagi, sa kabila ng masalimuot na landas ng pakikibaka, kaisa ng lahat ng patriyotiko at mamamayan ang NDF-Bikol at mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim nito sa lahat ng laban para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya.

https://cpp.ph/statement/hadlangan-at-labanan-ang-charter-change-singilin-papanagutin-at-pabagsakin-ang-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.