Sunday, April 12, 2020

CPP/NDF-ST: Tulad ni Ponzio Pilato, hugas-kamay si Duterte sa kriminal na kapabayaan at pananagutan sa pagkalat ng Covid-19 sa Pilipinas–NDF-ST

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 11 , 2020): Tulad ni Ponzio Pilato, hugas-kamay si Duterte sa kriminal na kapabayaan at pananagutan sa pagkalat ng Covid-19 sa Pilipinas–NDF-ST

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
APRIL 11, 2020

Sa harap ng malakas na suporta sa kampanya sa social media para patalsikin si Duterte, nagkukumahog ang mga Dutertards na sistematiko at orkestradong pabanguhin si Duterte sa publiko at iiwas siya sa anumang mabigat na pananagutan at pagkakasala sa kriminal niyang kapabayaan sa naging mabilis na pagkalat ng sakit ng Covid-19 sa bansa. Umaabot na sa 4,428 ang nagkasakit ng Covid-19 sa Pilipinas at 247 dito ang namatay kabilang ang 21 doktor na nasa frontline ng paglaban sa epidemya.

Sa halip na epektibong makontrol ng militaristang lockdown at sapilitang community quarantine ang pagkalat ng Covid-19 ay ibayo lamang bumilis ang paglawak ng impeksyon dahil sa kawalan ng matinong solusyong medikal at nakalatag na episyenteng sistema para lutasin ang krisis sa pampublikong kalusugan at sawatain ang paglawak ng impeksyon ng pandemya.

Kaliwa’t kanang abala ang mga propagandista at alipures ng Malacañang sa paglalabas at paglalathala ng mga pahayag para ipagtanggol at purihin ang usad-kuhol, inutil at pabaya nilang among si Duterte. Kabi-kabila ang mga pahayag nila sa publiko na nagtatakip at pinabubulaanan ang mga kapalpakan ng rehimeng Duterte sa pagharap sa nakamamatay na Covid-19. Sukdulan ang paglulubid nila ng kasinungalingan para baluktutin at manipulahin ang mga tunay na datos upang ibangon ang bagsak at lugsong imahen ni Duterte sa taumbayan.

Dapat na mariing kondenahin ng taumbayan ang pinakamasahol na pagtatangka ng mga kaalyado at alipures ni Duterte na gumawa ng mga maniobra upang mailayo ang sisi at maiiwas sa anumang pananagutan si Duterte sa ibayong paglubha ng krisis sa pampublikong kalusugan at pinsala sa kabuhayan ng pandemyang Covid-19 sa sambayanang Pilipino. Isa-isahin natin ang mga kasinungalingang inilalako ni Duterte at ng kanyang mga tagapagtanggol:

Sapat ang pondo ng gubyerno para tustusan ang kampanya laban sa Covid-19. Ito ang ipinagyayabang ni Duterte sa harap ng publiko. “Huwag kayong matakot, maraming kwarta ako,” pagyayabang niya. Pagkaraang mabilisang ipasa ng sunod-sunurang Senado at mababang kapulungan ng Kongreso ang Bayanihan to Heal as One Act (BaHO-A) para bigyan ng emergency power si Duterte na galawin ang badyet ng gubyerno para sa taong 2019 at 2020 at makalikom ng Php 275-bilyon, nananatiling mabagal pa sa usad ng kuhol ang paghahatid ng serbisyo at subsidyo sa 18 milyong pamilyang Pilipino na nagugutom at nawalan ng hanapbuhay dahil sa militarista at anti-mamamayang lockdown at enhanced community quarantine na sapilitang ipinataw sa Metro Manila at buong Luzon.

Subalit hindi na mapagtakpan pa ng anumang pagsisinungaling at papuri kay Duterte ang hirap na dinaranas ng taumbayan dahil sa pinatutupad na kamay-na-bakal na lockdown. Kulang na kulang ang pondong inilalaan ng gubyerno bilang ayuda sa mga apektado ng lockdown sa buong Luzon.

Ayon sa Ibon Foundation, sangkatlo lamang sa 18 milyong benepisyaryo ang nahatiran ng halagang Php 26.3 bilyong tulong ng pambansang gubyerno mula sa Php 250 bilyong pondong nakalaan para sa kanila. Ang DSWD ay nakapagbigay lamang ng 190,217 food packs at cash transfer sa 3.7 milyon benipisyaryo ng 4P’s at 1.2 milyong benipisyaryo sa ilalim ng conditional cash transfer.

Samantala, ayon din sa Ibon Foundation, nasa 0.8% ng 10.7 milyong manggagawa mula sa pormal na sektor ang nabigyan pa lamang ng tulong ng DOLE sa pamamagitan ng Covid-19 Adjustment Measures (CAMP) habang nasa 1% naman ng 5.2 milyong non agricultural informal earners ang natulungan ng DOLE sa pamamagitan ng work for pay scheme. Nahiling pa ang DOLE ng karagdagang Php 5 bilyong pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang naapektuhan ng lockdown sa Luzon.

Kaya naman, makaraan ng ilang araw lamang, nagbago na agad ng tono si Duterte. Aniya, “Walang pera ang gubyerno at ang Php 275 bilyon pondo para sa paglaban sa Covid-19 ay hahanapin at kokolektahin pa. Naghambog pa na isusubasta nya ang mga ari-arian ng estado at mga pampublikong yutilidad para makalikom ng sapat na pondo ang kanyang gubyerno para tulungan ang mga mahihirap.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa na nagpatupad sa buong mundo ng lockdown at travel ban sa China. Ito ang malaking kasinungalingan, lantarang panlilinlang at malinaw na pagbubuhat ng sariling bangko ni Duterte sa kanyang pahayag sa publiko noong madaling araw ng Abril 9, 2020. Aniya, “dahil sa maagap na pagpapatupad ng lockdown kaya mas maliit ang mga nahawahan at nagkasakit ng Covid-19 sa Pilipinas.”

Ang katotohanan, ayon sa pahayagang Deutshe Welle, nagpatupad ang Italy ng lockdown noong March 9 at sinundan ito ng Spain ng tinatawag nilang “general confinement order” noong March 14. Ang France naman ay nagpahayag ng “strict nationwide lockdown” noong March 17. Ang Belgium ay March 18. Pinatupad naman sa Pilipinas ang lockdown, una sa NCR noong Marso 15 at sa buong Luzon noong Marso 17. Samantala, ang probinsya ng Hubei sa China ay isinailalim sa total lockdown noong January 23, 2020.

Sukdulan ang kapal ng mukha ni Secretary Salvador Panelo na tahasang baluktutin ang tunay na pangyayari para lamang gawing bida sa mata ng publiko si Duterte bilang kauna-unahang lider sa mundo na maagap na nagpatupad ng total ban sa pagpasok ng mga dayuhang Chinese mula sa syudad ng Wuhan, probinsya ng Hubei sa China. Sa katunayan, habang ang ibang mga bansa ay nagpatupad na ng pagsasara ng kanilang hangganan at travel ban sa China, pinahintulutan ng rehimen ang pagpasok ng 500,000 turista mula mainland China kung saan ang 14,000 ay nagmula sa Wuhan.

Sinabi pa ni Panelo na kung hindi naging maagap na nagpatupad ng travel ban si Duterte ay marami pa sanang nakapasok sa bansa na Chinese na may dalang coronavirus. Agad naman itong sinang-ayunan ni Heneral Carlito Galvez ang chief implementor ng National Action Plan on Covid-19.

Pero ayon sa lathala ng mga pahayagan, ang Republic of Marshall Islands ang unang nagpatupad ng total travel ban mula China noong Enero 24, 2020. Sumunod ang North Korea noong Enero 25, ang Hongkong noong Enero 27 at Singapore noong Enero 29. Ang Afghanistan, Bahamas, Trinidad at Tobago ay nagpatupad ng travel ban noong Enero 30 habang ang Vietnam ay noong February 1. Noon ding Enero 31, isinara ng Russia ang lahat ng pasukan at labasan sa hangganan nito sa China.

Samantala, noong Enero 31 lamang, inanunsyo ni Panelo na magpapatupad ang bansa ng travel ban sa mga manggagaling sa probinsya ng Hubei, China pero noong Pebrero 2 lamang pinalawak ang travel ban sa buong mainland China kasama ang Hongkong at Macau. Isinama pa ang Taiwan pero binawi din agad dahil sa protesta at banta ng gubyernong Taiwanese na gagantihan ang Pilipinas.

Ang Pilipinas ang may pinakamababang rate of infection kumpara sa mga mayayamang bansa. Ito ang malaking kasinungalingan at panloloko ni Secretary Duque ng DOH.

Ayon kay Duque, dalawang (2) infection lang sa kada 1 milyong populasyon ng bansa ang nangyayari dahil daw ito sa maagang pagpapatupad ni Duterte ng absulutong travel ban at ng enhanced community quarantine or lockdown.

Isang tahasang pagsisinungaling at pagbabaluktot sa katotohanan ito. Batay sa pinakahuling ginagawang pagmonitor ng worldometers.info sa Covid-19 infection sa buong mundo, 40 sa kada 1 milyong populasyon ang rate of infection ng Covid-19 sa Pilipinas batay sa 24,500 na naisagawang pag-eeksamen o katumbas ng 224 sa kada 1 milyon ng populasyon. Tiyak na mas mataas pa dito ang tunay na datos dahil simula’t sapul ay wala namang ginawang Covid-19 mass testing sa bansa ang DOH bunga ng kakapusan ng mga testing kit at kawalan ng matinong paghahanda ang DOH at gobyernong Duterte.

Pinagtatakpan at binabaluktot ni Duque at ng rehimeng Duterte ang katotohanan na kaya mataas ang rate of Covid-19 infection sa mga kapitalistang bansa ay dahil maagap na nagpatupad ang mga bansang ito ng Covid-19 mass testing sa kanyang populasyon kung kaya maagang natutukoy ang lawak na inabot ng pagkalat ng impeksyon ng pandemya.

Ang US na may rate of infection na 1,520 sa bawat isang milyon ng populasyon ay nakapagsagawa ng-2,538,888 na Covid-19 test o 7,670 sa kada isang milyon. Ang Spain na may 3,385 na kaso kada milyon ay nakapagsagawa ng 355,000 na testing o 7,593 kada milyon. Ang Italy na may 2,441 na impeksyon sa kada milyon ay nakapagsagawa ng 906,864 test o 14,999 bawat milyon. Ang France na may 1,913 impeksyon bawat milyon ay nakapagtala ng 333,807 test o 5,114 kada milyon.

Samantala, ang Germany na may 1,458 na impeksyon sa kada milyon ay may 1,317,887 naisagawang test o 15,730 bawat milyon; at ang UK na may 1,086 na impeksyon sa bawat isang milyon ay nakapagtala ng 316,836 test o 4,667 sa bawat 1 milyon ng populasyon.

Natural na mababa ang tantos ng impeksyon na nadidiskubre sa bansa dahil sa limitadong kapasidad ng gubyerno na sabayan at maramihang mag-eksamen ng mga pasyenteng pinagsususpetsahang nahawahan ng Covid-19. Kulang na kulang ang mga testing kits at maging ospital na pagdadalhan para masuri ang mga kinuhaan ng swabs na mga pasyente. Kung tutuusin, wala pang nagaganap na mass testing sa bansa. Ang tinututukan pa sa kasalukuyan ng gubyerno ay ang pag-eeksamen sa malulubhang kaso ng coronavirus infection at pagpaparami ng bilang ng ospital na magsasagawa ng pag-eeksamen.

Sa pag-aaral na isinagawa ng UP, ang tayang rurok na aabutin ng impeksyon ng Covid-19 sa NCR sa Hunyo 2020 ay nasa 140,000 hanggang 550,000.

Ayon sa pagsisiyasat ng Rappler, nahuhuli ang Pilipinas pagdating sa kapasidad sa pag-eeksamin. Nitong Abril 4, 2020 nasa 48 persons under investigation (PUI’s) kada milyong tao ang naisasagawa sa bansa. Noong March 20 ay 12 PUI’s kada milyon. Ang South Korea, madali nilang napababa ang infection sa Covid-19 dahil sa nagawa nilang mag-eksamen ng 6,148 kada milyong tao. Sa pinakamatinding tinamaan ng pademyang Covid-19 sa Europa, ang Germany ang may pinakamababang naitalang namamatay sa Covid-19 na 33 sa bawat isang milyong populasyon bunga ng malawakang ginagawang pag-eeksamen sa hanay ng populasyon.

Noong April 4 inanunsyo ng retiradong Heneral na si Carlito Galvez na 6,000 indibidwal na ang nasuri pero ang sabi naman ng Department of Health (DOH) noong April 2 ay nasa 5,000 pa lamang.

Mapanlinlang din ang datos na 24,500 na ang naisagawang pag-eeksamen ng DOH. Hindi ito katumbas ng 24,500 katao na naeksamen dahil bawat taong nagpositibo sa Covid-19 ay kailangang dumaan sa tatlong ulit na pag-eeksamen bago maideklarang magaling na. Sang-ayon sa DOH, sa Abril 14 pa sila nakatakdang magsagawa ng “massive testing” at ito ay para lamang sa mga PUI’s at PUM’s na may sintomas, high risk patients tulad ng manggagawang pangkalusugan, mga buntis, may diabetis at cancer.

Sa kabila na limitado lamang ang bilang ang naeeksamen sa bansa na nalantad sa impeksyon ng Covid-19, sumusunod sa Malaysia ang Pilipinas sa may pinakamaraming nahawahan at nagkasakit ng Covid-19 sa south-east Asia at pumapangalawa sa Indonesia sa maraming namamatay. Ito ang tunay na mga datos na inililingid sa kaalaman ng publiko ng rehimeng Duterte.

Sadyang gagawin lahat ng mga gabinete ni Duterte ang pambabaluktot sa mga datos at impormasyon para lamang mawala ang atensyon ng publiko sa tunay na isyu ng kawalang kakayahan at kainutilan ng pamahalaang Duterte sa paglaban at pagsugpo sa Covid-19. Pipilitin nilang pabanguhin si Duterte at palabasin siyang tagapaligtas ng bayan.

Nais pa nilang gawing bayani at palabasing mahusay na lider si Duterte sa kabila ng mga grabeng kapabayaan ng rehimen na matugunan ang kakulangan sa medical supplies ng mga pribado at pampublikong ospital, kakupusan sa mga personal protective equipments (PPE’s) ng mga nasa frontline, malaking kakulangan sa testing kits, at quarantine and sanitation facilities. Ganundin sa mga naantalang pamamahagi nito ng mga food packs, perang subsidyo at marami pang ibang tulong na dapat agarang ipinagkakaloob ng gubyerno lalo na sa mga mahihirap at bulnerableng sektor ng lipunan.

At upang mapagtakpan ang mga kapalpakan at kakulangan ni Duterte, isinisi ngayon ng mga alipures at propagandista ng Malacañang sa mga Local Goverment Units (LGU’s) ang problema kung bakit mabagal at kulang pa sa kalahati ng mga nakalistang benepisaryo ang nabibigyan ng tulong ng pambansang gubyerno.

Paano nga naman aasahang magiging episyente ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa nagugutom na mamamayan kung pinamamahalaan ito ng mga hinirang ni Duterte na mga retiradong heneral ng AFP at PNP na mas sinanay sa sining ng pagpatay at karahasan at hindi sa pagsagip at pagligtas ng buhay?

Huwag tayong palilinlang. Huwag tayong padadala sa paghuhugas kamay ni Duterte at sa pinatutupad na sistematiko at orkestradong paghahasik ng mga kasinungalingan ng kanyang mga gabinete, propagandista, alipures at mga trolls. Si Rodrigo Roa Duterte at wala ng iba ang pangunahing may responsibilidad at pananagutan sa nangyayaring labis na kagutuman at kapighatian ng sambayanang Pilipino. Marapat lamang na patuloy tayong magpursige at walang lubay na isagawa ang iba’t ibang anyo at paraan ng paglaban para patalsikin sa pwesto ang korap, kriminal inutil, pabaya at pasistang rehimeng US-Duterte. ###

https://cpp.ph/statement/tulad-ni-ponzio-pilato-hugas-kamay-si-duterte-sa-kriminal-na-kapabayaan-at-pananagutan-sa-pagkalat-ng-covid-19-sa-pilipinas-ndf-st/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.