SPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
APOLONIO MENDOZA COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 14, 2019
Ang pagdedeklara ng pamahalaang lokal ng lalawigan ng Quezon na persona non grata ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army ay walang ibang silbi kundi ang pagtakpan ang pagkabangkarote ng NTF/RTF End Local Communist Armed Conflict ng rehimeng US-Duterte.
Para sa CPP-NPA, walang kabuluhang ligal ang resolusyon ng Tanggapan ng Gubernador at Sangguniang Panlalawigan ng Quezon dahil wala namang anumang ugnayan ang CPP-NPA sa alinmang LGU at ahensya ng pamahalaang Duterte.
Lalo nang walang saysay sa pulitika ito dahil sino ang uutuin ng Southern Luzon Command sa isang yari-ng-resolusyon na isinubo nila at idinaan sa pambabaraso para mapasunod ang mga local executive sa probinsya. Sa katunayan, signipikante ang bilang ng mga lingkod-bayan sa pamahalaang lokal na nakikipagmabutihan sa rebolusyunaryong kilusan habang iisang tumpok ng bugnoy-na-niyog ang mga lantarang kontra-rebolusyunaryo sa Quezon.
Magkaganito mang may katawa-tawang deklarasyon ang gubernador at bise-gubernador ng Quezon, hindi nito mababago ang patuloy na pag-iral ng sariling paggugubyerno ng rebolusyunaryong mamamayan sa malawak na kanayunan ng probinsya.
Ang demokratikong gubyernong bayan sa maraming baryo at bayan ng kanayunan ng Quezon ay may tiyak na mandato na nagmula mismo sa nasasakupan nitong mamamayan. Ang pag-iral ng sariling gubyerno at armadong pwersa na nagtatanggol sa kanyang teritoryong nasasakupan, nagpapatupad ng sariling batas, kaayusang publiko at pagbubuwis, at nagtataguyod ng sistema ng hustisya na patas at kumikilala sa pantay na karapatan ng lahat ang nagpapawalambisa sa deklarasyon ng pamahalaang lokal ng Quezon.
Imbalido ang naturang resolusyon. Panghilot lamang ito sa ego ng amo nilang si Meyor Duterte na araw-araw ay kailangan nilang purihin ang kapalaluan at pagmamagaling.
Resolusyon para sa pag-aangat ng kabuhayan ng maralita ang kagyat na kahilingan sa probinsya. Sa halip, dapat na tugunan ng lokal na ehekutibo ang lampas-isang taon ng kahilingan ng magsasaka sa niyugan na magdeklara ng state of calamity para maglaan ng pondo ang mga naging biktima ng tagtuyot at patuloy na hindi makabangon dahil sa bagsak na presyo ng kopra at buong niyog.
Ang mga ganitong resolusyon na nagmula at may suporta mismo ng mahigit 200 libong pamilya ng magniniyog ang dapat tugunan ng lokal na pamahalaan kung sadyang seryoso sila na lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa kanayunan ng lalawigan.
Hindi ang palabigasan ng mga opisyal ng sundalo at pulis na E-CLIP, na ang ibig sabihin ay pekeng pagsusuko, ang solusyon sa pag-aarmas ng magsasaka, kaya hindi dapat suportahan ng mamamayan.
Nanawagan kami sa mamamayan ng lalawigan na patuloy na makilahok sa usaping panlipunan para higit na mapalakas ang paggugubyernong nakabatay sa suporta at interes nila. Dapat na maging mapaggiit sila sa pagsusulong ng kanilang mga kahilingan at matapang na tumutol sa patakaran at programang hindi para sa kanila.
Krusyal ang unang 100-araw ng gubyernong Suarez para patunayan nito ang sinseridad ng Serbisyong Suarez sa mga taga-Quezon.
Sa huli, ang pagkilala at pagrespeto sa mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan at mga organisasyon at pakikibaka ng mamamayan ay hindi nakasalalay sa personal na kagustuhan o pagsang-ayon ninumang opisyal ng sundalo at pulis, local executives o maging ni Duterte mismo.
Likas ang karapatan ng mamamayan na dapat igiit at ipagtanggol kapag ito ay pinagbabantaan at sinisikil.#
https://cpp.ph/statement/walang-lulutasin-ang-pagsunod-ng-lokal-na-pamahalaan-ng-quezon-sa-pagpirma-sa-ready-made-resolution-ng-solcom-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.