Saturday, July 20, 2019

Tagalog News: Pagkakaisa kontra insurhensiya sa lalawigan, tinalakay sa PPOC

From the Philippine Information Agency (Jul 19, 2019): Tagalog News: Pagkakaisa kontra insurhensiya sa lalawigan, tinalakay sa PPOC


Ipinapaliwanag ni 1LT Howell Jason Kirby Buhion, B Company Commander 76th IB, ang whole of nation approach bilang mabisang paraan sa pagsugpo ng insurgency. (Voltaire N. Dequina)

MAMBURAO, Occidental Mindoro - Pagsasama-sama ng iba’t ibang ahensiya o convergence ang natukoy na pangunahing hakbang upang labanan ang insurhensiya sa lalawigan, sa isinagawang Provincial Peace and Order Council (PPOC) Executive Committee Meeting sa bayang ito kamakailan.

Ayon kay 1LT Howell Jason Kirby Buhion, B Company Commander ng 76th IB, “kailangang magsama-sama ang iba’t ibang ahensya sa pagsugpo sa insurhensiya.”

Aniya, ang militarized approach na kadalasan nilang dala sa isang lugar kung saan may presensiya ng mga rebelde (insurgents) ay hindi lubusang nakatutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa pag-uulat ni Buhion sa kapulungan, lumilitaw na ang kahirapan, usapin sa lupaing ninuno at mga programa ng pamahalaan na hindi nakararating sa taumbayan, ang mga ugat ng kawalan ng kumpiyansa sa pamahalaan na posibleng mauwi sa insurhensiya.

Ayon sa opisyal, nagagamit ang mga naturang usapin upang makumbinsi ang mga Indigenous Peoples (IPs) na sumapi sa Communist New People’s Army Terrorists (CNTs). “Madali silang (IPs) napapaniwala ng mga CNT na pinabayaan na sila ng gobyerno,” paliwanag ni Buhion.

Kabilang sa mga lugar na binanggit ng company commander kung saan posibleng may impluwensiya ang mga CNTs ang Barangay (Brgy) Burgos, San Agustin at Baongbuhay ng bayan ng Sablayan, Brgy Alakaak at Pinagturilan ng Sta Cruz gayundin ang Udalo, San Vicente at Sta Maria ng Abra de Ilog at Brgy Harrizon ng Paluan.

Featured Image

Ipinaliwanag naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang konsepto ng pagtutulungan ng mga ahensya kontra insurhensiya ang sadyang daan na tinatahak ng pamahalaan.

“Sakaling kailangan ang kalye patungo sa isang barangay, tutugunan ito ng DPWH,” pagbibigay halimbawa ni Ulysses Feraren, DILG Provincial Director. Dagdag pa ng opisyal, masasagot naman ng Department of Education (Dep Ed) ang mga problemang pampaaralan habang maaring magkatulungan ang National Economic Development Authority (NEDA), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang kaugnay na ahensya upang makapagbigay ng trabaho.

“Malaki rin po ang epekto ng pulitika. May mga pagkakataon na hindi nabibigyan ng tulong ang isang barangay dahil hindi kaalyado ng mayor ang kapitan nito”, paglalahad pa ni Buhion.

Aniya, hiniling ng opisyal sa bagong pamunuan ng lalawigan na sikaping maging daan upang hindi mangyari ang ganitong sistema.

Samantala, bilang kaugnay na usapin, iniulat naman ni Juvy Tepico ng DILG, ang apat na bayan na nagdeklarang persona non-grata sa mga CNTs sa kani-kanilang lugar. Ang mga ito ay ang Lubang, Sablayan, San Jose at Rizal. Ipinakiusap din ni Tepico sa PPOC Executive Committee na ipaalala sa iba pang munisipyo na magsagawa ng kaparehong deklarasyon. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.