Eliza “Ka Eli” de la Guerra
Deputy Spokesperson
Apolonio Mendoza Command
NPA-Quezon
February 10, 2019
Matagumpay na ni-reyd at pinaralisa ng isang iskwad ng AMC-NPA-Quezon ang isang kumpanya sa konstruksyon na gumagawa ng KALIWA DAM sa Sityo Salok, Brgy. Magsaysay, Infanta, Quezon sa ganap na alas-4:45 ng hapon hanggang alas-6:25 ng gabi kahapon, Pebrero 7, 2019. Nasira sa operasyon ang 3 backhoe at 1 bulldozer na siyang pangunahing kagamitan ng kumpanya sa pagsira sa kalikasan at kabuhayan ng mga magsasaka at mga katutubong Dumagat at Remontado.
Ang nasabing kompanya ay malaon nang inirereklamo ng mamamayan ng lalawigan ng Quezon dahil sa malawakang pagsira nito sa mga pananim at kabuhayan ng mga mamamayang ninirahan at apektado ng itinatayong KALIWA DAM. Bahagi ang kumpanyang ito sa mga walang-konsensyang nagraratsada ng pagtatayo ng Kaliwa Dam bilang bahagi ng New Centennial Water Source Project (NCWSP) na ngayon ay nasa ilalim ng programang Build, Build, Build ng Rehimeng US-Duterte. Ang nasabing Kaliwa Dam ay hindi lang magpapalubog sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontado kundi pati na sa mamamayan ng Pilipinas dahil sa pag-utang sa Tsina ng P12.8 Bilyong Piso na gagastusin sa pagtatayo ng mapanirang Dam.
Nagbubunyi ang mamamayan sa aksyong ito ng NPA sa matagal na nilang kahilingan na mabigyang katarungan ang kanilang kaapihan. Bago ang ganitong aksyon ay pinaabutan at binigyang babala ng AMC-NPA-Quezon ang naturang kumpanya hinggil sa malaking pinsalang dulot nito sa kabuhayan at ari-arian ng mamamayan. Pinaabutan din ang nasabing kumpanya na kagyat na itigil ang pagwasak sa kabundukan at kalikasan subalit hindi nila pinakinggan ang mga paabot ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan. Tuloy-tuloy ding ipinaabot ng mamamayan sa mga ahensya ng gubyernong Duterte ang kanilang pagtutol sa pagtatayo ng Kaliwa Dam ngunit sa halip na pakinggan ay pananakot at karahasang militar ang naging tugon nila. Tuloy-tuloy na naglulunsad ng malakihang operasyong militar ang mga pwersa ng 2nd ID-PA-AFP, pangunahin na ang 80th IB-PA at ang 2nd ID-Division Reconnaissance Company (DRC) para diumano’y palayasin ang mga pwersa ng NPA subalit ang katotohanan ay naglulunsad sila ng operasyon para supilin ang demokratikong pagkilos ng mga mamamayan at katutubong Dumagat at Remontado para tutulan ang pagtatayo ng mapanirang KALIWA DAM.
Nagsisilbing babala ang aksyong ito sa mga kumpanyang sumisira sa kalikasan at wumawasak sa buhay at ari-arian ng mga magsasaka, mamamayan at katutubong Dumagat at Remontado. Hindi mapapayagan ng rebolusyonaryong kilusan na basta na lamang wasakin ang kalikasan at yurakan ang buhay at ari-arian ng mamamayan. Sa lahat ng panahon, handa ang Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, na tupdin ang rebolusyonaryong tungkulin nito na pangalagaan ang kalikasan at protektahan ang interes ng mamamayan. Sa pagsalubong sa ginintuang anibersaryo nito, lalo itong pursigido at determinado na isulong ang demokratikong interes ng mamamayang Pilipino at patuloy itong maglunsad ng mga taktikal na opensibang magtatanggol sa mamamayan laban sa mga kumpanyang ginagamit ng estado upang sirain ang buhay at kabuhayan ng mamamayan. Mananatiling tapat ang BHB sa panata nitong ubos-kaya at buong pusong paglingkuran ang sambayanang Pilipino, buhay man ay ialay.
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.