Wednesday, December 5, 2018

Tagalog News: YLS dinaluhan ng mahigit 100 kabataan sa Cantilan

From the Philippine Information Agency (Dec 5): Tagalog News: YLS dinaluhan ng mahigit 100 kabataan sa Cantilan

Featured Image

LUNGSOD NG TANDAG, Dis. – Umabot sa 107 kabataan ang lumahok sa “1st Cantilan Youth Leadership Summit” (YLS) na matagumpay na ginanap sa Libtong Cove, sakop ng Barangay General Island, Cantilan, Surigao del Sur noong Nobyembre 22-25, 2018, ayon sa opisyal ng military.

Napag-alaman mula kay Captain Francisco Garello Jr., na nagmula pa sa 17 barangay na sakop ng bayan sa Cantilan ang mga kabataang lumahok sa nasabing aktibidad.


Dagdag pa ni Garello, layunin nito na mapanatili sa kaisipan at sa puso ng bawat kabataan ang adbokasiyang boluntaryo para sa kapayapaan, maging responsible, at produktibong myembro ng lipunan na may mahusay o tamang na kaalaman.

Isa sa mga lumahok ang nagpaabot ng kanyang ekspektasyon patungkol sa kanyang nais na makamtan o malaman sa nasabing pagtitipon. Sinabi ni Evelyn Angeles na, “dumalo ako para malaman ang tamang gawi ng isang lider, at upang magiging magandang halimbawa sa mga kabataang katribu ng aming barangay."

Samantala, dumalo din si Mayor Philip Pichay bilang pangunahing pandangal at tagapagsalita, kung saan ibinahagi niya ang ang salitang “hanap-buhay” na may kahulugan na “maghanap ng paraan para mabuhay” bilang pagbigay inspirasyon sa mga kabataang dumalo. Binigyang diin pa ng opisyal na kung nakatuon dito ang mga kabataan, siguradong maganda ang maging kinabukasan ng mga ito, dahil mailalayo ito sa mga aktibidad na maaring makakasira ng kanilang kinabukasan.

Binigyang diin din ni Lt. Colonel Xerxes Trinidad, commanding officer ng 36IB na kabilang sa kanilang mandato ang pagsilbihan at proteksyunan ang mamayang Pilipino at binigyang diin nito na mapahalagahan ang isa sa mga sector ng lipunan, ang mga kabataan.

“With this summit, as part of our security awareness campaign, our hope is to save the youth from being exploited and recruited by the CPP-NPA Terrorist and other lawless elements,” sabi pa ni Trinidad.


Ang nasabing pagtitipon ay sinuportahan ng lokal na pamahalaan ng Cantilan sa pakikipagtulungan na rin ng 36IB, Philippine Army na siyang nag-organisa na gawin ang aktibidad sa nasabing bayan sa unang pagkakataon.

https://pia.gov.ph/news/articles/1015777

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.