Tuesday, December 11, 2018

CPP/NDF-Bicol: Pag-aresto sa mga konsultant sa usapang pangkapayapaan, garapalang pagpapalaya at pagkandili sa mga kriminal na kapaksyon: sukdulang kataksilan ng pasistang rehimeng US-Duterte

 NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 10): Pag-aresto sa mga konsultant sa usapang pangkapayapaan, garapalang pagpapalaya at pagkandili sa mga kriminal na kapaksyon: sukdulang kataksilan ng pasistang rehimeng US-Duterte

Maria Roja Banua
Spokesperson
NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines
December 10, 2018

Kinukundena ng NDF-Bikol ang rehimeng US-Duterte sa panibago na naman nitong pasista, kontrarebolusyunaryo at patraydor na maniobra laban sa mamamayan. Sa magkasabay na araw, inaresto si NDFP peace consultant at advocate na si Rey Casambre at aktibistang si Corazon Casambre sa Cavite at pinawalang-sala ang mandarambong na si Bong Revilla sa kabila ng malakas na ebidensya mula sa milyun-milyon nitong hinuthot sa sistemang pork barrel. Tahasang binabaliktad ng rehimen ang hustisya at ginagamit ang batas at hukuman upang makonsolida ang kanyang pampulitikang kapangyarihan bilang paghahanda sa malawakang pandarayang magaganap sa eleksyong 2019, pagtulak ng ChaCha at bogus na pederalismo at Nationwide Martial Law tungong ganap na pasistang diktadura.
Kinikriminalisa ang mga rebolusyonaryo, progresibo at demokratikong organisasyon at indibidwal na may pampulitikang prinsipyo at paniniwala para sa tunay na kalayaan at kaunlaran ng lipunang Pilipino. Puspusang ipinapatupad ang Inter-Agency Legal Action Committee (IACLA) upang magpakana at magpatupad ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa, nagrerekrut o nagtatalaga ng mga tauhan ng militar sa hanay ng mga piskal, prosekusyon at husgado, nag-aalaga ng mga bayarang tauhan ng korte.  Ito ay bahagi ng National Internal Security Plan ng rehimen. Gamit ang pinakagasgas na pamamaraang katulad ng ginawa upang iligal na maaresto ang kapwa niya mga NDF consultant na sina Vic Ladlad at Adelberto Silva, tinaniman ng mga armas at eksplosibo si Casambre at kanyang asawa upang bigyang-matwid ang kanyang pagkakadakip sa kasong kriminal na hindi maaaring pyansahan o non-bailable offense.
Kabilang ang mga NDF peace consultants na sina Casambre, Ladlad, Silva at Rafael Baylosis sa mga buong buhay-at-kamatayang nagtaguyod at nakibaka para sa makatarungang kapayapaan. Naging katuwang at kinatawan sila ng mamamayang Pilipino sa pagsusulong ng kanilang batayang sosyo-ekonomiko at demokratikong interes, pangunahin ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Silang mga nagsusulong at nakikibaka para sa sosyo-ekonomikong repormang tunay na tutugon sa kahirapan at lulutas sa ugat ng armadong sigalot ang siya ngayong target ng mas matinding paninikil at pag-aresto ng rehimeng ito.
Samantala, garapalang inaalagaan at binibigyan ng ligal na proteksyon at impunity (kawalan ng pananagutan sa batas) ang mga pasista at mandarambong na taksil sa bayan. Sa ilalim ng kanyang rehimen, napalaya at naabswelto lahat ng pulitikong sangkot sa mga pinakamalalaking kaso ng pandarambong at pangungulimbat. Sa kabila ng patung-patong na ebidensya laban kay Revilla, nagdesisyon pa rin ang Korte pabor sa kanyang paglaya at ngayon kasama na ang kapwa niya mga kurakot sa pork barrel na sina Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada na nagpapasarap sa labas ng rehas. Bagamat hinatulang mabilanggo panghabambuhay sa kasong graft, nananatiling malaya si Imelda Marcos matapos hindi arestuhin ng mga pulis at payagan pang magpyansa.
Lantaran ding binubundat ang reaksyunaryong Kongreso upang iratsada ang pagpasa ng mga pasista at anti-mamamayang mga panukala. Sa pamumuno ng pinakakurakot na si Gloria Macapagal Arroyo at ng kanyang kurap na ahente sa Kongreso, kabilang ang ilang mambabatas ng Bikol, kasuklam-suklam na ihinayag ng Kongreso na nananatili ang sistemang pork barrel. Higit na masahol, lantarang ipinapakita sa publiko ang pag-aagawan ng mga ito sa mas malaking bahagi ng kulimbat. Bilang kapalit, agarang ipinasa ang mga mapanupil na batas tulad ng National ID system at pagbibigay ng kapangyarihang subpoena sa kapulisan, puspusang pag-amyenda sa Human Security Act at pagpapatibay sa panukalang Martial Law extension sa Mindanao. Ipinasa ang anti-mamamayan at banderang programa ng neoliberalismo na TRAIN Law at itinutulak ang kaugnay nitong panukalang TRABAHO Bill. Binatbat ng bilyun-bilyong congressional insertions ang panukalang badyet para sa taong 2019 at binigla ang lahat sa pag-apruba sa Ikalawang Pagbasa ang House version ng ChaCha.
Malinaw ang padron ng mga pagkakahabi ng tambalang dahas at panlilinlang: tusong hinahamig ni Duterte ang suporta ng lahat ng reaksyunaryong halimaw sa layuning makonsolida ang kanyang pasistang paghahari sa sa tabing ng batbat ng kahungkagang ‘kampanya kontra korupsyon’ at ‘Good Governance’.  Ilinalatag ang ‘de facto’ Martial Law sa buong bansa diumano para sa maayos na elekyon sa 2019 sa kabila ng higit pang karahasan sa mamamayan ang pakawawalan nito, mamanipula ang halalan pabor sa kanyang paksyon, mairatsada ang charter change at huwad na pederalismo para sa pasistang diktadura.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan na mapangahas na labanan ang papatindi pang pasistang atake sa ilalim ng “de facto” o deklaradong Martial Law man sa buong bansa. Nararapat na isulong ang lahatang-panig na pakikibaka upang gapiin ang supreme druglord, uhaw sa kapangyarihan, papet ng US at China at taksil sa bayan, tirano, mamamatay-tao, matsokista, at pasistang si Duterte.
Kailangang ilunsad ang higit na malalawak na kilos protesta at pakikibakang masa at itayo ang pinakamalapad na hanay ng demokratikong paglaban sa mga pasista at anti-mamamayang batas at patakaran ng rehimen. Paigtingin ang anti-pasistang mga kilusan at kampanyang masa sa kanayunan at kalunsuran. Isulong ang pagkakamit ng makatarungang kapayapaan at masikhay na ipinapanawagan ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan. Isadokumento, dalhin at ihapag ang mga kaso ng pang-aabusong militar sa mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang-tao at sa Joint Monitoring Committee na nagmomonitor sa pagpapatupad ng CARHRIHL.
Ilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan ang higit pang mga taktikal na opensiba upang parusahan ang mga halimaw na armadong pwersa ng estado at makatulong sa mabilis na paghiwalay at pagbagsak ng rehimeng US-Duterte.  Kaisa ng mamamayan ang masang Bikolano sa pagtataguyod at ibayong pagsulong ng demokratikong reb....
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.