NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 12): Rehimeng US-Duterte, ibabagsak ng lumalakas na pagkakaisa ng sambayanan
Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
11 January 2018
Ang pahayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Camp Aguinaldo ay nagpapakita ng labis na takot ng rehimeng US-Duterte sa nabubuong lakas at pagkakaisa ng mamamayan. Ang totoo, natatakot ang rehimeng US-Duterte sa kakayahan ng mamamayang pabagsakin ang kanyang pasistang diktadura.
Sa harap ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at panlipunan, lumalakas ang kahilingan ng sambayanang Pilipino na patalsikin at ibagsak si Duterte. Sa kabila ng walang tigil na pagpapabango gamit ang mga bayarang media outfit, social media at mga minanipulang sarbey ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia, patuloy na umaalingasaw ang baho ng nabubulok na rehimeng US-Duterte. Wala na ang bisa ng mga gimik at pagyayabang ni Duterte na siya ay makamahirap matapos lansakang tuyain ang maralita at mahihirap na mamamayang Pilipino na lehitimong gumigiit ng kanilang demokratikong karapatan at karaingan.
Tanging ang kilusang rebolusyunaryo ang pwersang may kakayahang pagkaisahin ang iba’t ibang uri at sektor, indibidwal at organisasyon sa lipunang malakolonyal at malapyudal laban sa isang reaksyunaryo, pasista, tiraniko at maka-imperyalistang rehimen. Pinatunayan na ito sa kasaysayan nang patalsikin ng mamamayan ang pasistang diktadurang rehimeng US-Marcos at rehimeng US-Estrada.
Mananatiling isang pangangarap na gising ng rehimeng US-Duterte ang plano nitong lipulin ang rebolusyunaryong kilusan sa pagtatapos ng 2018. Hibang na hibang si Duterte sa sobrang kagustuhan at paghahangad na makapaghari nang matagal sa bansa. Sa kabila ng mababangis na pahayag at pagbabanta ni Duterte, patuloy na lalaban ang mamamayang Pilipino at pababagsakin ang kanyang pasistang rehimen. Hindi papayag ang sambayanang Pilipino na salaulain ni Duterte ang mga tagumpay ng bayan sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos.
Dahil mismo sa pasismo ng estado at ipinapataw niyang maka-imperyalistang mga patakaran, ihinihiwalay mismo ni Duterte ang kanyang sarili sa mamamayan. Patuloy na sinusuportahan at tinatangkilik ng sambayanang Pilipino ang rebolusyunaryong kilusang pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP). Patuloy at largadong inilulunsad ng New Peoples Army (NPA) ang paparami at papalaking mga taktikal na opensiba laban sa reaksyunaryo, berdugo at mersenaryong tropa ng Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police at mga pwersang paramilitar. Tinatamasa ng NPA ang papalawak at papalalim na suporta ng baseng masa sa kanayunan at kalusuran ng bansa. Patuloy na bubuklurin ng National Democratic Front (NDF) ang malawak na masang Pilipino sa paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Kung gayon, tuluy-tuloy ang paglakas ng CPP-NPA-NDF at ng armadong pakikibaka sa Luzon, Visayas at Mindanao araw-araw, taliwas sa pahayag ni Lorenzana na humihina na ang ito.
Nanawagan ang Melito Glor Command NPA Southern Tagalog sa mamamayang Pilipino na maging matalino at kritikal sa bawat pahayag ng reaksyunaryong gubyerno. Habang sinisiraan ang rebolusyonaryong kilusan ng mga tagapagtanggol ng rehimeng Duterte, patuloy lamang na nalalantad ang tunay na katangian ng reaksyunaryo, pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte.
Napapanahon na upang sama-sama nating patalsikin at ibagsak ang rehimeng US-Duterte sa harap ng patuloy na kabaliwan nito. Dapat magbuklod ang lahat ng inaaping mamamayan, mga progresibo at makabayang organisasyon, patriyotikong indibidwal at grupo at mga kritiko ni Duterte para ilunsad ang malawakang kampanya upang ibagsak ang rehimeng US-Duterte. Sa pamamagitan lamang nito makakamit ng mamamayan ang hinahangad nitong pagbabagong panlipunan.
https://www.philippinerevolution.info/statements/20180111-rehimeng-us-duterte-ibabagsak-ng-lumalakas-na-pagkakaisa-ng-sambayanan
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.