Sunday, December 31, 2017

Si Kathryn at si Kim sa Sierra Madre

Posted to the pro-Communist Party of the Philippines online publication Manila Today (Dec 31): Si Kathryn at si Kim sa Sierra Madre

Si Kathryn at si Kim sa Sierra Madre



Sa isang kampo ng Bagong Sa isang kampo ng Bagong Hukbong Bayan sa Sierra Madre

Ipinagdiwang ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ika-49 na anibersaryo nito noong ika-29 ng Disyembre sa kabundukan ng Sierra Madre. Sa kabila ng pagkadeklara bilang mga terorista ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay matagumpay na itinuloy ang pagdaraos ng partido ang kanilang anibersaryo na may temang, “Ubos-kayang Labanan ang Pasistang Rehimeg US-Duterte, Isulong ang Digmang Bayan sa Mataas na Antas!”

Sinimulan ang programa sa pagbibigay-pugay sa mga martir o ang mga taong napaslang sa kanilang hanay. Para sa mga rebolusyunaryo, ang mga nag-alay ng buhay sa bayan ay mga martir ng rebolusyon, mga bayani ng mamamayan.

Sinundan naman ito ng mga kulturang pagtatanghal at mga kanya-kanyang pahayag mula sa representante ng samahan ng mga magsasaka, manggagawa, kababaihan, overseas Filipino workers, siyentista, kabataan, maralita, artista, manunulat, guro, Dumaguetan, LGBT at ng masa.

Si Kim



“Ang masa ang kaluluwa ng hukbo, kung walang masa walang hukbo.”

Ganito inilarawan ni Kim ang matinding koneksyon ng masa sa hukbong kinabibilangan niya. Para sa kanya ang armas ay sekondarya lamang at primaryo pa rin ang masa. Sapagkat para sa kanya masa ang tunay na pamilya.

Nagmula sa sektor ng magsasaka sa isang probinsya ang 24 anyos na si Kim. Isa sa pinakamatinding dahilan kung bakit nagdesisyon siyang sumali sa Bagong Hukbong Bayan ay dahil sa lubos na panggigipit ng mga panginoong maylupa sa kanilang mga magsasaka.

Bukod pa dito, bilang parte ng kabataan nakitaan niya rin ng maling sistema ang edukasyon. Nagiging instrumento lang daw ang pamahalaan para ito mapagkakitaan ng mga negosyo, kung kaya’t maraming hindi nakapag-aral. Nagbebenepisyo naman ang isang mapanupil na gobyerno na ginawang mangmang o inutil ang mamamayan sa kanilang karapatan at sistemang magbebenepisyo sa mas nakararami.

Inanyayahan ni Kim ang kapwa niya kabataan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Sila raw ang pag-asa ng bayan at magsisilbing lakas at talino nito. Walang daw ibang paraan upang makamtan ang tunay na kalayaan at demokrasya kundi ang pagtaguyod ang digmang bayan.

Si Kathryn



“Daig pa ang kapeng 3-in-1, 5-in-1 siya.”

Pagbibiro ni Kathryn, isang 25 anyos na kabataang kababaihan na apat na taon nang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, nang tanungin siya kung ano ang kanilang samahan. Binubuo raw ng gawaing produksyon, medikal, pandigma, kultural at propaganda ang hukbo.

Namulat siya sa kalagayan ng mga kabataan dahil sa isa sa mga mayor na usapin sa edukasyon, ito ay ang hindi makatarungang matrikula sa ilan sa mga unibersidad. Ito nga ay isa sa mga naging problema ni Kathryn kaya napilitan siyang tumigil sa pag-aaral.

Magmula doon ay unti-unti na niyang nalalaman ang kapabayaan ng gobyerno sa mga kabataan kaya sila napapariwara, mas napabubulok ng bulok na lipunan. Ang kapabayaan ng gobyerno sa mamamayan naman, kapalit ang pakinabang ng mamamayan at iilan, nagdudulot ng malawakang pagdurusa, kagutuman, maging kamatayan. Naging malinaw sa kanya ang pangangailangang baguhin ang lipunan, at hindi lamang maghanap ng pansariling kaginhawaan.

Mensahe niya sa kabataan na gamitin ang mga matutunan sa pamantasan upang maibalik ito sa bayan. Punong-puno raw sila ng enerhiya na lubos na kinakailangan upang mapaglingkuran ang sambayanan, lalo na ang masang api. Ito raw ang tamang panahon para sa kanila upang maging bahagi ng rebolusyunaryong kilusan. Nag-iwan din siya ng katanungang, “Para kanino ka dapat kumilos?”

Para naman sa kapwa niya kababaihan, nais niya ring makilala ang papel ng mga ito sa lipunan at rebolusyon. Dapat daw ay kumilos din sila at mapatunayang kaya rin nilang humawak ng armas at magtanggol ng masa.

Sapagkat masa raw ang pinakasandigan ng rebolusyon. Kahit gaano pa raw kahirap ang sakripisyo nila, masaya naman daw sila dahil napaglilingkuran nila ang masa.

Hinding-hindi rin daw sila magpapagapi sa rehimeng US-Duterte na lalong nagpapalayo sa agwat ng mahirap at mayaman. Lalo raw lumalakas ang partido dahil sa mga patuloy na sumasapi at sa kagustuhan ng mamamayan ng tunay na pagbabago.

Nagdiwang ang Melito Glor Command ng Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army) Southern Tagalog ng ika-49 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa isang kampo sa Sierra Madre. Inimbitahan ang midya para idokumento ang aktibidad. Nakadalo rin ang mga bisita mula sa iba’t ibang sektor sa pagdiriwang ngunit hindi pinahintulutang makuhanan ng larawan.

http://www.manilatoday.net/si-kathryn-si-kim-sa-sierra-madre/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.