Sunday, August 20, 2017

NPA-Southern Tagalog propaganda statement poste do the Communist Party of the Philippines Website (Aug 17): Patio ang karahasan ng DSSP Kapayapaan sa Timog Katagalugan


Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
17 August 2017



Mariing kinukondena ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog ang walang habas na militarisasyon ng AFP-PNP (Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police) sa ilalim ng DSSP Kapayapaan ng rehimeng US-Duterte. Tahasang niyuyurakan ng rehimen ang karapatang tao ng mamamayan sa Timog Katagalugan sa walang habas na militarisasyon sa kanayunan sa ilalim ng DSSP Kapayapaan gamit ang iba’t ibang tabing tulad ng “gera kontra terorismo” at “gera laban sa droga”.

Laganap ito sa Palawan, Mindoro, Batangas, Quezon at Rizal kung saan pawang mga sibilyan ang target ng pananakot, panghuhuli, sapilitang interogasyon, intimidasyon at mga pagpatay sa layuning ihiwalay ang NPA sa mamamayan. Sa bawat pagkatalo ng AFP-PNP sa kamay ng NPA, mga sibilyan ang kanilang nilalapastangan at pinahihirapan.

Sa Palawan, ang buong pamilya ni Chieftain Polog, katutubo sa So. Marinsyawon, Brgy. Bonobono, Bataraza, ay hinuli, maging ang mga buntis na asawa, at dinala sa kampo. Binugbog ang mga kalalakihan habang iniinteroga sa kampo. Si Chieftain Polog naman ay inihulog sa truck at pinalabas na nagtangakang tumakas. Kasalukuyan siyang nasa ospital.

Samantala, sa North Palawan, hinuli at ikinulong ang mag-asawang Labaho at dalawa pang kasamahang mangingisda dahil sa mariin nilang pagtutol sa PCSD AO#5. Sinampahan sila ng gawa-gawang kaso habang pinalalabas na mga myembro ng NPA.

Pinalalabas ring may naganap na labanan noong July 27 sa pagitan ng mga nag-ooperasyong marines at NPA upang bigyan katwiran ang military operations sa buong Palawan na naghahasik ng takot sa buong mamamayan sa lalawigan.

Sa Mindoro at Batangas naman, nagpapatuloy ang ginagawang panghaharas sa mga mamamayang nakikibaka para sa kanilang kabuhayan. Patuloy ang karahasan, pananakot at pagpapalayas sa Hacienda Almeda sa Sta. Cruz at Mamburao, Mindoro Occidental, Hacienda Roxas at Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas, Brgy. Coral ni Lopez, Calaca, Batangas, at Brgy. Patungan, Maragondon, Cavite.

Sa Quezon, walang tigil ang operasyon ng 85th IB sa buong Bondoc Peninsula at sa mga bayan ng Mauban, Lucban at Gen. Nakar. Patuloy rin ang kanilang operasyong psywar, pananakot at intimidasyon sa mamamayan ng Quezon. Sa layuning itigil ang paglaban ng mga magsasaka sa Hacienda Uy, sinampahan ng gawa-gawang kaso si Roldan Tayactac, lider-magsasaka at 21 pang mga magsasaka na nakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa.

Samantala, pinatay si Burgos IdaƱo sa Sitio Umagos, Brgy. Camflora, San Andres upang takutin ang mga magsasakang lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa sa pastuhan ng isang panginoong maylupa sa lugar. Noong Hulyo 30 naman, pinatay si Edgar Tabien, isang empleyado ng munisipyo at caretaker ng sementeryo sa Brgy. Magisian, Lopez. Kilala si Tabien bilang alyado ng mga magsasaka sa Lopez na nagsusulong ng kanilang pakikibaka sa lupa.

Sa Rizal, tuluy-tuloy ang isinasagawang military operations sa mga komunidad ng Dumagat. Hinuhuli at tinatakot ang mga katutubong Dumagat. Pilit silang pinasasama sa mga combat operations at sinasaktan ang hindi sasama.

Kaugnay nito, nananawagan ang Melito Glor Command sa lahat ng yunit ng NPA sa rehiyon na maglunsad ng mga opensibang militar bilang bahagi ng pagtatanggol sa buhay at ari-arian ng mamamayan ng Timog Katagalugan. Dapat pagbayarin ang AFP-PNP sa kanilang mga krimen sa mamamayan. Nanawagan din ang MGC sa mamamayan na i-ulat sa alinmang himpilan ng NPA ang iba’t ibang atrosidad ng AFP-PNP upang bigyang hustisya ang mga biktima ng DSSP Kapayapaan at iba pang atake sa mamamayan ng rehimeng US-Duterte.###

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170817-patuloy-ang-karahasan-ng-dssp-

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.