Wednesday, March 29, 2017

NDF/Sison-Pakidiisa sa paranga ng mga rebolusyonaryng martir

Propaganda statement from Jose Maria Sison posted to the National Democratic Website (Mar 29): Pakidiisa sa paranga ng mga rebolusyonaryng martir (Solidarity in honor of revolutionary martyrs)

 

Ni Prop. Jose Maria Sison

Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas

Punong Konsulta ng National Democratic Front of the Philippines

29 Marso 2017

Mahal na mga kasama at mga kaibigan, Taos puso akong nagpapaabot sa inyo ng rebolusyonaryong pagbati at pakikiisa sa okasyong ito na nakatipon kayo sa Bantayog ng mga mga Bayani upang parangalan ang mga martir na lumaban sa pasistang diktadura ng US-Marcos at sa nanatili pang naghaharing sistema ng mga malaking komprador at asendero na palasunod sa US. Makabuluhan din na ang inyong pagtitipon ay ginaganap kasabay ng pagdiriwang ng sambayanan sa ika-48 anibersaryo ng pagkakatatag ng Baghong Hukbong Bayan, ang di magagaping hukbo ng mamamayan.

Napapanahon na gunitain natin ang ating mga bayani at martir dahil dumadalas na naririnig mula sa propaganda ng pamilya at tagasunod ni Marcos na mabuti ang pasistang diktadura. Pati si Presidente Duterte sinasabi niya na martial law ang kailangan para lutasin ang mga problema ng bayan. Dapat palitan ng masang Pilipino ang naghaharing sistema sa pamamagitan ng rebolusyon. Labanan ang pagbabanta ng martial law at diktadura.

Itinakwil at ibinagsak ng sambayanang Pilipino ang diktadurang Marcos dahil ito ay malupit, korap at sunudsunuran sa imperyalismong US. Hindi mabuting halimbawa ito sa pamamahala kundi kasuksuklam na karanasan sa ating kasaysayan. Tandaan din na kahit sa kasagsagan ng martial law, hindi nagawang gapiin ng diktadura ang noon ay nagsisimula pa lamang na Bagong Hukbong Bayan. Hindi papayag ang sambayanang Pilipino sa panunumbalik ng madugo at sakim na halimaw na diktadura.

Ang ating mga bayani at martir laban sa diktadurang Marcos at sa nanatiling malakolonyal at malapyudal na sistema ay isang malawak na hanay ng nagtaguyod ng pambansang kalayaan, demokrasya, hustisya sosyal at pag-unlad. Karamihan sa ating mga martir ay mga kasapi ng pambansang demokratikong kilusan, Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan dahil sila ang nangunguna sa pakikibaka at nagpapatuloy hanggang ganap na tagumpay.

Sa Netherlands ngayong Marso 29, nakatipon na ang delegasyon ng NDFP para makipag-usap sa delegasyon ng gobyernong Duterte tungkol sa kapayapaan sa The Hague magmula Abril 2. Gagawa rin kami ng paggunita at parangal sa ating mga martir at ipagbubunyi namin ang mga tagumpay ng demokratikong rebolusyong ng bayan sa pamamagitan ng digmang bayan.

Wasto ang inyong pasya na sa bawat taon ay parangalan ang mga rebolusyonaryong martir na patuloy na nasasawi sa sandatahang pakikibaka. Tama na magtuon ng pansin ang BAYAN sa mga dating kadre at aktibista ng legal na demokratikong kilusan na sumampa sa Bagong Hukbong Bayan at nagbuwis ng buhay para isulong ang pinakamataas na anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Inspirasyon sa ating lahat ang mga martir at lahat ng mga sakripisyo ng mamamayan sa pakikibaka. Handa tayong makipagkasundo sa kabilang panig tungkol sa mga batayang reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika para magkaroon ng batayan ang makatarungan at matibay na kapayapaan. Handa rin nating ipagpatuloy ang digmang bayan kung bibiguin tayo ng mga mang-aapi at mapagsamantala.

Mabuhay ang ala-ala ng ating mga martir! Sundin natin ang kanilang inspirasyon at halimbawa! Mabuhay ang kilusan ng bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!


No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.