New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 15): Ikondena ang dispersal at pamamaril sa mga magsasaka sa Hacienda Montecarba! (Condemn the dispersal and shooting of farmers in Hacienda Montecarba!)
Julian Paisano
Spokesperson
Political Department
Regional Operations Command
New People's Army
15 February 2017
Ang NPA-Panay sa ilalim ng Coronacion Chiva Waling-Waling Command ay mahigpit at mariing kumukondena sa dispersal at pamamaril sa mga mahihirap na magsasaka sa Hacienda Montecarba (Tan Estate), sa Brgy. Culilang, President Roxas, Capiz noong Pebrero 11, 2017.
Ang mga magsasaka ay di-armadong gumigiit ng kanilang karapatan sa pag-aari ng lupa batay na rin sa batas ng reaksyunaryong gubyerno bilang sila ay mga benepisyaryo at humahawak ng CLOA noon pang 1997. Umaabot sa mga 60 silang mga benepisyaryo na naglulunsad ng kampuhan sa asyenda mulang Pebrero 5, upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa.
Ngunit sila’y inatake at pinagbabaril ng mga goons ng asyenderong si Nemencio Tan. Sa panimulang mga impormasyon, sina Fernando Bacanto, Jun Bacanto, Leopoldo Lachica ang mga nasangkot sa dispesal at pamamaril sa mga walang kalaban-labang mga magsasaka. Kaagad na namatay si Orlando Eslana, kritikal sa ospital si Melinda Arroyo Eslana, at may apat pang mga sugatan na sina Ana Bocala, Adel Vergara, Lida Amo, at Rita Bocala. Ang mga pulis sa munisipalidad ng Pres. Roxas na nandoon sa malapit lang upang diumano’y magbantay ay walang nagawang aksyon upang ipagtanggol ang mga magsasaka. Ito’y isang malinaw na pagpapakita nitong mga pulis na sila’y para sa interes ng panginoong maylupang si Tan.
Kami ay nakikiramay sa lungkot at paghihirap ng mga biktima at sa kanilang mga pamilya sa ganitong walang budhi na paglabag sa karapatan ng mga magsasakang makapag-aari kahit katiting man lang na parsela ng lupa para sa kabuhayan ng gutom nilang mga anak at pamilya.
Batid namin kung gaano kabigat ang ganitong inhustisya laban sa mga magsasaka. Ito’y dahil kami sa NPA, karamihan ay mga magsasaka rin na biktima ng kawalang-hustisya at sa ngayo’y humahawak ng armas upang armadong ipakipaglaban ang paglutas sa problema sa lupa. Tungkulin naming ipakipaglaban ang interes ng uring magsasaka, ipagtanggol sila, at magbigay ng rebolusyonaryong hustisya.
Isang buhay na aral para sa mga magsasaka na ang pakikibaka sa lupa laban sa mga despotikong panginoong maylupa kagaya ni Tan ay nangangailangan ng mahigpit na pagkawing sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sambayanan. Hindi magpakailan man kusang-loob na ibigay ng mga panginoong maylupa ang kinamkam nilang mga lupain at hindi rin sila mag-aalinlangang kumitil ng buhay sa mga nakikibakang mga magsasaka dahil suportado sila ng mga burukrata, mapaniil na mga batas, at ng armadong pwersa ng reaksyunaryong estado.
Ang pangyayaring ito sa Culilang sana’y hindi maging isang banta upang matakot at umatras ang mga magsasaka at ang inyong kilusang magsasaka para sa lupa at katarungang panlipunan. Kundi’y sa halip, ito’y magiging isang tanglaw sa pag-uunawa sa makauring pakikibaka at sa kabuluhan ng ibayong pagpapalawak at pagkokonsolida sa inyong hanay upang maabot ang sapat na lakas laban sa uring mapagsamantala’t mapang-api. Makatarungan ang inyong ipinaglalaban, at dapat lang mabigyan ng hustisya ang ganitong pang-aapi.
Hustisya para sa mga magsasaka!
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170215-ikondena-ang-dispersal-at-pamamaril-sa-mga-magsasaka-sa-hacienda-montecarba
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.