Patay umano ang mahigit sa isang dosenang katao matapos na magsagupaan ang dalawang lider ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Banisilan sa lalawigan ng North Cotabato.
Sinabi ng pulisya, rido o clan war ang pinagmulan ng kaguluhan na nagsimula pa nitong December 23 sa pagitan nina Commander Ali at Bobby Rajamuda, at Kinig kontra sa grupo nina Commander Tanda at Paron. Ayon sa pulisya, umabot na ang sagupaan sa Sitio Kabugan sa Barangay Guiling sa bayan ng Alamada na kung saan ay umanib na ang grupo ni Commander Palaw at Tahir kina Tanda at Paron.
Ang mga apektadong lugar ng labanan sa Banisilan ay ang Sitio Kinamuran sa Barangay Pantar, Sitio Mapantaw, Hillside, Kulawan at Kibanog sa Barangay Malagap; Sitio Bang-bang sa Barangay Tinimbacan at Sitio Balindong sa Barangay Poblacion 1. Nabatid na 26 na pamilya ang lumikas mula sa Sitio Matampay sa Poblacion 1 habang 142 pamilya naman sa Barangay Malagap na may halos 700 katao.
Base sa salaysay ng mga nagsilikas ay abot na sa 7 ang nasawi sa panig ni Rajamuda at Kinig habang 10 naman kay Tanda at Paron at marami rin ang sugatan sa magkabilang panig. Sa ngayon mahigpit na mobile checkpoint ang isinagawa ng pulisya sa Banisilan, partikular sa mga apektadong barangay.
Tikom naman ang bibig ng liderato ng MILF sa kaguluhan.
http://mindanaoexaminer.com/17-patay-sa-sagupaan-ng-mga-milf-commanders/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.