Tuesday, February 23, 2016

Tagalog News: Mahigit 100 decommissioned combatants ng MILF sasailalim sa skills training program ng TESDA-ARMM

From the Philippine Information Agency (Feb 22): Tagalog News: Mahigit 100 decommissioned combatants ng MILF sasailalim sa skills training program ng TESDA-ARMM (Over 100 decommissioned combatants MILF undergo skills training program of TESDA-ARMM)

Sa kabila ng di-pagpasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), hinikayat ng Director for Socio-Economic ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na si Hadzer Birowa ang mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF) na huwag mawalan ng pag-asa na makakamit ang kapayapaan sa Mindanao.

Isa si Birowa sa mga naging panauhin sa isinagawang socio-economic launching program ng Technical Education and Skills Development Authority ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (TESDA-ARMM) para sa mga decommissioned combatants ng BIAF-MILF noong ika-18 ng Pebrero taong 2016.

“Hindi lamang tayo ang nadismaya sa di-pagsasabatas ng BBL kundi maging ang iba na nagbigay ng kanilang tiwala at suporta sa isinulong ng MILF at gobyerno,” ani Birowa.

Aniya, ang hindi pagpasa ng BBL ay hindi katapusan ng usaping pangkapayapaan.
“Kahit na di-naipasa ang BBL, magpapatuloy ang socio-economic program base sa mandato ng Annex on Normalization ng CAB,” sambit ng opisyal.

Dagdag pa niya, ayaw ng ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng TESDA at ng pamunuan ng MILF na bigyan kayo ng tulong na hindi niyo gusto o kaya’y bigyan kayo ng skills training na hindi angkop sa inyong kagustuhan.

Ang 133 na magsasanay ay kabilang sa 145 decommissioned combatants ng MILF na taus-pusong ibinaba ang kani-kanilang armas noong Hunyo 16, 2015 sa ginawang “Ceremonial Turnover of Weapons and Decommissioning  of the MILF Combatants” na ginanap sa Old Capitol, Sultan Kudarat, Maguindanao na pinangunahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Ang nasabing bilang lamang ang kumuha ng libreng kurso at pagsasanay na inihahandog ng TESDA-ARMM.

Apatnapu’t-isa  sa kanila ang kumuha ng driving, carpentry (25), motorcycle/small engine mechanic (23), bread and pastry production (13), dressmaking/tailoring (9), cookery/food processing (4), tig dalawa (2) naman para sa kursong automotive servicing at entrepreneurship training, at tig pito (7) sa kursong welding at electrical installation and maintenance.

Tatanggap ng P206.00 na halaga kada araw ang mga magsasanay kasama na rito ang kanilang pagkain.

Isasagawa ang mga pagsasanay sa Regional Manpower Development Center (RMDC) ng TESDA-ARMM sa Barangay Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao.

http://news.pia.gov.ph/article/view/1661455864730/tagalog-news-mahigit-100-decommissioned-combatants-ng-milf-sasailalim-sa-skills-training-program-ng-tesda-armm

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.