Friday, November 28, 2014

CPP/NDF/Sison: Ang makasaysayang papel at mga kontribusyon ng Kabataang Makabayan

NDF propaganda statement posted to the CPP Website (Nov 30): Ang makasaysayang papel at mga kontribusyon ng Kabataang Makabayan
 47_jms
Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman
Kabataang Makabayan
 
Dahil ako ang naging tagapangulong tagapagtatag ng Kabataang Makabayan (KM) noong 1964 at namuno rito hanggang maobliga akong kumilos nang lihim noong 1968, lubos kong ikinatutuwa at ikinararangal na makalahok sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng KM. Binibigyang-kahulugan at sinasaklaw ng pagdiriwang na ito ang lahat ng pakikibaka, sakripisyo at tagumpay ng kasapian ng KM sa paglilingkod sa kabataang Plipino at buong sambayanang Pilipino.

Pagpapatuloy ng Rebolusyonaryong Tradisyon ng Sambayanang Pilipino

Ninais naming ipundar ang KM sa rebolusyonaryong tradisyon ng sambayanang Pilipino. Kaya sadya naming itinatag ang KM noong ika-101 kaarawan ni Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 1964. Ninais namin siyang parangalan sa pag-oorganisa niya sa Katipunan at pamumuno sa pagpoproklama ng pambansang kalayaan ng sambayanang Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol.

Humalaw kami ng inspirasyon sa kanya bilang rebolusyonaryong ama ng bansang Pilipino at buo ang loob naming sumunod sa rebolusyonaryong tradisyon ng Katipunan at ituloy ang di tapos na rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng pagkukumpleto ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon. Alam na alam namin na inuntol ng imperyalismong US ang rebolusyong Pilipino nang magpakawala ito ng gerang agresyon laban sa sambayanang Pilipino, gawin nitong kolonya ang Pilipinas matapos patayin ang daan-daan libong Pilipino at sanayin ang mga papet nito para sa malakolonyal na paghahari.

Batid naming pumasok na ang Pilipinas sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Naging makabuluhang pwersa na sa lipunang Pilipino ang uring manggagawa bilang pinakaproduktibo at pinakaprogresibong pwersa. Lumitaw na ang Partido Komunista bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa para pamunuan ang pakikibaka ng sambayanan laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon. Magiting nitong nilabanan ang pasistang okupasyon ng Japan at ang sumunod na panibagong pagsaklot ng imperyalismong US sa Pilipinas.

Mulat na mulat noon ang mga tagapagtatag ng KM sa lohikal na ugnayan ng lumang demokratikong rebolusyon na pinamunuan ng burgesya liberal laban sa lumang estilong kolonyalismo at pyudalismong Espanyol at ng bagong demokratikong rebolusyong pinamumunuan ng uring manggagawa laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Mula sa simula’y minithi naming isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan upang mailatag ang daan para sa kasunod na rebolusyong sosyalista.

Ang Patriyotiko at Progresibong Papel at Mga Tungkulin ng KM

Tumayo ang Kabataang Makabayan bilang patriyotiko at progresibong taliba ng kabataang Pilipino. Nilayon nitong maging komprehensibong organisasyon ng mga kabataan mula sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at mula sa mga panggitnang saray. Inialay nito ang sarili bilang taguyod ng uring manggagawa na siyang namumunong uri sa bagong demokratikong rebolusyon. Nilayon nitong maging sentro ng pagsasanay ng mga aktibista ng ligal na demokratikong kilusan at ng mga magiging kadre ng rebolusyon.

Ang Kongreso ng pagtatatag ng KM ay bumuo ng Konstitusyon at Programa ng Pagkilos alinsunod sa pangkalahatang linya ng pakikibakang bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya. Iginiit ng KM ang ganap na pambansang kalayaan, demokratikong mga karapatan at pagbibigay-kapangyarihan sa uring manggagawa, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, katarungang panlipunan, kulturang pambansa, syentipiko at pangmasa at nagsasariling patakarang panlabas para sa pagkakaisa ng lahat ng mamamayan at bansa, kapayapaan at kaunlaran laban sa imperyalismo at reaksyon.

Kabilang sa mga tagapagtatag ng KM ang mga proletaryong rebolusyonaryo at kalahok sa mga aksyong masa mula 1959. Nagmula sila sa kilusang estudyante, sa kilusang unyon, sa kilusang magsasaka at mga sirkulong intelektwal. Mayroon silang pag-unawa sa bagong demokratikong rebolusyon bunga ng naunang mga pag-aaral sa kasaysayan at mga sirkunstansya ng sambayanang Pilipino at sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo. Nagkakaisa sila na ang tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon ay maglalatag ng daan para sa mas mabuti at maaliwalas pang kinabukasan para sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng sosyalismo.

Pagsusulong sa Kilusang Masa at Paghuhubog ng mga Proletaryong Rebolusyonaryo

Isinulong ng KM ang pambansa-demokratikong kilusang masa noong dekada 1960. Pinukaw, inorganisa at pinakilos nito ang mga estudyante sa hayskul at kolehiyo, ang mga kabataang guro at iba pang propesyunal, ang mga kabataan sa Lapiang Manggagawa at mga unyon; at ang kabataan sa mga samahang magsasaka. Nag-organisa kami ng mga balangay sa mga paaralan, pabrika, mga pamayanan ng maralitang lunsod at mga komunidad ng mga magsasaka.

Nagdaos kami ng mga pag-aaral hinggil sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon at sa napapanahong mga isyu. Ang pinakainteresado at abanteng aktibista ay isinama namin sa mga pag-aaral sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo. Determinado kaming isulong ang kilusang masa sa pamamagitan ng pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga kabataan alinsunod sa pambansa-demokratikong linya ng pakikibaka. Kaalinsabay nito, determinado rin kaming humubog ng mga proletaryong rebolusyonaryo mula sa hanay ng mga aktibistang masa. Alinsunod ito sa papel ng KM bilang taguyod ng uring manggagawa at ng rebolusyonaryong partido nito.

Naglabas kami ng mga pahayag at naglunsad ng mga dramatikong aksyong protesta ng masa hinggil sa mga pangyayari at isyung may kinalaman sa pambansang soberanya, karapatang demokratiko at kundisyong panlipunan ng sambayanang Pilipino at ng kabataan. Hinarap namin ang imperyalismong US at ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa sa mga isyung lokal. At nakipagkaisa rin kami sa aping mamamayan ng Asia, Africa at Latin America at mamamayan sa mga imperyalistang bansa.

Ang KM ang naging pinakakilalang organisasyon na bumabatikos at nananawagan sa pagbabasura sa mga di pantay na kasunduan sa US gaya ng US-RP Military Assistance Agreement, Military Bases Agreement, Mutual Defense Pact, Quirino-Foster Agreement at Laurel-Langley Agreement. Siningil namin ang papet na gubyerno sa pagiging sunud-sunuran nito sa imperyalismong US at pagkakanulo sa karapatang soberano at interes ng sambayanang Pilipino.

Inilantad namin at tinutulan ang katangiang kumprador-asendero ng reaksyunaryong gubyerno. Ipinanawagan namin ang pagpapabuti sa sahod at kalagayan ng mga manggagawa, tunay na reporma sa lupa para makinabang ang mga walang lupang magsasaka at magkaroon ng pambansang industriyalisasyon, pagpapalawak ng sistema ng edukasyong publiko sa lahat ng antas, at mas mahusay na kalagayan sa pag-aaral at pamumuhay ng mga estudyante. Binatikos namin ang tuluy-tuloy na paglala ng disempleyo, ang pagbagsak ng sahod, ang sobrang taas ng presyo ng karaniwang mga bilihin at serbisyo at ang kakulangan o kawalan ng mga kinakailangang serbisyong panlipunan.

Puspusan naming kinundena ang US at mga alyadong imperyalista sa panghihimasok at agresyong militar at sinuportahan ang pakikibaka ng mga mamamayang biktima nila. Nilabanan namin ang proyektong Malaysia ng US at UK, ang idinirihe ng US na masaker ng mamamayang Indonesian, ang todo-largang gerang agresyon ng US laban sa mamamayang Byetnames at Indotsino at ang panghihimasok at agresyon ng US laban sa mamamayang Kubano, Koreano at iba pang mamamayan sa Asya, Aprica at Amerika Latina.

Pagtatatag ng mga Alyansa sa Ibang Pwersang Patriyotiko at Progresibo

Upang makapagpalawak ang KM sa partikular na mga lugar, rehiyon o buong bansa, laging nakasalalay ang KM sa sarili nitong lakas at dinadagdagan ito ng mga alyansa sa tukoy na mga uri at sektor at sa batayang multisektoral. Nakakapagrekluta ito ng mga manggagawa at nakabubuo ng mga sangay sa kanilang hanay sa mahigpit na pakikipagkapatiran sa mga pederasyon sa paggawa. Ang mga samahang magsasaka ang nagsasaayos ng mga programang imersyon sa kanayunan ng KM. Nakipag-alyansa ang KM sa mga organisasyon sa kampus at pambansang mga samahan ng mga estudyante at sa mga guro at iba pang propesyunal.

Bago pa man itayo ang KM, ang ilan sa nagtatag nito’y nakapagsimula nang kumilos sa kilusang unyon at sa Lapiang Manggagawa noong 1962. Lumahok sila sa pananaliksik at edukasyon, pag-oorganisa ng mga unyon at pagsuporta sa mga welga. Kaya naging malapit sila sa mga manggagawa at nakapagrekluta mula sa kanila ng mga kasaping magtatatag ng KM. Sa dami ng mahuhusay nilang nagawa, ang naging tagapangulong tagapagtatag ng KM ay naging pangalawang tagapangulo ng Lapiang Manggagawa at pangkalahatang kalihim ng Partido Sosyalista.

Ang mga nagtatag ng KM ay nagsimula ring umugnay nang mahigpit sa mga kadreng magsasaka at kabataang magsasaka sa Central Luzon at Southern Tagalog noong 1963. Ang naging tagapangulo ng KM ay nagturo sa mga beteranong kadreng magsasaka at kanilang mga anak ng mga kurso para marepaso nila ang kanilang mga rebolusyonaryong pag-aaral. Dahil sa kanyang malapit na relasyon sa mga magsasaka, nakapagrekluta mula sa mga kabataang magsasaka ng mga kasaping tagapagtatag ng KM pagsapit ng 1964.

Noong 1966, ang tagapangulo ng KM ay naging pangkalahatang kalihim ng anti-imperyalistang nagkakaisang prenteng organisasyon, ang Movement for the Advancement of Nationalism, sa batayan ng lakas ng Kabataang Makabayan at ng malapit na relasyon nito sa mga kilusang manggagawa at magsasaka at sa kilusang estudyante at progresibong mga sirkulo ng mga intelektwal. Ilang malalaking anti-imperyalistang aksyong masa ang inilunsad sa pangunguna ng MAN.

Pagharap sa Tumitinding Pang-aapi at Pagsasamantala

Taun-taon ay lumala ang pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ang malawak na masa ng sambayanan ay nagdurusa sa pagtindi ng pang-aapi at pagsasamantala. Laganap ang disempleyo at pumapaimbulog ang presyo ng saligang mga bilihin at serbisyo. Labis ang pasanin ng mga magsasaka sa pang-aagaw ng kanilang lupa at lumalaking upa sa lupa. Pasan ng mga kabataang estudyante ang lumalaking gastos sa pag-aaral at pamumuhay.

Lalong naging marahas ang reaksyon ng rehimeng Marcos sa mga protestang masa hinggil sa mga usaping lokal. Nang hingin ng US ang pagsangkot ng Pilipinas sa gerang agresyon ng US sa Vietnam, agad pumayag si Marcos at pinakawalan ang militar at pulisya laban sa mga kabataang pinamunuan ng KM na nagprotesta sa Manila Summit noong 1966 kung saan nakipagpulong si Presidente Lyndon Johnson ng US sa mga lider ng mga bansang katuwang at papet nito sa rehiyong Asia-Pacific. Bilang tugon, pinaigting ng KM ang pagpapakat ng mga aktibistang lunsod sa gawaing masa sa kanayunan upang maghanda sa digmang bayan.

Kumalat sa buong bansa ang KM. Nagrekluta ito ng mga lider-estudyante mula sa mga pambansang organisasyon ng mga mag-aaral at mula sa pagdaluyong ng mga aklasang estudyante. Nagkaroon ito ng mga kasapi at balangay sa lahat ng rehiyon at sa karamihan ng mga prubinsya, kabilang ang mga lugar ng Moro sa Mindanao at sa mga prubinsyang BIBAK ng Cordillera. Nagbigay ito ng espesyal na atensyon sa mga pambansang minorya dahil nananatili silang pinakapinagsasamantalahan at pinakaapi at dahil nilabanan nila ang paghaharing dayuhan. Nagbigay ito ng edukasyong pampulitika at pagsasanay sa malao’y magiging lider ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mamamayang Moro at Igorot.

Pampulitikang Edukasyon, Propaganda at Gawaing Pangkultura

Sa pag-oorganisa ng mga balangay nito, laging may grupong OD-ED ang KM. Tinitiyak ng kadre sa OD na naisasagawa ang mga pulong pang-organisasyon nang koordinado sa mga dapat organisashin at ang tsapter ay itinatatag sa paghahalal ng mga upisyal. Tinitiyak ng kadre sa ED na mayroong sapat na pag-unawa ang mga rekluta sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon, sa mga pinakamahalagang punto sa Konstitusyon ng KM at sa Programa sa Pagkilos at sa maiinit na isyu.

Para sa pampulitikang edukasyon, ang handbook ng KM ng mga saligang dokumento ang nagsilbing batayang instrumento sa pagrerekluta ng mga kasapi at pagbubuo ng mga tsapter. Sinuhayan ito sa pagkakalimbag ng libro ng Tagapangulo ng KM na Struggle for National Democracy (Makibaka para sa Pambansang Demokrasya) noong 1967. Ibayo pa itong sinuporthan ng Philippine Society and Revolution (Lipunan at Rebolusyong Pilipino) ni Amado Guerrero noong 1969. Ang bawat aklat ay masugid na binasa at pinag-aralan ng kasapian ng KM.

Sa tuwing naitatag ang KM sa syudad, prubinsya at rehiyon at nabubuo ang mga namumunong sentral na organo nito, maingat na tinitiyak ng KM na mayroong kwerpo ng mga kadre sa KM na nakapag-aral ng saligang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo.

Kapag naglulunsad ng mga aksyong masa, nagsasagawa ng mga paghahandang pulong at rali sa mga lokalidad. Binabalangkas ang mga manipesto at ipinamamahagi. Nagsasagawa ng mga brodkas na pang-ahitasyon sa mga lansangan. Inihahanda ang mga ispiker na mahusay sa ahitasyon. Sinasanay ng Kagawaran sa Edukasyon at Propaganda ng KM ang mga manunulat at ispiker para sa gayong layunin.

Para maging mas interesante at kaakit-akit ang mga aksyong masa, nagtatanghal ng mga pangkulturang bilang sa mga lansangan at sa mga itinatayong entablado. Sa gayong layunin, hinikayat ng Kawanihan sa Kultura ng KM ang pag-oorganisa ng mga grupong pangkultura at ang pagpapalitaw ng mga tagapagtanghal sa iba’t ibang anyo ng sining.

Ang mga Proletaryong Rebolusyonaryo Kontra sa mga Rebisyonistang Lava

Signipikanteng bilang ng mga abanteng aktibista ng KM ang umanib sa lumang
pinagsanib na Partido Komunista at Sosyalista gaya ng tagapangulo ng KM na naunang umanib dito noong 1962. Binubuo nila ang pinakamalaki at pinakamulat na bahagi ng partido. Pinag-aralan nila ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, pinuna at itinakwil ang modernong rebisyunismong nakasentro sa Soviet Union, sinuportahan ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa China at itinaguyod sa Pilipinas ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Nakuha ng mga nakababatang proletaryong rebolusyonaryo na nagtatag ng KM ang kanilang rebolusyonaryong edukasyon sa kasaysayan ng Pilipinas at mga tampok na isyu sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo mula pa noong 1959, na independyente sa lumang pinagsanib na partido. Naglaho na kung tutuusin ang partidong ito mula pa 1957 nang ihayag ng pangkalahatang kalihim nito ang likidasyunistang patakarang “single file.” Binigyan lamang niya ng pahapyaw na pansin ang lumalakas na kilusang kabataan nang maganap ang raling anti-CAFA noong 1961 at hindi man lamang nag-alok ng anumang paggabay.

Nang ang awtoridad ng komiteng tagapagpaganap at kalihiman ng lumang partido ay agawin noong 1966 ng isa sa mga anak ng mga Lava na hiwalay sa kilusang masa at pultaym na empleyado ng reaksyunaryong gubyerno, nagkaisa ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa loob ng KM at ang mga nakatatandang kadre sa kilusang paggawa at kilusang magsasaka, na ilunsad ang Kilusang Pagwawasto noong 1966 at buuin ang Probisyunal na Kawanihang Pampulitika noong 1967. Pinuna at itinakwil nila ang mahabang kasaysayan ng oportunismong Lava at naghanda para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968.

Ibayong Pagbangon ng Kilusang Masa

Ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968 at ang pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan ay isinapubliko. Nagsilbing inspirasyon ito sa kilusang masa sa pambansang punong lunsod at sa pambansang saklaw noong 1969. Lumaganap ang mga welga ng mga manggagawa laban sa mga mapang-api at mapagsamantalang may-ari ng mga pagawaan. Patuloy ding lumaganap na parang apoy ang mga protestang rali ng mga estudyante laban sa rehimeng Marcos at ang mga welga ng mga estudyante kontra sa mga ultra-reaksyunaryong awtoridad ng mga eskwelahan. May malaking grupo ng mga magsasaka mula sa Central Luzon na humugos sa Maynila para igiit ang reporma sa lupa noong 1969.

Pumutok ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at pinag-alab ng mararahas na pagwasak sa mga protestang rali at martsa. Nagtipon sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ang mga kabataan, mga manggagawa at ang taumbayan sa pangkalahatan. Ang papalawak na hanay ng mga nagmamartsa ay nagsanib sa sentro ng Maynila at nagrali sa Kongreso, sa palasyo ng presidente at sa embahada ng US. Nasa 50,000-100,000 ang lumahok sa mga lingguhang aksyong masa. Isinigaw nila ang “Makibaka, huwag matakot! Digmang bayan ang sagot sa batas militar!”

Lumitaw ang Diliman Commune sa University of the Philippines noong maagang bahagi ng 1971. Mitsa nito ang pagtaas ng presyo ng langis na sanhi ng mas mataas na gastos sa pag-aaral at pamumuhay. Iniutos ng rehimeng Marcos na pasukin ng mga pulis at militar ang kampus. Subalit lumaban ang mga estudyante at mga guro sa pamamagitan ng pagbabarikada at pag-okupa sa mga gusali at paligid ng pamantasan. Naganap ang mga protestang aksyong masa ng mga kabataan, manggagawa at mga magsasaka sa pambansang saklaw sa halos kalakhan ng taon.

Paghahanda at Pagpapatupad ni Marcos sa Pasistang Diktadura

Matapos magwagi sa eleksyong presidensyal noong 1969 sa pamamagitan ng pandaraya at terorismo at maluhong paglustay ng pondong publiko, nagpakita si Marcos ng palatandaang nagpaplano siyang magtagal nang walang taning sa poder. Nagsasatsat siya ng linya na ang Pilipinas ay panlipunang bulkan at nangangailangan na ng di-karaniwang mga hakbangin. Nagpakana siya at hinikayat niya rin ang kanyang mga pampulitikang alipures at mga kleriko-pasista na manawagan ng malaking pagbabago sa konstitusyon ng Pilipinas ng 1935 para matanggal niya ang maksimum na limit na dalawang apat-na-taong termino ng presidente at makamit ang kanyang ambisyong maging pasistang diktador.

Siya ang utak sa pagpapasabog ng granada sa miting de abanse ng oposisyong Partido Liberal sa Plaza Miranda noong 1971. Ilang oras lamang matapos ang insidente, isinisi niya ito sa Partido Komunista ng Pilipinas at sa kanyang pangunahing karibal sa pulitika na si Sen. Benigno Aquino Jr. at sinuspinde ang writ of habeas corpus. Nag-utos siya ng mga reyd sa mga upisina ng Kabataang Makabayan sa buong bansa at iba pang pambansa-demokratikong organisasyong masa at pag-aresto sa kanilang mga lider. Ang suspensyon ng writ of habeas corpus ang ensayo para sa pasistang deklarasyon ng batas militar noong 1972.

Bunga ng suspensyon ng writ of habeas corpus at ng mga reyd at pag-arestong nakatutok sa pambansa-demokratikong kilusan, pinabilis ng KM ang pagtatalaga sa pinakalantad at mga “wanted” na lider nito sa kilusang lihim sa kalunsuran at sa mga sonang gerilya. Pinanatili nitong bukas ang Bonifacio Center at ang iba pa nitong upisina sa kalunsuran subalit nilimitahan ang pagpapakita ng mga upisyal ng KM na nasa listahan ng mga “wanted” ng militar o yaong mga pinakabulnerableng maaresto. Dahil sa mga protestang masang pinangunahan ng Movement of Concerned Citizens for Civil Liberties, nagkunwari si Marcos na tanggalin ang suspensyon ng writ of habeas corpus. Gayunpaman, naghanda ang KM sa inaasahang proklamasyon ng batas militar, na pormal na ginawa ni Marcos noong Setyembre 21, 1972.

Bago pa man ang 1972, nagdeploy na ang KM ng mga kasapi ng Partido na nasa KM at mga sulong na masang aktibitsa para umanib sa Bagong Hukbong Bayan o sa gawaing masa sa kanayunan upang ihanda ang mga lokal na erya para sa pagpapaunlad ng mga sonang gerilya. Subalit matapos ang deklarasyon ng batas militar, di hamak na mas malaking bilang ng mga kasapi ng KM ang umanib sa hukbong bayan at naggawaing masa sa kanayunan. Nang matulak na kumilos nang lihim, pumailalim ang KM sa pangangasiwa ng Komisyon sa Paghahanda ng National Democratic Front. Naging mahalagang bahagi ito ng proseso sa pagbubuo ng National Democratic Front na nag-umpisa sa pagpapalaganap ng 10-Puntong Gabay ng NDF noong Abril 24, 1973.

Mga Ambag ng KM sa Digmang Bayan at sa Nagkakaisang Prente

Utang na loob ng Partido Komunista ng Pilipinas sa KM ang pag-abot nito ng pambansang saklaw at malalim na pag-ugat sa masa. Sa 14-na-taong itinakbo ng pasistang diktadurang Marcos, naging mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga upisyal at myembro ng KM. Nagkaroon sila ng mga responsableng pusisyon sa mga namumuno at organong istap ng PKP. Sila’y naging mga kumander at upisyal sa pulitika ng Bagong Hukbong Bayan. Inorganisa nila ang iba’t ibang anyo ng rebolusyonaryong kilusang masa para sa mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, guro, manggagawang pangkalusugan, mga aktibistang pangkultura at iba pa.Lumahok sila sa pagbubuo at pagpapagana ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang mga upisyal at myembro ng KM ay nagmula sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka, mga panggitnang saray ng lipunan at iba’t ibang sektor. Nasa pusisyon silang tumulong sa pagtatayo ng nagkakaisang prente sa iba’t ibang antas ng teritoryo at iba’t ibang larangan ng aktibidad panlipunan. Sila ang pwersang nagbuklod sa hanay ng kabataan mula sa iba’t ibang patriyotiko at progresibong uri at sektor. Ang KM ay naging tampok na bahagi ng National Democratic Front.

Nagkaroon ng edukasyong pampulitika at pagsasanay ang mga lider ng Moro National Liberation Front, kabilang si Nur Misuari, nang sila’y mga lider at kasapi ng KM. Walang pagod na hinikayat ng KM ang mga aping pambansang minorya na igiit at gamitin ang kanilang karapatan sa pambansang pagpapasya-sa-sarili. Kaya tinahak ng mamamayang Moro at Lumad sa Mindanao, ng mamamayang Igorot, at iba pang mga tribo sa kabundukan at ng mga Aeta, ang rebolusyonaryong landas.

Pagbagsak ng Pasistang Diktadura

Signipikanteng pwersa ang KM sa 14 na taong pakikibaka laban sa pasistang diktadurang Marcos mula umpisa hanggang katapusan. Sa buong Pilipinas, lumahok ang mga upisyal at kasapi ng KM sa digmang bayan upang labanan ang pasistang rehimen at ang buong naghaharing sistema. Sila ay nasa Partido Komunista ng Pilipinas, sa Bagong Hukbong Bayan, sa lihim na mga organisasyong masa at sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.

Nagmantine at nagpaunlad sila ng mga lihim na network sa kalunsuran. Kumilos sila sa pamamagitan ng mga di lantad na aktibista sa hayag na mga organisasyon at institusyon. Bigla silang lumilitaw at nawawala sa mga raling iglap, namamahagi ng mga polyeto, nagpipinta ng mga islogan sa mga pader at nagdidikit ng mga poster sa mga pampublikong lugar. Sinusubaybayan nila ang mga pwersa ng kaaway at nagbibigay ng kinakailangang datos-paniktik sa mga armadong partisano sa kalunsuran.

Naroon sila sa lahat ng pagsisikap na muling buhayin sa kalunsuran ang kilusang masa nang waring napatahimik ng pasistang rehimen ang mamamayan noong dekada 1970 at maagang bahagi ng dekada 1980. Sangkot sila sa hayag na muling pagtatatag ng mga patriyotiko at progresibong unyon sa paggawa, mga organisasyong pang-estudyante at iba pang tipo ng mga organisasyong masa. Sila’y nasa mga alyansang antipasista. Kasunod ng asasenasyon ni Aquino, kabilang sila sa pinakadeterminado at pinakamilitanteng mga aktibista sa lumalaking kilusang masa na siyang nagpabagsak sa diktadura.

Sa napakaraming mga paraan, malaki ang naging ambag nila sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Nagtrabaho sila nang husto at nagsakripisyo sa kalunsuran at kanayunan. Malaking porsyento ng mga dinukot, tinortyur at pinatay ng pasistang rehimeng Marcos ay nagmula sa KM o nakakuha ng pampulitikang edukasyon at karanasan mula sa KM.

Pagpupunyagi sa Lihim na Kilusan at Pangmatagalang Pananaw

Matapos ang pagpapabagsak sa pasistang diktadurang Marcos, nagpasyang magpunyagi ang Kabataang Makabayan sa rebolusyonaryong kilusang lihim bilang isa sa mga mayor na bahagi ng National Democratic Front. Mula nang simulan ang pakikibaka sa pasistang rehimen, nagsilbi na ang KM bilang Communist Youth League (Liga ng mga Kabataang Komunista). Ito ay ayon sa komitment ng KM mula pa noong itatag ito 50 taon na ang nakararaan, na maging taguyod ng uring manggagawa na siyang taliba ng demokratikong rebolusyon ng bayan at maging sentro ng pagsasanay ng kabataan para sa rebolusyon.

Sinaklaw ko ang mga tungkulin at tagumpay ng KM mula nang itatag ito hanggang sa pagbagsak ni Marcos noong 1986. Nasa pinakamahusay na pusisyon ang kasalukuyang pamunuan ng Kabataang Makabayan upang balikan ang kasaysayan nito, laluna mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, upang malagom at matasa ang rekord nito, mailatag ang mga tungkulin at pamamaraan para sa ibayong pagsulong at tanawin ang mas malalaking tagumpay sa hinaharap.

Napakarami pang dapat gawing trabaho, sakripisyo at militanteng pakikibaka upang makamit ang batayang kagampan ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng pagbabagsak sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa na minamanduhan ng US. Maaari lamang tayong tumungo sa sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino matapos maagaw ng proletaryado at mamamayan ang kapangyarihang pampulitika at maitatag na ang demokratikong sistema ng estadong bayan. Mula rito, maaari na nating planuhin at ilunsad ang sosyalistang rebolusyon at sosyalistang konstruksyon.

Subalit dahil ngayon pa lamang ay may malinaw na tayong sosyalistang perspektiba, tumitingala tayo sa pamumuno ng uring manggagawa bilang pinakaprogresibo at pinakaproduktibong pwersa sa pagkukumpleto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa paglulunsad ng sosyalistang rebolusyon.

Taglay nito ang rebolusyonaryong teorya at praktikal na karanasan upang kumprontahin, labanan at gapiin ang malaking burgesya. Taglay din nito ang teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon at panimulang praktika ng pagkokonsolida sa sosyalismo, paglaban sa modernong rebisyunismo at paghadlang sa panunumbalik ng kapitalismo.
Responsabilidad ng KM ang rebolusyonaryong edukasyon at pagsasanay ng kabataan. Upang maitaguyod ang sosyalistang perspektiba, dapat nitong palaganapin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Sinasaklaw nito ang saligang turo nina Marx at Engels sa panahon ng Marxismo, ang karagdagang turo nina Lenin, Stalin at Mao hinggil sa pagwawagi ng proletaryong rebolusyon at pagtatatag ng sosyalistang lipunan sa panahon ng Marxismo-Leninismo at ang panimulang pagtatangka ni Mao na konsolidahin ang sosyalismo, labanan ang modernong rebisyunismo at hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo sa panahon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Ang matagalan at papalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo, na kinatatangian ng walang hanggang kahayukan ng monopolyo burgesya at oligarkiya sa pinansya sa ilalim ng neoliberalismo at ng tumitinding terorismo ng estado at mga gerang agresyon ay humihimok sa atin na mas determinado at mas militanteng magpunyagi para kumpletuhin ang demokratikong rebolusyon ng bayan at tumungo sa sosyalistang rebolusyon.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141130_ang-makasaysayang-papel-at-mga-kontribusyon-ng-kabataang-makabayan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.