Sunday, May 28, 2023

CPP/NPA-Palawan: Pasilidad nukleyar na itatayo sa Palawan, hindi sagot sa kakulangan ng kuryente!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 25, 2023): Pasilidad nukleyar na itatayo sa Palawan, hindi sagot sa kakulangan ng kuryente! (Nuclear facility to be built in Palawan, not the answer to the lack of electricity!)
 


Andrei Bon Guerrero
Spokesperson
NPA-Palawan (Bienvenido Vallever Command)
New People's Army

May 25, 2023

Mariing tinututulan ng BVC-NPA Palawan, kaisa ng mamamayang Palaweño, ang pagkukunsidera sa lalawigan bilang ideyal umanong lokasyon para pagtayuan ng pasilidad ng small modular reactor (SMR) bilang solusyon sa kakulangan ng kuryente at enerhiya sa bansa.

Ang SMR, isang anyo ng plantang nukleyar, na inilalako ay hindi estableng enerhiyang nukleyar, hindi pa napatutunayan ang epektibidad, napakamahal at magdudulot ng malaking panganib sa mga komunidad malapit sa pagtatayuan nito.

Kahangalang idinadahilan ni Marcos Jr., kasabwat si Jose Chavez Alvarez, ang di istableng suplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa at Palawan para bigyang katwiran ang nasabing teknolohiyang militar. Lantaran ding sinabi ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na apektado ang pagpapalakas ng turismo at higit pang paglalako ng kalikasan ng Palawan tulad ng El Nido at underground river sa dayuhan dahil sa kakulangan ng kuryente sa gabi.

Kung tutuusin, napakayaman ng bansa, maraming likas na rekursong langis at iba pang ligtas na maaaring pagmulan ng enerhiya. Sa Palawan pa lamang, may 11 bilyong bariles na deposito ng langis at 190 trilyong cubic feet ng natural gas na matatagpuan sa Kalayaan Island Group. Gayunman, iniaasa ng reaksyunaryong gubyerno sa mga dayuhang mamumuhunan ang eksplorasyon ng langis sa halip na paunlarin ang sariling produksyon. Tampok dito ang pag-apruba ni Marcos II ng eksplorasyon ng langis sa Palawan ng Nido Petroleum ng Australia noong Oktubre 2022.

Dominado rin ng mga dayuhan at malalaking burgesyang kuprador ang mababang antas ng renewable energy generation sa bansa tulad ng hydropower, geothermal energy, solar energy, wind power at biomass na maaari sanang maging alternatibong pagkunan ng enerhiya. Kontrolado rin ng mga pribadong kumpanyang Shell at Chevron, kasabwat ang reaksyunaryong gubyerno ang pagmimina ng natural gas sa Malampaya gas field sa Palawan. Dito nagmumula ang 20% ng suplay ng kuryente sa bansa na hindi naman pinakikinabangan ng mamamayang Palaweño. Pinangangambahan ding paubos na ang sinusuplay na kuryente nito.

Upang mailarga ang SMR bilang inilalako nilang solusyon, mamumuhunan ang kumpanyang NuScale Power Corporation ng US para rito. Maglalagak diumano ito sa bansa ng hanggang $7.5 bilyon para sa suplay ng kuryente ng hanggang 430 megawatts mula sa SMR sa taong 2031. Ang mga SMR ng kumpanya ay hindi pa naitatayo, napagagana o nasusubok sa komersyal na produksyon ng kuryente saanman sa mundo mula nang sinimulan itong paunlarin noong dekada 2000.

Napakalaki rin ng halagang kailangang gastusin para sa pagtatayo ng planta ng SMR. Nagkakahalaga ng $5.3 bilyon hanggang $9.3 bilyon ang konstruksyon ng 8-12 SMR na makapagpoprodyus ng kuryenteng 462 megawatt (MW). Tatagal ng hanggang 54 buwan ang konstruksyon nito bago mapakinabangan.

Dagdag pa, nakagugulantang ang presyong $89 kada megawatt-hour (MWH) mula sa SMR kumpara sa $40/MWH presyo ng produksyon mula sa solar at $30/MWH mula sa hangin noong 2020. Pagsapit ng 2030, tinatayang nasa $20/MWH na lamang ang produksyon mula sa solar at hangin habang posibleng umabot sa $200/MWH ang gastos ng produksyon ng SMR nito.

Hindi rin totoo na “mas malinis” ang mga SMR kumpara sa malalaking plantang nukleyar. Sa katunayan, ayon sa pag-aaral ng Stanford University noong 2022, mas malaki ang bolyum ng nuclear waste na inilalabas ng mga SMR. Ang mga nuclear waste mula sa mga plantang ito ay mananatiling radioactive at mapanganib sa loob ng ilampung libong taon. Bukod pa sa pagkawasak sa kalikasan, magdudulot din ng malubhang epekto sa buhay, kalusugan at kabuhayan ng mamamayan ang radyasyon at polusyon mula sa mga plantang nukleyar.

Ang paghahanap ng mapagtatayuan ng SMR ay mula sa tulak ng imperyalismong US matapos na mapirmahan ang kasunduang 123 Agreement Negotiations for Civil Nuclear Energy Cooperation sa pagitan nito at ng papet na rehimeng Marcos II nang bumisita si US Vice President Kamala Harris sa bansa noong nakaraang taon. Laman ng kasunduang ito ang pag-eeksport ng US ng kagamitang nukleyar at materyal sa Pilipinas at pagdedeploy ng US ng advanced nuclear reactor technology sa bansa. Sa katunayan, nasa likod nito ang adyendang militar ng US lalo at ang mga reaktor na ito ay maari ring magprodyus o magsuplay ng enerhiya ng mga armas nukleyar. Labag ito sa pinirmahang mga kasunduan ng reaksyunaryong estado para sa nuclear non-proliferation (pagbabawal para sa produksyon ng mga armas nukleyar). Nasa balangkas din ang Kasunduang 123 at pagtatayo ng mga SMR sa Pilipinas sa paghahanda para ng imperyalismong US sa digma sa rehiyong Indo-Pacific.

Dapat na kundenahin at tutulan ng sambayanan ang planong pagtatayo ng mga pasilidad ng SMR sa Palawan at iba pang bahagi ng bansa. Kasabay nito, isulong ang pagpapaunlad ng ligtas at sustenableng renewable energy. Mariin ding tutulan ang mapanganib na teknolohiyang nukleyar na nagsisilbi sa interes ng imperyalismo. Singilin ang papet na rehimen at lokal na reakyunaryong gubyerno sa pagiging sunud-sunuran nito sa imperyalismong US na gawing lunsaran ng mga eksperimentong militar at nukleyar ang bansa sa kapinsalaan ng mamamayan. Dapat na higit na paigtingin ang digmang bayan upang mawakasan ang malakolonyal at malapyudal na lipunang dinodominahan ng dayuhan at lokal na naghaharing-uri. Tanging sa pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan maitatatag ang sosyalistang lipunan na magpapatupad ng tunay at dekalidad na serbisyong panlipunan. Kumpiskahin at isabansa ang mga industriya ng enerhiya at kuryente sa kamay ng mga malalaking burgesyang kumprador. Sa programa ng pambansang industriyalisasyon kaakibat ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa bibigyang solusyon ang kakulangan ng kuryente sa bansa at iba pang kahirapang dinaranas ng sambayanang Pilipino!

https://philippinerevolution.nu/statements/pasilidad-nukleyar-na-itatayo-sa-palawan-hindi-sagot-sa-kakulangan-ng-kuryente/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.