Inisnayp ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang mga sundalo ng 87th IB na nagkakampo sa Sityo San Pedro, Barangay Poblacion 3, San Jose de Buan, Western Samar noong Hunyo 9. Nagtatayo ng bakod sa loob ng sityo ang mga mga sundalo para sa plano nilang detatsment dito.
Napatay sa isnayp ang sundalong si Corporal Marvin Calvintos ng 87th IB. Pinaulanan ng mga Pulang mandirigma ng bala ang mga sundalo na nagresulta sa pagkasugat ng marami sa kanila.
“Ang pag-isnayp ay parte ng pagpaparusa ng BHB sa mga sundalong inirereklamo ng masa dahil sa mahaba nang listahan ng mga paglabag nito sa karapatang-tao ng mga taga-San Pedro,” ayon sa BHB-Western Samar.
Duwag na gumanti ang mga sundalo ng 87th IB at Task Force Storm ng 8th ID sa mga sibilyan at komunidad. Kinanyon nila ang mga bundok at bukid malapit sa naturang sityo na nagdulot ng ligalig sa mga magsasaka. Karamihan sa mga magsasaka ay hindi na nakapagsaka sa kanilang kaingin. Ang iba ay natulak na magbakwit sa takot na tamaan ng mga bomba.
Ang San Pedro ay militarisado na simula ng taong 2024. Naitala dito ang patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao.
Noong Pebrero, ninakaw ng mga nag-ooperasyong sundalo ang mga manok ng isang magsasaka. Ipinagtatapon naman ng mga sundalo ang bigas at mga palay ng isa pang magsasaka. Sa buwan ding iyon, isang magsasaka na nasa kanyang bukid ang tinangkang barilin ng isang sundalo.
Noon ding Marso, halos isang linggong pinagbawalan ng mga sundalo ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang bukirin pagkatapos na magkaron ng engkwentro ang BHB at mga elemento ng 87th IB sa Barangay Can-Aponte, San Jose de Buan.
Sa hatinggabi ng araw ng engkwentro, isang kabataan ang tinangkang dukutin ng mga sundalo sa duda nilang kasama siya sa mga naka-engkwentro. Napatunayan ng mga magulang na hindi kasama sa engkwentro ang naturang kabataan.
Samantala, tuluy-tuloy ang pagsisikap ng hukbong bayan na ipagtanggol ang masang magsasaka mula sa pag-atake ng mga sundalo. Naglunsad ng isnayp ang BHB-Western Samar laban sa kampo militar sa Barangay Santo Ñiño, Motiong noong Abril 3. Napatay dito ang isang sundalo at elemento ng CAFGU. Muling pinaputukan ng hukbong bayan ang kampo pagkatapos ng 30 minuto.
Noon namang Mayo 14, pinaputukan ng isang yunit ng BHB ang mga sundalo na nakakampo sa Barangay San Fernando, Jiabong.
Ang nasabing mga taktikal na opensiba ay bahagi ng pagtugon ng BHB-Western Samar sa panawagan ng Partido na pag-apuyin ang digmang bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga kakayaning taktikal na opensiba para makapagpalakas at maiangat ang kakayahan ng mga Pulang kumander at mandirigma.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-sundalong-nagtatayo-ng-kampo-sa-baryo-inisnayp-ng-bhb-western-samar/