Ma. Laya Guerrero
Spokesperson
Kabataang Makabayan
Maituturing na pambansang pagtataksil ng rehimeng Aquino ang pakikipagkasundo sa imperyalistang amo nito sa muling pagbabalik ng base militar ng Amerika sa bansa at pagbubukas sa Pilipinas sa walang sagkang panghihimasok ng tropang militar ng US.
Ang paglagda ng rehimeng Aquino sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Abril 28 ay paunang regalo sa pagdating ng puno ng imperyalistang US na si Barack Obama. Naglalaman ito ng mga probisyong nagsusuko sa pambansang soberanya ng Pilipinas sa US at tahasang pagyurak ng teritoryal na integridad, demokrasya at karapatan ng mga Pilipino.
Tinangka pang pabanguhin ang EDCA at isinama ang “humanitarian assistance and disaster relief” o HADR diumano sa sakop ng EDCA. Ang mga HADR na ito ay mga nakakubling operasyong psywar at nakakomoplaheng operasyong militar ng US at AFP tulad ng patuloy na pananatili ng tropa ng US sa Silangang Visayas matapos ang bagyong Yolanda.
Sa pamamagitan ng EDCA, pinupormalisa ng rehimeng US-Aquino ang papalaking presensyang militar ng US sa ating bansa at pagbabase tulad ng 700-tropa ng US na nakabase sa Camp Navarro sa Zamboanga mula 2002. Sakop ng EDCA ang kondukta ng mga tropang militar na walang-sagkang nakakapanatili sa ating teritoryo, pagdaan, paglalagi at pagtago ng mga kagamitang pandigma at armamentong-nukleyar ng US sa bansa, pagtatayo ng mga pasilidad pang-espiya at base militar, at pagyurak sa karapatan ng ating mga kababaihan, mga bata at mamamayan.
Ang EDCA ay malinaw na mas masaklaw sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1999 at mas masahol sa US-RP Military Bases Agreement (MBA) na nilagdaan noong Marso 1947. Ang MBA ay nagbigay ng 99 taong karapatan sa US para sa paggamit ng mga base militar at ibang gamit sa loob ng mga enklabong sakop ng base. Halos magtatagal hanggang sa 2046 ang pagiral ng mga base ayon sa MBA, at naamyendahan lamang ito matapos ang mga protesta ng mamamayan at itinakdang ang 1991 bilang pagtatapos nito.
Sa EDCA walang taning ang pag-iral ng mga baseng militar, instalasyon at tropang-militar ng US sa bansa kahit pa lagpas sa 100 taon! Nililinlang ng rehimeng Aquino at US ang mamamayang Pilipino ng kunwa-kunwaring paglalagay ng 10-taong termino sa EDCA samantalang ang eksaktong isinasaad ng EDCA na
“This Agreement shall have an initial terms of ten years, and thereafter, it shall continue in force, unless terminated by either Party by giving one year’s written notice through diplomatic channels of its intention to terminate this Agreement” (Article XXII, Section 4) ay hindi eksaktong limitasyon at
cumpolsory term limit kundi matapos ang 10-taon ay normalisasyon ng EDCA at patuloy na operasyon ng base at tropa ng US sa bansa.
“Neither confirm o deny” ang polisiya ng US patungkol sa mga kagamitang nukleyar kaya hindi matitiyak ng Pilipinas na walang dalang nukleyar na armas ang US at anumang inspeksyon ng gobyerno ng Pilipinas sa base ay hindi pahihintulutan ayon sa EDCA kung hindi ito naayon sa “seguridad at kaligtasan” na itinakda ng US. Kahit na matapos mapatalsik ang mga base militar ng 1991, nagpatuloy ang pagdaong ng mga
submarine na
nuclear-capable at
nuclear-carrier ships tulad ng USS Washington
super-carrier, USS North Carolina, submarinong
nuclear-capable USS Hawaii,
missile-destroyer USS Milius at iba pa sa teritoryo ng Pilipinas.
Tahasang pagsuko ng pambansang dangal ang pagpayag ng rehimeng Aquino sa EDCA na nagsasaad na walang hurisdiksyon ang Pilipinas ang mga korte sa bansa sa mga kaso o paglabag sa kurso ng paglagi ng mga tropang militar at kanilang kagamitan sa Pilipinas. Pumayag din ang papet na gobyerno na hindi idudulog ang anumang kaso sa anumang internasyunal na tribunal o korte. Ang mga mabibigat na kasong tulad ng panggagahasa kay Nicole noong 2005, pagbaril kay Buyong-Buyong Isnijal at mga paglabag tulad ng pagtatapon ng
toxic waste at iligal na paglayag sa protektadong mga lugar tulad ng ginawa ng USS Guardian na humantong sa pagkasira ng Tubbataha Reefs, ay hindi kailanman pinanagutan ng US at mga tropa nito alinsunod sa batas ng Pilipinas.
Maamong tupang nakayukod si Aquino at mga alipores sa paglagda ng EDCA at sa paggamit ng US sa Pilipinas bilang
launching pad para sa planong militarisasyon ng Asya Pasipiko. Nais ilipat ng US sa Asya Pasipiko ang 60% ng kanyang tropa at lakas-militar hanggang 2020 maliban pa sa kasalukuyang nakaistasyong US 7th Fleet sa ilalim ng US Pacific Command sa rehiyon.
Ang US na ngayo’y nakakaranas ng matinding depresyong pang-ekonomya, ay ititutulak ang estratehiyang “Pivot to Asia and Pacific”. Nais tiyakin ng US na masasakatuparan ang mga pangekonomyang interes nito sa rehiyon para sa kapitalistang super-tubo, at kinukurdonan din nito ang pagpapalakas ng Tsina, bilang pangunahing karibal na kapangyarihang pang-ekonomya ng US sa Asia Pasipiko at mundo.
Ginagatungan ng US ang hidwaan ng Pilipinas at iba pang bansa sa Silangang Asya laban sa Tsina. Imbes na tumulong upang higit na maresolba sa diplomatikong paraan ang usapin ng Scarborough, pinapayagan pa ng papet na rehimeng Aquino na magronda at maglunsad ng
fly-bys ang mga
fighter jets ng US malapit sa pinagtatalunang bahagi ng South China Sea. Nagkukunwaring tutulungan ng US ang Pilipinas sa usapin nito sa Tsina hinggil sa Scarborough Shoal at Spratlys at ginagamit ng rehimeng Aquino ang katwirang ito upang ipatanggap sa mamamayan ang EDCA at umiigting na panghihimasok ng US.
Sa ilalim ng dominasyon ng US sa lahat ng rehimeng nagdaan, ang estado ay hindi man lamang makapagbuo ng nagsasariling patakang panlabas ng hindi naayon sa interes ng US. Sa kasalukuyan pumupostura ang rehimeng Aquinong idadaan sa negosasyon ang hiwaan sa Tsina para sa pag-gigiit ng Pilipinas ng Exclusive Economic Zone (EZZ) sa ilang bahagi ng South China Sea sa isang diplomatikong aksyon sa UN. Ngunit ginawa ito ng rehimeng Aquino kaalinsabay ng pang-uupat ng tensyon sa Tsina sa pamamagitan ng katambal nitong lubos na pangangayupapa sa US. Hindi makatotohanan ang pagtindig ni Aquino para sa prinsipyo ng pambansang soberanya at teritoryal na integridad habang buong-buong binubuyangyang nito ang teritoryo ng bansa sa paggamit at panghihimasok ng US.
Sa kasaysayan, ilang beses ng ginamit ng US ang Pilipinas bilang lunsaran ng mga digmang agresyon nito sa mundo. Kabilang dito ang pagsugpo ng Boxer Rebellion sa Tsina (1900), Pagpadala ng tropang militar sa Siberia upang tumulong sa Tsar (1918-1920), Pagpadala ng hukbong pandagat sa Quemoy-Matsu sa Tsina para suportahan si ChiangKaiShek na nagbase sa Taiwan (1958), paggamit ng mga base para sa lohistikal na pangangailangan ng US sa giyera sa Korea (1950-53), pagpapadala ng diktadurang Marcos ng tropa sa Vietnam at paggamit ng US ng Clark bilang himpilan ng mga eroplanong pang-atake sa Vietnam (1965-1975), pagamit sa Clark bilang lunsaran ng US Special Operations Forces na ipinadala sa Iran (1980), pagpapadala ng tropang militar ng Pilipinas sa giyera at okupasyon ng US sa Afghanistan at Iraq (2003).
Dapat alalahanin ng bawat kabataang Pilipino at mamamayan ang madugong giyerang agresyon ng US sa Pilipinas mula 1898 at saklutin ang bagong kalayaang natamasa ng mga PIlipino matapos ang Rebolusyong Pilipino 1986-1898 laban sa paghahari ng Espanya sa bansa. Itinuturing sa pandaigdigang kasaysayan bilang Unang Byetnam, ang pananakop ng US sa bansa ay nagdulot sa henosidyo ng US na nagmasaker sa halos 700, 000 hanggang 1 milyong Pilipino na lumaban sa imperyalistang pananakop ng US.
Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginawang pabitin at tiniyak ng US na lubos na aasa sa ayuda mula sa US ang papet na gobyerno ng Pilipinas para sa rekonstruksyon dulot ng giyera. Kapalit ng ayuda, itinulak nito ang ibat ibang kasunduan at tratado na pawang nagtitiyak sa imperyalistang kontrol ng US sa Pilipinas kahit hindi na ito direktang kolonya.
Ang US-RP MBA ng 1947 ay pagpipino sa Treaty of General Relations of 1946, na nagbigay ng ligal na batayan sa pananatili ng base militar ng US at isa sa mga kundisyon ng US sa huwad na pagbibigay ng 1946 independensya sa Pilipinas matapos ang direktang pagkolonya sa atin. Ang Mutual Defense Treaty na nilagdaang noong Agosto 1951 ay ginagamit ng US at lahat ng papet na rehimeng nagdaan upang bigyang batayang ligal ang VFA, Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at EDCA.
Nagpatibay ito sa neokolanyal na relasyon ng Pilipinas sa US at nagkaladkad sa Pilipinas suportahan ang lahat ng digmaang kinasasangkutan ng US. Ginamit din ng diktaturyang Marcos ang base militar upang kunin ang buong suporta ng US sa pasistang estado at maningil sa US ng bayad-renta at bilyong dolyar na pautang kapalit ng pagpapanatili ni Marcos sa base militar ng US sa bansa.
Isinunod ng US ang pagtitiyak na makadomina pa rin sa ekonomya at pulitika ng bansa lagpas ng 1946 sa pamamagitan ng pagdikta sa mga sumunod na papet na gobyerno at lagdaan ang Bell Trade Act of 1946, Parity Rights Amendment sa 1935 na Konstitusyon. Nagbigay ang mga tratadong ito ng pantay na karapatan sa US na lubos na gamitin ang likas na yaman ng bansa, liberalisasyon sa kalakalan, murang pasahod at lakas paggawa para sa mga korporasyong itatayo ng US.
Ang sumunod na mga papet na gobyerno ay nagmantina at nagpatibay ng relasyong tuta-amo ng Pilipinas-Amerika sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino.
Sinasagkaan ng imperyalistang US ang pagtatamo ng sambayanan ng tunay na kasarinlan at kalayaan, pag-unlad at katarungang panlipunan. Ang kasalukuyang rehimeng US-Aquino sa utos ng amo nitong imperyalistang US ay patuloy na nagpapatupad ng mga patakarang neoliberal na pabor lamang sa monopolyo-kapitalista ng US, dayuhan at malalaking lokal na kapitalista at panginoong-maylupa tulad ni Aquino.
Kaya ang mga kasunduang tulad ng EDCA at pakanang Chacha ngayon sa Kongreso ni Aquino ay pakikipagsabwatan sa imperyalistang amo nito upang patuloy na makapaghari ang US sa pulitika, ekonomiya, militar at kultura ng ating bansa. Mas ibayong ibinubukas ng Chacha ang bansa sa ibayong pagsasamantala ng US sa ekonomya at lalong maghahadlang sa layunin ng tunay reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa Chacha ipinipilit ang pagbubukas tungo sa 100% ng pagmamayari ng dayuhan ng mga lupain, korporasyon, serbisyo tulad ng edukasyon, hospital at media sa bansa na ipinagbabawal sa kasalukuyan.
Hindi maibabagon ng lubos na pangangayupapa ng rehimeng Aquino sa imperyalismong US ang nakalugmok na ekonmiya at kahirapan ng mayoryang mamamayan, kawalang lupa, mababang pasahod at pagsasamntala sa mga manggagawa, kawalang trabaho at serbisyong panlipunan. Ang pagsasamantalang ito ay patuloy na sinasagot ng paglaban ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Nararapat balikan ng mga kabataan ang kasaysayan at ang paghahari ng imperyalismong US sa ating bayan. Kailangang pagkaisahain ang mga kabataan at mamamayan at paigtingin ang kampanya para sa pagbabasura ng EDCA at tropang militar, at kaugnay na neoliberal na mga patakaran at pakana tulad ng Chacha.
Kailangang ilunsad ang malawakang pagmumulat, propaganda at edukasyong masa hinggil sa EDCA, CHACHA at ang ugat nito sa batayang mga suliranin ng lipunang PiLipino_ang imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo. Ilunsad natin ang maramihang mga
study circles at
discussion groups sa mga paaralan at opisina, mga pulong masa sa pagawaan at komunidad at ibat ibang uri ng talakayan at porma ng pagapapataas ng pagkakaisa ng kabataan at mamamayan.
Higit kailanman, ngayon ang kabatang Pilipino ay nararapat na tumindig laban sa nakamumuhing pagkapapet, pahirap, pasismo at pagsasamantala ng korup na rehimeng Aquino at mga alipores nito, at sa patuloy na paghari-harian ng imperyalistang US sa lahat ng larangan ng lipunang Pilipino.
Ang malakas na protesta ng kabataan Pilipino kasama ang iba’t ibang sektor mamamayan laban sa EDCA, pagbabalik ng base-militar at tumitinding panghihimasok ng US ay mag-aambag sa patuloy na pambayang pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Ibasura ang EDCA, MDT-MLSA-VFA!
Laban at biguin ang panghihimasok ng imperyalistang US!
Ibagsak ang papet, pahirap, pasista at korup na rehimeng US-Aquino!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!
Kabataan, magtungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
http://www.philippinerevolution.net/statements/20140511_ibasura-ang-edca-at-labanan-ang-umiigting-na-panghihimasok-ng-imperyalismong-us-at-pagkapapet-ni-aquino