Malaking kabiguan para sa rehimeng US-Duterte at tagumpay naman para sa Melito Glor Command ang pananatili at patuloy na paglakas ng pwersa ng NPA sa rehiyong Timog Katagalugan. Ang pagtuntong ng NPA sa ika-51 anibersaryo sa kabila ng samu’t saring pakana ng mga reaksyunaryong rehimen na gupuin ito ay patunay ng malalim at marubdob na suportang tinatamasa nito mula sa masang api—silang naniniwala sa kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Matindi itong dagok sa kapalaluan ng rehimen at ng AFP-PNP lalo pa’t hindi biro ang laki ng ibinubuhos nitong pwersa at rekurso makamit lamang ang hangaring durugin ang rebolusyonaryong kilusan. Inilabas nito ang EO 70 at itinatag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nagbigay daan sa paghahari ng isang sibiliyan-militar na junta sa bansa. Nagbuo ito ng sampung bagong batalyon ng Philippine Army, bukod pa sa target na 10,000 bagong pulis na pasuswelduhin ng P3 bilyong dagdag sa badyet ng PNP. Naglabas ang rehimen ng P185 bilyon para sa Horizon 2 ng AFP Modernization Act na ipambibili ng mga bagong sasakyan at kagamitang pandigma. Naglaan din ang rehimen ng bilyun-bilyong piso sa programang pagpapasukong E-CLIP, na sa aktwal ay ginawang palabigasan sa korapsyon ng mga opisyal ng AFP-PNP sa mga ipinaparada sa midya na mga pinekeng sumukong NPA para lumikha ng ilusyong nagtatagumpay ang JCP-Kapanatagan.
Tuluy-tuloy din ang mga pagsasanay ng AFP-PNP sa direksyon ng imperyalismong US para higit pang pabangisin ang todo-gera at panunugis laban sa rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa ngalan ng anti-komunismo.
At ngayon, ginamit na tabing ng rehimen at ng AFP-PNP ang krisis sa pampublikong kalusugan at panlipunan dulot ng CoViD-19 upang magpatupad ng higit na mapanupil na mga hakbang sa pamamagitan ng pagpapailalim sa militaristang lockdown ng buong Metro-Manila at Luzon, kontrolin ang pagkilos ng populasyon at daloy ng rekurso, at ipag-utos ang masaklaw na curfew at mga tsekpoynt. Hindi pa nasiyahan, pinagtibay ni Duterte ang ipinasa ng Kongreso na Bayanihan to Heal as One Act of 2020 na ibayo pang pinalalawak ikinokonsentra ang kapangyarihan ng estado sa kamay nito.
Sa kabila ng pekeng unilateral ceasefire ng rehimen at SOMO/SOPO ng AFP at PNP, nagpatuloy ang mga focused military operation (FMO) at retooled community support program operation (RCSPO) sa mga larangang gerilya sa South Quezon-Bondoc Peninsula, Palawan, Mindoro, Rizal at North Quezon. Layon ng mga FMO at RCSPO na hanapin at durugin ang mga yunit ng NPA sa kanayunan at mga tagasuporta ng rebolusyon sa kalunsuran.
Ginawa na ng rehimen ang lahat ng kaya nitong gawin laban sa NPA subalit bigo pa rin itong lipulin ang rebolusyonaryong hukbo ng mamamayan. Nagyayabang lamang ang mga opisyal ng AFP-PNP at gubyernong Duterte na umano’y napahina na nila ang NPA pero ang totoo’y nababahala sila dahil nananatili itong malakas at palaban. Nakalatag ang mga larangang gerilya ng Melito Glor Command NPA ST sa walong (8) probinsya sa rehiyon na sumasaklaw sa 123 bayan at siyam (9) na siyudad at mahigit isang libong baryo sa kabila ng ilang taong hambalos ng mararahas na oplan ng GRP.
Tuluy-tuloy na opensiba ng NPA ST sa gitna ng JCP Kapanatagan
Patuloy na binibigo ang pinabangis na programang kontra-rebolusyonaryo ng rehimeng Duterte sa determinasyon ng NPA-ST na bigwasan ang pasistang tropa ng estado. Mula 2017 hanggang unang kwarto ng 2020, naglunsad ang MGC ng 236 na taktikal na opensiba (TO) at pininsala ang 472 tauhan ng AFP-PNP-CAFGU. Katumbas ito ng lampas sa laking-batalyong kaswalti sa sandatahang lakas ng GRP.
Samantala, wala namang inilunsad na TO ang MGC laban sa AFP-PNP mula Setyembre 2016 hanggang Disyembre 2016 dahil sa mahigpit nitong pagtalima sa pinagkasunduang tigil-putukan ng NDFP at GRP. Pagpapakita rin ito ng MGC ng suporta para sa muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP.
Habang ipinatigil at ipinagpaliban ang mga pag-atake sa AFP-PNP at mga paramilitar at iba pang armadong grupo ng GRP sa panahon ng tigil-putukan, hindi nagpabaya ang MGC sa tungkulin nitong ipagtanggol ang mamamayan. Noong Nobyembre 20, 2016, pinarusahan ng MGC ang despotikong pamilya Uy na sumusupil sa makatarungang laban ng mga magsasaka para sa pagbabago ng partehan, pagpapataas ng sahod ng manggagawang-bukid, karapatang magtanim ng mais at iba pang butil, at pagsingil ng danyos-perwisyo para sa kanilang pananim na sinira ng mga baka sa Hacienda Uy sa Brgy. Campflora, San Andres, Quezon. Kinumpiska ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon ang mga armas at kagamitang militar ng mga bayarang goon ng Hacienda Uy na ginagamit sa pandarahas sa mga magsasaka.
Opensiba ng MGC-NPA ST mula 2017-Marso 2020
|
2017
|
2018
|
2019
|
Enero-Marso 2020
|
Kabuuan
|
Taktikal na opensiba |
70
|
70
|
86
|
10
|
236
|
KIA* sa AFP-PNP |
92
|
79
|
52
|
19
|
242
|
WIA** sa AFP-PNP |
75
|
60
|
76
|
19
|
230
|
Nasamsam na armas |
63
|
27
|
19
| |
109
|
*Killed in action
**Wounded in Action
Bukod sa mga taktikal na opensiba ay nagpakita ng kahusayan ang NPA sa aktibong pagdedepensa at kontra-atake. Tampok rito ang pagbigo ng mga yunit ng NPA sa Quezon at Mindoro sa mga presisong strike operation laban sa kanila noong ikalawang hati ng 2019—mga labanang ipinagmalaki ng kaaway sa masmidya bilang matatagumpay na reyd sa kampuhan ng NPA.
Itinago ng AFP-PNP ang laki ng pinsalang kanilang tinamo sa mga labanang ito. Sa labanan sa Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Hunyo 13, 5 KIA at di mabilang ang WIA sa laking platun na tropa ng 4th IBPA at PNP-MIMAROPA na umatake sa nakahimpil na yunit ng Lucio de Guzman Command. Samantala, tatlong Pulang mandirigma na magiting na lumaban sa kaaway ang nasawi sa labanan.
Malaking kahihiyan din sa kaaway ang pagkamatay ng anim na tropa ng 85th IBPA sa kontra-atake ng Apolonio Mendoza Command noong Oktubre 17 sa Barangay Suha, Catanauan, Quezon. Nagsasagawa ng FMO ang 85th IBPA nang atakehin ng NPA Quezon.
Taos-pusong pinaglilingkuran ng NPA ang mamamayan
Matapang at palaban sa harap ng kaaway, subalit mapagmahal at mapagkalinga sa piling ng mamamayan ang Bagong Hukbong Bayan. Sa buong panahong nilalabanan ng NPA ang rehimeng Duterte, patuloy rin ito sa pagmumulat at pag-oorganisa sa mamamayan at paghahatid sa kanila ng serbisyong panlipunan. Saan mang dako naroon ang NPA ay naitatanghal ang mensahe ng rebolusyon at nagkakaroon ng pag-asa ang mamamayan na mayroong maaliwalas na bukas.
Kasama ng mamamayan ng ST ang NPA sa gitna ng mga pagsubok na hinarap ng rehiyon sa ilalim ni Duterte. Tumuwang ang MGC sa pagsasaayos ng mga operasyong relief at rehabilitasyon sa mga eryang apektado ng mga sakuna at kalamidad tulad ng Batangas na sinalanta ng pagsabog ng Bulkan Taal. Kaagapay rin ang NPA ng mga biktima ng Bagyong Tisoy at Ursula sa muling pagtatayo ng kanilang mga bahay at pagbabangon ng kanilang kabuhayan.
Bukod sa pagdamay sa mga biktima ay gumagawa ng kongkretong aksyon ang NPA upang mapatigil ang mga mapanira at mapangwasak na proyektong nagpapasidhi sa mga epekto ng kalamidad at sakuna sa mamamayan at kapaligiran. Tampok dito ang pagpaparalisa ng NPA sa hydropower plant ng Sta. Clara Power Corporation sa Naujan, Oriental Mindoro noong 2019, gayundin ang pagpapahinto ng NPA sa operasyong quarry ng Monte Rock Corporation sa San Mateo, Rizal noong 2018. Ang dalawang proyekto ay sanhi ng malalang pagbaha sa mga tinurang probinsya at mga kalapit nilang lungsod.
Noong 2017 at 2019, sinira rin ng NPA ang makinarya at equipment ng CitiNickel Mines Corporation sa Sofronio Española, Palawan na lumalason sa mga ilog at pumipinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka sa lugar. Ipinagbunyi ito ng mga Palaweño at ng mamamayang mapagmahal sa kalikasan.
Sa mga opensibang ito nagiging malinaw sa mamamayan kung sino ang tunay na nagtataguyod ng kanilang kapakanan. Kung ang NPA ang kalaban ng mga nang-aapi sa mamamayan at mapangwasak sa kalikasan, ang AFP-PNP naman ang bayarang tauhan ng mga kumpanya ng pagmimina, quarry, megadam, at iba pa na sumusupil sa mamamayang tutol sa mga mapanirang proyekto.
Sa kasalukuyang hamon ng pagharap sa CoViD-19, determinado ang MGC na gawin ang buong kaya nito upang mag-ambag sa pambansang pagsisikap na maapula ang paglaganap ng nakamamatay na virus at matiyak ang pangangailangan ng bayan sa panahon ng krisis. Nakahanda ang lahat ng yunit ng NPA sa ST na tumugon sa hamong ito, at makaaasa rin ang sambayanan na tatalima ang buong MGC sa idineklarang ceasefire ng Partido Komunista ng Pilipinas kaugnay sa pagharap sa CoVid-19.
Hindi kayang pasubalian ang mga tagumpay ng MGC – NPA ST sa nakaraang apat na taon na yumanig sa naghaharing-uri at bumigwas sa AFP-PNP. Sa gabay ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan at sa patuloy na pagmamahal ng masang pinaglilingkuran nito, patuloy na susulong at lalakas ang NPA sa rehiyon. ###
* * *
Sa pagharap sa krisis pangkalusugan sa bansa, pagkaisahin ang mamamayan
sa paglaban sa lockdown at pasismo ni Duterte!
Payak ngunit makabuluhan na ipagdiriwang ng mga yunit ng Melito Glor Command ang ika-51 anibersaryo ng NPA ngayong Marso 29. Maringal ang tradisyon ng taos-pusong paglilingkod sa mamamayan ng hukbong bayan. Ngayong kinakaharap natin ang isang pandaigdigang krisis pangkalusugan, magkaisa tayo at sama-samang harapin at labanan ang pandemikong Covid-19. Maaasahan ng sambayanang Pilipino ang rebolusyonaryong kilusan at ang NPA na gagawin ang kanilang buong kaya upang tulungan ang sambayanan na malampasan ang krisis na ito.
Tuluyang nang nalantad ang kriminal na kapabayaan at kainutilan ng rehimeng US-Duterte sa pagharap sa krisis ng Covid-19. Pananagutan ni Duterte at ng kanyang rehimen ang pagmamaliit sa banta ng Covid-19 sa pampublikong kalusugan ng bansa. Sa kabila ng pagputok ng epidemya ng Covid-19 sa Wuhan sing-aga ng Disyembre, 2019, walang ginawang seryosong paghahanda ang rehimen para pigilan makapasok sa bansa ang epidemya. Patuloy na nakakapaglabas-masok sa bansa ang daang libong mga turistang Chino na marami ay nagmumulang Wuhan. Labas-masok din sa bansa ang mga tauhan ng mga POGO na pinatatakbo ng mga kapitalistang Chino na pawang mga potensyal na nakapagdadala ng Covid-19.
Nang pumutok ang epidemya ng Covid-19 nitong Marso, saka lamang nagkukumahog ang rehimeng Duterte sa paghagilap ng solusyon. Kung tutuusin, may dalawang buwan pang maluwag para makapaghanda ang bansa sa pagharap sa epidemya bago ito sumambulat nitong Marso. Subalit, sa halip na gumawa ng paghahanda para organisahin at mobilisahin ang sektor ng kalusugan at ilatag ang kinakailangang pasilidad at imprastruktura sa paglaban sa epidemya, hangal nitong inasahan ang AFP at PNP na walang muwang sa paglaban at pagharap sa epidemya.
Upang pagtakpan ang kainutilan at kriminal na kapabayaan ng rehimen, ipinatupad ni Duterte ang malupit na lockdown sa Metro-Manila at buong Luzon. Pinakilos nito ang AFP at PNP upang maglatag ng masaklaw na mga tsekpoynt para sapilitang kontrolin ang galaw ng mga tao at pagbawalan silang makapagtrabaho’t maghanapbuhay at lumabas sa mga tirahan at komunidad sa ilalim ng enhanced community quarantine. Ipinataw ito ni Duterte nang walang pagsasaalang-alang na milyon-milyong mamamayan ang nakatakdang magutom dahil pinagbabawalang makapaghanapbuhay, pinipigilang makapasok ang pagkain sa Metro-Manila, ipinasasara ang mga istablisyimento at maliliit na negosyo at pinatitigil mamasada ang mga pampublikong sasakyan. Ang malupit na lockdown ay nagresulta sa paralisasyon ng buhay ng lipunan, komersyo, produksyon at transportasyon.
Para makalabas ng bahay at makalampas sa mga tsekpoynt, kinakailangang magpakita ng samut-saring mga papeles at pagkikilanlan tulad ng ID, certificate of employment at barangay quarantine pass na iniisyu sa isang miyembro ng bawat pamilya. Nagpataw ng curfew at pinalawak pa ito sa 24 oras sa ibang mga lugar sa Metro-Manila.
Sa kasagsagan ng paglaganap ng epidemya sa bansa, saka lamang malalantad ang kakulangan ng Covid-19 testing kit, personal protective equipment (PPEs) para magamit ng mga doktor at medical personnel sa mga ospital, kawalan ng sistema ng paghihiwalay at pagbibigay ng atensyong medikal sa mga nahawahan at nagkasakit ng Covid-19, kakulangan ng pasilidad sa mga ospital at laboratoryo at kawalan ng sapat na nakahandang pondo para harapin ang krisis sa pampublikong kalusugan. Sa harap ng labis na kakulangan ng Covid-19 testing kit, iskandalosong nauuna pang magkaroon ng akses ang mga prebilihiyadong upisyal ng reaksyunaryong gubyerno tulad ni Duterte, mga gabinete, senador at kongresista kabilang ang mga kapamilya nila.
Samantala, ginamit na pagkakataon ng rehimeng Duterte ang krisis ng epidemya ng Covid-19, upang patuloy na paigtingin ang pananalakay ng AFP-PNP sa mga mamamayan at mga larangang gerilya ng demokratikong gubyernong bayan. Sa kabila ng deklarasyong tigil-putukan ng rehimen, nagpapatuloy ang mga operasyong militar at pulis sa kanayunan. Inaatake ang mamamayan ng hagupit ng pasismo ng rehimen kasabay ng pagharap sa nakamamatay na Covid-19. Sa probinsya ng Quezon, dumaranas ang ilang mga komunidad at baryo ng food blockade at hamletting na higit na pahirap sa mamamayan. Ibayo pa itong pinasahol ng lockdown. Nililimitahan lamang sa 5 kilong bigas ang maaaring bilhin ng bawat pamilya. Ilang oras lamang maaaring magbukas ang mga tindahan.
Sa harap ng mga kaganapang ito, dapat na pukawin, organisahin at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng sambayanan para tutulan at labanan ang malupit at marahas na lockdown at enhanced community quarantine na ipinapataw ng rehimeng Duterte sa mamamayan. Ang patakarang ito ay anti-mamamayan at anti-demokratiko.
Habang hinaharap ng rebolusyonaryong kilusan ang pagsansala at paglaban sa Covid-19, kailangang paunlarin ang mga kolektibong aksyon ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Kailangan linangin ang kanilang kolektibong lakas para harapin ang banta ng Covid-19 sa pampublikong kalusugan at turuan silang buuin at umasa sa sariling lakas.
Higit pa sa nakamamatay na sakit ng Covid-19, kailangang harapin ang bagsik ng virus na nasa Malakanyang na pinakakawalan ni Duterte laban sa mamamayang Pilipino. Ang virus na ito ay manipestasyon ng kanser sa lipunang Pilipino—ang matinding kahirapan at paghihikahos, kawalang trabaho’t pagkabusabos, pre-industriyal na pagkaatrasado, at terorismo ng estado ng lokal na naghaharing-uri. Ang pagtanggal sa nagnanaknak na kanser ng lipunan ang magpapalaya sa bansa mula sa salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Hahawanin ito sa pagtatagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. ###
* * *
Pagpupugay sa 51 taon ng NPA! 51 Taong Masikhay na Pakikibaka! 51 Taong Taos-Pusong Paglilingkod sa Masa!
Nagbubunyi ang Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog sa 51 taong masikhay na pakikibaka at pagsusulong ng armadong rebolusyon sa bansa. Taos-pusong nagpapasalamat ang MGC-NPA ST sa patuloy na suporta at pagmamahal na ibinibigay ng malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan. Ang lampas sa kalahating siglo na pag-iral ng NPA ay patunay na bigo ang lokal na naghaharing-uri at patuloy din na mabibigo ang rehimeng US-Duterte sa pangarap nitong lipulin ang NPA sa buong bansa.
Sa okasyong ito, binibigyan ng MGC-NPA ST ng mataas na pulang saludo ang lahat ng mga martir na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang tanging buhay para sa sambayanan. Nagbibigay pugay rin ang MGC sa masang manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, petiburgesya sa kalunsuran at iba pang positibong pwersa’t inaapi sa lipunang Pilipino na walang-maliw na tumatangkilik sa NPA at sa simulain ng pambansang demokrasya at sosyalistang hinaharap ng rebolusyong Pilipino. Ikinararangal ng NPA na makasama ang buong pwersa ng rebolusyonaryong mamamayan sa pagtupad ng dakilang adhikain na palayain ang bayan mula sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Ipinagdiriwang natin ang ika-51 anibersaryo ng NPA na tumatanaw sa pag-igting ng digmaan at paglapit natin sa pintuan ng estratehikong pagkapatas bunsod ng paborableng obhetibong kalagayan para sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Ang kasalukuyang krisis sa CoVid-19 na nakakaapekto sa buong mundo at sa Pilipinas ay palatandaan ng pagkabulok ng lipunan at kabiguan ng kapitalismo na itaguyod ang kapakanan at kagalingan ng sangkatauhan.
Sa ibayong dagat, humaharap sa estratehikong paghina ang pangunahing superpower na US habang sumisidhi ang krisis ng pandaigdig na sistema ng monopolyo-kapitalismo. Nagbubunsod ito ng maiigting na tunggalian sa hanay ng mga imperyalistang bansa na nagpapahina sa hegemonikong paghahari ng US sa iba’t ibang panig ng mundo. Halimbawa nito ang pagbubuo ng Russia at China ng mga kasunduan at alyansa sa iba pang mga bansa na katapat ng mga nakatayo nang alyansa at tratado ng US sa daigdig. Ang matitinding ribalan ay nag-aanak ng mga proxy war at mga trade war na nagpapalala sa pandaigdigang krisis at nagpapataw ng labis na pagdurusa sa masang anakpawis.
Sa pagsidhi ng krisis ng monopolyo kapitalismo ay sumahol ang kalagayan ng mga neokolonyang bansa tulad ng Pilipinas. Sa Timog Katagalugan, kontraktwal ang 7-9 sa bawat 10 manggagawa at hindi nakabubuhay ang sahod na natatamo nila mula sa iskemang flexible labor at two-tiered wage system. Kamakailan, 300 manggagawa ang nawalan ng trabaho sa pagsara ng planta ng Honda Cars Philippines, Inc. (HCPI) sa Sta. Rosa, Laguna bunga na rin ng pananamlay ng pandaigdig na pamilihan at krisis sa labis na produksyon ng sistemang kapitalismo.
Resulta ng ipinatupad na lockdown sa buong Luzon, mahigit 700 pabrika ang napilitang tumigil ang operasyon ayon sa PEZA. Sa Cavite lamang, apektado ang 86,549 na manggagawa sa pansamantalang pagsasara ng 309 na kumpanya.
Samantala, nananatiling dukha ang mga magsasaka sa kanayunan dahil walang programa sa reporma sa lupa ang rehimeng US-Duterte. Patuloy na inaagawan ng lupa ang mga magsasaka sa rehiyon upang bigyang daan ang interes ng mga dayuhang negosyante at burgesya kumprador para itayo ang mga proyektong ekoturismo tulad ng sa El Nido sa Palawan, malalaking proyektong imprastraktura tulad ng Kaliwa Dam, malalawak na plantasyon ng mga produktong pang-export gaya ng oil palm sa Palawan at Quezon at mga mapanirang kumpanya ng pagmimina sa Mindoro at Palawan. Lalong dumadaing ang magsasaka sa bagsak-presyo na mga produktong bukid dulot ng malawakang liberalisasyon na binabarat pa lalo ng mga komersyante.
Habang nagugutom ang sambayanan ay nagpapakatuta si Duterte sa US at China para sa katuparan ng kanyang ambisyong pampulitika at patuloy na naghahasik ng teror sa bayan gamit ang EO 70 at NTF-ELCAC. Pangitang-pangita ang pagiging sagadsarin at utak-pulbura ng rehimeng Duterte sa pagpapatupad ng militaristang total lockdown sa buong Luzon sa harap ng CoVid-19. Ipinataw ito nang walang maayos at sistematikong paghahanda sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayang apektado ng malawakan at sapilitang kwarantina. Malinaw na pakana ito ng rehimen upang tabingan ang tunay nitong layunin — ang mailagay ang buong bansa sa de facto Martial Law at ikonsentra ang kapangyarihan ng estado sa kamay ni Duterte.
Sa kabila nito, tatalima ang mga yunit ng NPA sa deklarasyong unilateral ceasefire ng rebolusyonaryong kilusan bilang tugon sa panawagan ni UN Secretary General Antonio Guterres ng isang pandaigdigang ceasefire sa lahat ng warring states. Nagsimula na ito noong 12:00 ng madaling araw ng Marso 26 hanggang 11:59 ng gabi sa Abril 15. Ipatutupad ng lahat ng mga yunit ng NPA ang pagtitimpi sa panahon ng tigil-putukan habang nakapostura sa aktibong pagdedepensa sa panahon ng mga pataksil na atake ng AFP-PNP.
Nauna nang nagdeklara ang GRP ng sarili nitong tigil-putukan. Subalit peke ang deklarasyong unilateral ceasefire (UCF) ng rehimeng US-Duterte para umano pagtuunan ng pansin ang pagresolba sa paglaganap ng CoVid-19. Bago pa man ang deklarasyong UCF at hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang focused military operations (FMO) ng AFP-PNP na pumipinsala at pumeperwisyo sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Sa ilang bahagi ng rehiyon, hindi pinahihintulutang bumili ang mamamayan ng lagpas sa 5kg bigas kada pamilya. Pinagbabawalan rin silang pumunta sa kanilang bukid at kaingin para maghanapbuhay at makakuha ng dagdag na makakain. Sa ilang barangay sa Quezon, hinaharang ng AFP-PNP ang pagpasok ng pagkain bilang bahagi ng presyur sa tinutugis nilang mga yunit ng NPA, mangahulugan man ito ng pagkagutom ng mga residente.
Pinalala ng pasismo ng rehimeng US-Duterte ang krisis sa lipunang Pilipino kaya walang ibang masasaligan ang sambayanan kundi ang NPA. Kinamumuhian ng taumbayan ang rehimeng US-Duterte at ang AFP-PNP, habang labis nilang minamahal ang NPA. Nababatid ng mamamayan ang kawastuhan ng paglulunsad ng rebolusyon at dalisay na hangarin nito taliwas sa nakikita at pinararanas sa kanila na kahirapan at karahasan ng rehimen at ng AFP-PNP. Higit na nadarama ng masa na ang tunay nilang hukbo ay ang NPA sa paglilingkod ng huli sa una sa larangan ng ekonomiya at pulitika. Ipinagtatangol din ng NPA ang mamamayan sa mga atake ng pasistang AFP-PNP.
Laging magkatuwang ang NPA at masa sa pagsusulong ng rebolusyon at hanggang sa pagtagumpay nito. Hindi naging hadlang ang nagpapatuloy na FMO para isulong ng mamamayan at NPA ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Sa Timog Katagalugan, nakalatag ang NPA sa 8 probinsya nito na sumasaklaw sa 123 bayan at siyam na lungsod. Ilanpung libong baseng masa ang organisado sa mga rebolusyonaryong organisasyon. Tuluy-tuloy rin ang mga bigwas laban sa AFP-PNP na nagtamo ng mahigit 38 kaswalti (19 patay at mahigit 19 na sugatan) sa 13 aksyong militar na inilunsad ng MGC sa unang kwarto ng 2020.
Sa ika-51 taon ng NPA, hamon sa mga rebolusyonaryo na pag-ibayuhin ang kanilang pakikibaka upang wakasan na ang pang-aalipin at pagsasamantala sa bayan. Kailangang palakasin pa ang NPA at itaas sa panibagong antas ang digmang bayan. Pasiglahin ang mga kampanya sa pagpapasampa at palakasin pa ang mga rebolusyonaryong base sa kanayunan at kalunsuran. Magpunyagi sa kabila ng mga atake at pasismo ng rehimeng US-Duterte at biguin ang EO 70 at NTF-ELCAC. Sa pagtaas ng kakayahan at paglakas ng NPA, at patuloy na pagtamasa ng suporta mula sa masa, maihahatid natin ang digmang bayan sa tagumpay. ###
Mabuhay ang ika-51 anibersaryo ng New People’s Army!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
https://cpp.ph/statement/rehimeng-us-duterte-4-na-taon-nang-bigong-durugin-ang-npa-sa-st/