Saturday, April 23, 2022

CPP/Ang Bayan: Manggagawa at sambayanang Pilipino: Huwag magpagupo! Manindigan at lumaban!

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 21, 2022): Manggagawa at sambayanang Pilipino: Huwag magpagupo! Manindigan at lumaban! (Filipino workers and people: Don't give up! Stand up and fight!)


Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




April 21, 2022

Sa mga manggagawa at sambayanang Pilipino: Sa darating na Mayo Uno, kasabay ng mga manggagawa at anakpawis sa buong mundo, sama-sama nating dagsain ang lansangan at ipamalas ang ating pagkakaisa, tapang at determinasyong ipaglaban ang ating maka-uring interes, at ang kalayaan at demokrasyang hangarin ng buong bayan. Sa sabay-sabay na nagngangalit na yabag at sigaw, yanigin natin ang mga dayuhang imperyalista, at mapagsamantalang naghaharing uring burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa, at ang estadong sumisiil sa buong bayan.

Sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis ng kapitalismo, palala nang palala ang mga anyo ng pagsasamantala para sagad-sagarang pigain ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Milyun-milyon na manggagawa ang tumatanggap ng minimum na sahod na mas mababa sa halaga ng araw-araw nilang pangangailangan at ng kanilang mga pamilya. Palaki nang palaki ang agwat sa pagitan ng tinatanggap nilang sahod at ng nililikhang labis na halaga na kinakamkam bilang tubo ng mga kapitalista.

Pinahahaba nang pinahahaba ang kanilang oras ng paggawa upang lumikha ng papalaki nang papalaking halaga na walang karampatang kabayaran. Binabatak ang hangganan ng katawan at lakas ng mga manggagawa upang pabilisin nang pabilisin ang produksyon at distribusyon ng mga kalakal. Ang saligang karapatan sa walong-oras na paggawa at karampatang minimum na sahod katumbas ng halaga ng arawang pangangailangan ay sistematikong binabaklas at niyuyurakan.

Sa nagdaang anim na taon sa ilalim ng rehimeng Duterte, labis na pagdurusa ang idinulot ng mga patakarang anti-manggagawa na pagpako at pagbawas sa sahod. Mahigit dalawang taon nang walang umento sa sahod ang mga manggagawa sa National Capital Region. Pinaasa ang mga manggagawa sa huwad na pangakong tatapusin ang “endo” o kontraktwalisasyon. Sa halip, lumitaw ang lalo pang mas malalalang anyo ng pleksibleng paggawa laluna simula noong panahon ng pandemya.

Wala na sa 1% ng mga manggagawang Pilipino ang sakop ng “collective bargaining agreement.” Ito’y matapos ang halos tatlong dekada ng walang habas na pag-atake sa karapatan sa pag-uunyon. Sa kumpas ng NTF-Elcac, sinusupil ang mga unyon upang hindi makapagtanggol ang mga manggagawa. Sa ngalan ng “counterinsurgency,” ang mga unyonista at lider manggagawa ay pinapatay, sinasampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal, ikinukulong at walang tigil na tinatakot para talikuran ang interes ng mga manggagawa, manahimik o magpagamit sa estado.

Sadlak ngayon ang mga manggagawang Pilipino sa labis na pagdurusa at papatinding pagsasamantala at pang-aapi sa harap ng walang awat na pagsirit ng presyo, mababa at kinakaltasang sahod, papabigat na buwis, at laganap na disempleyo. Sumisidhi ang kanilang pagnanais na mag-organisa, kumilos at lumaban para sa kanilang kapakanan at para sa kagalingan ng buong bayan.

Dapat magpunyagi sa buhay-at-kamatayang pagsisikap na buuin o muling itayo ang mga unyon ng mga manggagawa para tipunin ang lakas na ipaglaban ang nararapat para sa kanila. Dapat mapagpasyang paramihin at palakihin ang mga unyon para pagkaisahin ang lumalaking bilang ng manggagawa. Dapat labanan at pangibabawan ang pananakot, pandarahas, panunuhol at lahat ng maniobra ng mga kapitalista na sirain ang pagkakaisa ng mga manggagawa. Hasain ang welga, piket at iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos bilang mga sandata para sa pakikipaglaban.

Dapat ibayong isulong ng mga manggagawa ang pakikibaka para sa umento sa sahod upang mabigyan ng sapat na pagkain at disenteng buhay ang kanilang mga pamilya.

Dapat labanan ang iba’t ibang iskema ng pleksibilisasyon. Makibaka para wakasan ang laganap na sistema ng kontraktwalisasyon at ipaglaban ang regularisasyon sa trabaho. Itulak na kilalanin o ibalik ang karapatan ng mga manggagawa sa bayad na 8-oras kada araw na trabaho at ibasura ang sistemang quota at piece-rate sa iba’t ibang anyo nito.

Dapat ipamalas ng uring manggagawang Pilipino sa darating na Mayo Uno ang kanilang pagkakaisa. Dagsain ang lansangan at magmartsa mula sa mga pabrika at komunidad, magtipon sa mga liwasan at sabay-sabay na isigaw ang hinaing ng mga manggagawa at sambayanan. Marapat na alalahanin ang malaking papel ng kilusang manggagawa at kilusang welga at noong dekada 1970 sa pagbasag ng takot sa panahon ng batas militar ng diktadurang Marcos.

Ikawing ang pakikibakang pangkabuhayan sa pakikibaka laban sa pasismo at sa maka-imperyalista at anti-manggagawang tiraniya ni Duterte, kabilang ang panawagang itakwil ang tambalang Marcos-Duterte sa eleksyon ang pagtanaw sa malalaking pakikibaka pagkatapos ng eleksyon.

Sa Mayo Uno, ilang araw bago ang eleksyon sa Mayo 9, dapat pagtibayin ng masang manggagawang Pilipino ang kanilang determinasyon na tuluy-tuloy na isusulong ang kanilang mga pakikibaka para sa karagdagang sahod, regularisasyon at karapatan sa pag-uunyon, kaakibat ng panawagang panagutin at parusahan si Duterte at mga kasabwat sa mga krimen ng pasistang terorismo, at pakikibaka ng buong bayan para sa tunay na kalayaan, demokrasya at katarungan.

Sa iba’t ibang panig ng mundo, sumisiklab ang mga pakikibaka at pag-aaklas ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa sa Europe, sa Latin at North America, Asia at Africa laban sa patindi nang patinding pagsasamantala at pagdurusa sa harap ng lumalalang pandaigdigang krisis ng kapitalismo. Ipagdiwang natin ang mga tagumpay na nakamit ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng pagbubuo ng kanilang mga unyon at paglulunsad ng mga welga.

Dapat magpunyagi ang Partido Komunista na palawakin at palalimin ang pagkakaugat nito sa mga pabrika at mga komunidad ng mga mangaggawa. Buuin, palawakin at paramihin ang mga sangay ng Partido at maramihang magrekrut at magsanay ng mga kadreng komunista na magsisilbing haligi at pinuno ng masa sa kanilang mga pakikibaka. Hikayatin ang papalaking bilang ng mga manggagawa na maging Pulang mandirigma at lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Tuluy-tuloy na itaas ang kamulatan ng mga manggagawa para bagtasin ang landas ng pambansa-demokratiko at sosyalistang rebolusyon.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2022/04/21/manggagawa-at-sambayanang-pilipino-huwag-magpagupo-manindigan-at-lumaban/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.