Saturday, April 23, 2022

CPP/Ang Bayan: 50-taong pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 21, 2022): 50-taong pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan (50-year advancement of the revolutionary women’s movement)
 

Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya



April 21, 2022

Isang maningning na tagumpay hindi lamang para sa kababaihan kundi maging sa buong kilusan ang 50 taong pagpupunyagi ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa rebolusyonaryong pakikibaka upang baguhin ang sistemang nagsasadlak sa kababaihan sa matinding kahirapan at kaapihan.

Sa nakalipas na limang dekada, nananatiling mahigpit ang paghawak nito sa pagsusuri sa katotohanang ang kapangyarihang pampulitika ng naghaharing uri ang siyang gulugod ng lahat ng iba pang sistema ng awtoridad na nang-aapi at nagsasasamantala sa kababaihan, at dapat ibagsak upang tumungo sa ganap nilang paglaya. Pangunahing ekspresyon nito ang paglahok ng masang kababaihan sa armadong pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Pinangunahan ng Makibaka ang pagbasag sa pyudal at burges na kultura at mga ideya na ang babae ay mahina, pambahay o isang pribadong pag-aari na maaaring ilako. Hinawan nito ang landas para sa paglahok ng kababaihan sa pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan. Sa mga pagawaan, komunidad, kampus at mga sakahan, lumitaw ang laksang libong kababaihang aktibista at rebolusyonaryo.

Inilunsad at nakilala ang Makibaka noong 1970 at pormal na itinatag noong Marso 18, 1972 matapos ang unang kongreso nito noong Marso 11-12 sa Sampaloc University Center. Higit na inilinaw ng kongreso na ang susing kawing sa pagpapalaya sa kababaihan ay ang masiglang paglahok nito sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Mula sa “Malaya” ay binago tungong “Makabayan” ang pangalan bilang pagdidiin sa puntong ito.

Tampok sa kasaysayan ang naging papel ng Makibaka sa Sigwa ng Unang Kwarto at paglaban sa batas militar. Kabilang sila sa makasaysayang Komuna ng Diliman. Pinasimunuan nito ang protesta sa Binibining Pilipinas laban sa pagkakalakal sa kababaihan. Kaisa sila sa welga sa US Tobacco Corporation. Lumitaw ang mga kababaihang aktibista sa hanay ng mga manggagawa tulad ni Liza Balando, manggagawa ng Rossini’s Knitwear na nasawi sa protesta noong Mayo 1, 1972 sa pamamaril ng mga pasistang sundalo.

Nang ipataw ang batas militar noong 1972, maramihang nagtungo ang mga kababaihan sa kanayunan at naging bahagi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), kabilang si Lorena Barros na unang tagapangulo ng Makibaka. Nagpunyagi ang Makibaka sa paglalathala ng pahayagan nitong Malayang Pilipina. Kabilang ang mga kasapi nito sa pangunahing nag-organisa sa hanay ng mga sakada ng Western Visayas at lumahok sa mga pakikibakang agraryo sa iba’t ibang panig ng bansa. Nagtayo rin ng mga balangay ang Makibaka noong batas militar sa Mindanao. Nagkaroon ng mga kasapi ang organisasyon mula sa mga kampus sa Davao, at sa mga pamayanan sa Ozamiz, Pagadian, at Dipolog. Kabilang ang Makibaka sa mga organisasyon nagtatag ng National Democratic Front of the Philippines noong 1973.

Bunga ng pagpupunyagi sa pag-oorganisa at pakikibaka sa unang mga taon ng batas militar, muling nakabwelo ang mga pakikibakang masa. Rumurok ito noong 1983-1986 sa sunud-sunod na mga dambuhalang rali hanggang napatalsik ang pasistang diktadurang Marcos. Sa panahong ito ay bumwelo ang pagpapalawak ng kasapian ng Makibaka.

Patuloy na nagpunyagi ang Makibaka sa pagsulong ng pakikibaka ng mga kababaihang Pilipino sa balangkas ng pambansa-demokratikong kilusan. Sa kasalukuyan, sa harap ng pasistang mga atake ng rehimeng US-Duterte, pinag-iibayo nito ang lihim na pagkilos sa mahirap at delikadong sitwasyon. Sa panahon ng pasistang lockdown at paghihigpit ng rehimen mula 2020, nagsilbing kanlungan ng kilusang lihim—para sa pulong at pag-aaral—ang mga komunidad na may balangay ng Makibaka.

Determinado ang mga kasapi ng Makibaka na pukawin, organisahin at pakilusin ang mga kababaihan sa kalunsuran at kanayunan. “Matinding dedikasyon at tiyaga ang kailangan,” ayon sa isang organisador, “para maipakita sa masa ang pangangailangang magkaisa at lumaban.”

Noong Enero, kabilang ang Makibaka sa idineklarang “terorista” ni Duterte. Anang Makibaka, ang gayong hakbang ni Duterte ay “ginaya lang sa kanyang idolo na si Marcos Sr,” ang paghahasik ng mga teroristang pakana na ibubunton sa rebolusyonaryong kilusan upang bigyang katwiran ang kanyang imbing mga plano.

Mulat ang Makibaka na dominado ng naghaharing uri ang reaksyunaryong eleksyon, subalit kinikilala nito ang masidhing pagnanais ng kababaihan at mamamayan na maalis na sa pwesto ang pahirap at pasistang rehimeng Duterte. Malaking hamon sa Makibaka na aktibong pakilusin ang kababaihan para biguin ang tambalang Marcos–Duterte.

Hindi nagbabago ang mga batayan at lalo pang lumalakas ang pangangailangan para sa radikal na pagbabago ng lipunan. Ang paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan ay patuloy na yayakapin ng kababaihan. Nasa mas mahusay na katayuan ang rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa kasalukuyan upang suungin ang mas mahirap na sitwasyon.

Patuloy itong nagpapalawak at nagpapalakas kasabay ng pana-panahon na pagtatasa at pagsusuma ng mga karanasan upang higit na mapangibabawan ang mga kahinaan at pagkakamali, kumuha ng mga aral mula rito upang itulak pa ang higit nitong pagsulong.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2022/04/21/50-taong-pagsulong-ng-rebolusyonaryong-kilusang-kababaihan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.