Saturday, April 23, 2022

CPP/Ang Bayan: Ang kasuklam-suklam na pagsasanib ng NCIP at NTF-Elcac

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 21, 2022): Ang kasuklam-suklam na pagsasanib ng NCIP at NTF-Elcac (The horrific merger of NCIP and NTF-Elcac)
 





April 21, 2022

Malaon nang panawagan ng mga katutubong Pilipino ang pagbubuwag sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at pagbabasura sa batas na lumikha nito, ang Indigenous Peoples’ Rights Act. Matagal nang tinalikuran ng NCIP ang mandato nitong protektahan at itaguyod ang interes at kapakanan ng mga minorya. Isiniwalat ng mga katutubo na bukod sa lantarang korapsyon ng ahensya, malaking kataksilan ang isinasagawa nito sa pagbebenta ng mga lupaing ninuno sa dayuhan at lokal na mga kumpanya sa pagmimina, pagtotroso, komersyal na plantasyon at mga plantang pang-enerhiya.

Lalupang tumindi ang pagiging kontra-minorya ng ahensya matapos ipwesto ni Rodrigo Duterte bilang pinuno nito si Allen Capuyan, isang korap at kriminal na retiradong heneral.

Si Capuyan ay dating koronel na may madugong rekord ng pananalasa sa mga katutubo. Naging pangulo siya ng Task Force Gantangan na taga-organisa ng mga grupong paramilitar na dumidepensa sa malalaking mina at notoryus sa paghahasik ng teror at pamamaslang sa mga lider ng Lumad. Sangkot din si Capuyan sa iba’t ibang mga krimen at katiwalian kabilang ang malakihang pagpupuslit ng iligal na droga. Nagsilbi siyang hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines sa panahon ni Gloria Arroyo at nasangkot sa pagpalusot sa malawakang pandaraya sa eleksyon.

Kasabay ng pagiging pinuno ng NCIP, itinalaga rin si Capuyan bilang executive director ng NTF-Elcac. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naging pangunahing instrumento ng NTF-Elcac ang NCIP para sa “pagnyutralisa” sa mga katutubo sa ngalan ng “kontra-insurhensya.” Pasimuno ang ahensya sa pinakamasisidhing pangre-redtag na pasiuna sa malawakang pamamaslang, pang-aaresto, pagpapahirap, sapilitang pagpapasurender at pagpapalayas ng mga minorya sa kanilang mga lupa. Nagsilbi itong tagapagtanggol sa pinakakarumal-dumal na mga krimen ng militar at ng rehimen laban sa mga pambansang minorya.
Kapitalistang pang-aagaw ng lupang ninuno

Sa ilalim ni Capuyan, umarangkada ang pang-aagaw ng lupa at pagpapapalayas sa mga pambansang minorya sa kanilang mayayaman-sa-rekursong lupa. Umaabot sa 5 milyong ektarya ng mga lupaing ninuno ang iginawad ng rehimeng Duterte para sa eksplorasyon at operasyon ng dayuhang mga kumpanya sa pagmimina. Inilaan din ng rehimen ang mga ilog at lawa para tayuan ang ito ng mga megadam at plantasyong komersyal ng mga kumpanyang Chinese.

Naging pangunahing papel ng NCIP ang manipulahin at pwersahin ang mga apektadong komunidad para sa kanilang “Free, Prior, and Informed Consent” (FPIC) o pagpayag sa operasyon ng pinaborang mga kumpanya. Nitong nakaraang mga taon, naging instrumento ito sa pagmanupaktura ng FPIC sa Kalinga para bigyan daan ang pagtatayo ng dalawang Gened Dam. Naglabas din ito ng mga kwestyunableng FPIC para sa mga kumpanya sa minang TVI-Pacific sa Zamboanga del Norte at Sagittarius Mines Inc. sa South Cotabato. Ang mga komunidad na ito, kasama ang iba pang komunidad na nagsisikap ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at kultura, ang target ng mga operasyong kombat ng militar at ipinaiilalim sa matinding militarisasyon.
Kampanyang henosidyo

Para bigyang katwiran ang malalaking operasyong kombat, pambobomba, matagalang militarisasyon at panunupil sa mga minoryang lumalaban, bukambibig ni Duterte na pinagmumulan ng malaking bilang ng mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang mga komunidad nito.

Naging ahente ang NCIP sa kampanya ng pwersahang pagpapasurender ng sibilyang mga katutubo. Gumamit ang ahensya ng mga pekeng datu (na mga pinuno ng mga grupong paramilitar) para siraan ang Bagong Hukbong Bayan, kasama ang kanilang mga katribu na inaakusahan ng militar na sumusuporta sa armadong kilusan. Kapag hindi nagpapadala sa kanilang mga panlilinlang ay tahasang pinapaslang.

Noong 2021 lamang, tampok sa mga krimen ng rehimen ang masaker sa tatlong kabataang Manobo sa Lianga, iligal na pang-aaresto sa mga katutubong sina Renalyn Tejero, Gary Catamin at Beatrice Belen at pagsampa ng gawa-gawang kaso sa lider Igorot na si Windell Bolinget. (Sa katapusan ng 2020 naganap ang pagmasaker ng estado sa siyam at pag-aresto sa 17 Tumandok na lumalaban sa pagtatayo ng megadam sa Panay.)

Liban dito, naging tampok din ang pagsalakay sa Bakwit School sa Cebu, pag-aresto sa 25 kalahok at detensyon sa pito. Isa sa mga inaresto at ikinulong sa panahong iyun ay si Chad Booc, na pinatay ng militar noong Pebrero, kasama ng Lumad na si Jurain Nguho at tatlo pa habang bumibiyahe sa New Bataan, Davao de Oro.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2022/04/21/ang-kasuklam-suklam-na-pagsasanib-ng-ncip-at-ntf-elcac/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.