Saturday, April 23, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Pekeng balita kaugnay ng “paggabay” ni Ka Joma sa kampanya ni Robredo, pinasinungalingan

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 23, 2022): Pekeng balita kaugnay ng “paggabay” ni Ka Joma sa kampanya ni Robredo, pinasinungalingan (Fake news regarding Ka Joma's "guidance" in Robredo's campaign, denied)





April 23, 2022

Pinabulaanan ni Prof. Jose Maria Sison, Chief Political Consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang lumabas na pekeng balita kaugnay ng umano’y “paggabay” niya sa kampanya ni Vice President Leni Robredo, kandidato pagkapangulo.

Ani Ka Joma, walang katotohanan ang inilabas na artikulo ng journalnews.com.ph at sinabing hindi siya nilapitan o ininterbyu ng sumulat ng artikulo. Gayundin, sinabi na ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), na walang inilalabas ang publikasyon nitong Ang Bayan na artikulo na siyang “basehan” ng manunulat ng journalnews.com.ph.

Ayon pa kay Ka Joma, hindi siya nagpapayo kay Robredo pero binigyang-diin niya na naniniwala siyang si Robredo ay “higit na mas may kakayahang kanidato sa pagkapangulo kumpara kay Ferindand Jr. na walang kwalipikasyon kundi ang mangampanya gamit ang labis-labis na pera mula sa burukratikong nakaw ng yumaong pasistang diktador, si Ferdinand Sr.”

Pinasinungalingan din ni Ka Joma na nakikipagkonsultahan siya sa tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez. Kaugnay ng naturang pekeng balita, naglabas na rin ng pahayag ang kampo ni Vice President Robredo.

Sa panig ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng PKP, sinabi niyang ang pekeng balitang ito ay siguradong inilabas ng kampo ni Marcos para bigyang-kredibilidad at itambol ang umano’y “koalisyon” sa pagitan ni Robredo at ng PKP.

Nauna nang itinanggi ng PKP na nakikipag-usap ito sa kahit sinumang kandidato para sa isang “koalisyong gubyerno.”

Idinadgdag din ni Valbuena na ang pakanang ito ay sa imbing layunin ni Marcos na “konsolidahin ang suporta ng anti-komunistang upisyal militar at pulis ni Duterte.”

“Ang taktika ng panrered-tag kay Robredo at kanyang mga tagasuporta ay naglalatag ng mga batayan para sa papatinding panunupil laban sa demokratikong mga pwersa,” ayon kay Valbuena.

Aniya, kaugnay din ito ng paulit-ulit na pahayag ni Duterte na nagbabanta sa “panggugulo ng mga komunista” sa panahon ng eleksyon, na maaaring gamitin para paigtingin pa ang mga pag-atake laban sa mga taga-suporta ni Robredo habang papalapit ang Mayo 9.

https://cpp.ph/angbayan/pekeng-balita-kaugnay-ng-paggabay-ni-ka-joma-sa-kampanya-ni-robredo-pinasinungalingan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.