Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 12, 2020): Malulunod sa Hagupit ng Galit ng Mamamayan ang Rehimeng Duterte
KIDAWA DAYAWENSPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN – DEMOKRATIKO A TIGNAYAN KADAGITI AGTUTUBO ITI KORDILYERA (KM-DATAKO)
CORDILLERA PEOPLE'S DEMOCRATIC FRONT
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
NOVEMBER 12, 2020
Nagpamalas na naman ng walang kakuwentahan ang rehimeng Duterte.
Mula sa kanilang mabagal na pagresponde sa mga unang buwan ng pandemya hanggang sa kasalukuyang pananalanta ng bagyong Ulysses, hindi na mapagkakaila ang kapalpakan ng rehimen. Kitang-kita at hindi na maitatanggi pa ito ng mga kasapakat niya kahit ilang beses nilang itago o ibaling sa iba ang tingin ng publiko. Walang kalatuy-latoy ang mga sinabi ni Duterte sa kaniyang press conference kanina at walang kahit ni anumang solidong tulong ang napaabot niya sa mga nasalanta ng kasalukuyan at mga nakaraang bagyo.
Oktubre pa lamang, nagsimula nang manalasa ang mga magkakasunod na bagyo. Sa loob ng labing siyam na araw, nakaranas ng limang bagyo ang Pilipinas–mula sa bagyong Quinta, Rolly, Siony, Tonyo at, ngayon, Ulysses. Maraming mga lugar sa bansa ang sunud-sunod na tinamaan at ilang milyon na ring halaga ng hanapbuhay ng mamamayan ang nasira. Ang ilang mga lugar sa Gitnang Luzon, Lambak Kagayan at Kordilyera ay binabaha na simula pa lamang ng bagyong Quinta. Lubog sa baha ang mga pananim ng mga magsasaka, at kaunti o halos wala man lang silang nasalba sa kanilang mga pananim. Halos mawala naman sa mapa ang Catanduanes, Bikol, Timog Katagulugan at ilang parte ng Bisayas dahil sa bagyong Rolly. Tatlong daan na mga bahay at anim na mga residente ang natabunan ng malalaking bungkos ng putik, bato at lahar sa Guinobatan, Albay dahil sa isang pinayagang quarrying operations ng Department of Environment and Natural Resources at ng local government unit sa may Bulkang Mayon. Hindi pa man nakakabangon ang karamihan nang nasalanta, hinagupit naman sila agad ng bagyong Ulysses.
Limang bagyo na ang nakakaraan ngayon lamang Oktubre hanggang Nobyembre, pero walang inatupag ang rehimeng Duterte kundi ang kanilang sariling interes at pagpapahirap sa mamamayan. Hanggang sa kasalukuyan, walang kahit anong nilabas ang Commission on Education at hinayaan pa ang mga pampribadong mga eskwelaha’t unibersidad para sa pagpapatigil ng pasok. Tuluy-tuloy din naman ang pagpapawalang halaga ng gobyerno sa mga pagsisikap ng LGUs at mga progresibong organisasyon sa pagtulong sa mga nasalanta. Sa halip, ibinabaling pa nila ang sisi sa mga LGU at mamamayan kung bakit marami ang nahagupit ng bagyo, habang nire-redtag naman ang mga aktibistang organisasyon sa gitna ng kanilang walang ampat na pagtulong. Samantala, pinahihintulutan pa rin ng gobyerno ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam sa kabundukan ng Sierra Madre kahit na alam nilang makakasira ito at makakaapekto sa natural na kakayahan ng kabundukan na bahagyang pahinain ang mga nagdaraang bagyo sa bansa.
Wala rin namang pagpapahalaga ang gobyerno sa sakuna kahit na madalas ang bansa na hagupitin ng mga bagyo, na siyang pinapatunayan ng apat na bilyon (4 billion) na tapyas sa badyet ng calamity funds sa pambansang badyet ngayong 2020. Samantala, mananatili sa 19 bilyong piso pa rin ang gustong italagang badyet ng Senado sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa darating na taong 2021. Anong gustong ipakain ng gobyerno sa mamamayan lalo sa panahon ng sakuna? Mga bala? Baka kung sakaling tawagin nilang “komunista” ang bagyo ay bumilis naman ang kanilang pagresponde.
Ang pag-iinisyatiba ng mga progresibong organisasyon at ng mga sosyo-sibikong mga organisasyon ay pagpapatunay na walang maaasahan ang mamamayan sa rehimeng Duterte. Sa kanayunan, ni walang kahit anong tulong mula sa gobyerno ang mamamayan at tanging ang mga rebolusyonaryong puwersa ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong pang-masang organisasyon ang nag-iinisyatiba na tumulong sa mga komunidad. Kaya hindi na dapat magtaka kung bakit umuulan ng batikos ngayon sa social media laban sa gobyerno, at sa ibang mga organisasyon nakaasa ang mamamayan. Ang gobyerno mismo ang dahilan ng kanilang pagkagalit.
Kaninang press conference ni Duterte, sinabi niya raw na gusto niyang languyin ang baha para “magligtas” ng tao. Pinipigilan lang daw siya ng kaniyang mga adviser at ng Presidential Security Guards (PSG). Kung gustong lumangoy ni Duterte para suungin ang baha, malulunod lang siya sa hagupit ng galit ng mamamayan! ###
https://cpp.ph/statements/malulunod-sa-hagupit-ng-galit-ng-mamamayan-ang-rehimeng-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.